Sugat sa gubat: Sulyap sa ugat ng trahedya
 

'Sugat sa gubat'
Itinanghal ng The CORRESPONDENTS, Lunes, 11:30 p.m.

 
Ulat ni Lynda Jumilla


Halos 30 taon ding pinakinabangan ng malalaking magtotroso ang kagubatan sa mga bayan ng Real, Infanta at General Nakar sa lalawigan ng Quezon.

Kabilang sa mga kompanyang ito ang Eastern Plywood, Infanta Logging, J. de Dios Enterprises, General Nakar Lumber at Ravago Commercial and Logging Co.

Malaki ang naging papel nila kung bakit nagkaganito at halos makalbo na ang kagubatan sa bahaging ito ng Quezon, ayon sa abogadong si Asis Perez ng grupong Tanggol Kalikasan.

Aniya, nagsimula ang malawakang pagtotroso noong huling bahagi ng dekada '60 at nagtapos lang noong 1993.

Sa panahon ng rehimeng Marcos, namayagpag nang husto ang mga magtotroso nang mabigyan sila ng mga "timber license agreement" (TLA).

Pero ayon kay Fernando Lu, direktor ng Pacific Timber Export Corp. (PATECO), ang mga TLA na ipinamahagi noong panahon ng dating pangulong Ferdinand Marcos ay wala nang bisa sa ngayon.

Aniya, nilinis ni Fulgencio Factoran, dating kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), ang hanay ng mga magtotroso.

Mula sa 139 na mga TLA, ani Lu, hindi na hihigit sa 30 ang nalalabing mga kompanya ng magtotroso matapos manungkulan ang dating pangulong Corazon Aquino.

Kung ninais umano ng pamahalaan noong panahon ni Aquino, pwedeng kanselahin ang lahat ng TLA. Pero kahit gaano kaliit, may nahahap na butas ang mga kompanya upang ipagpatuloy ang kanilang operasyon.

Sa imbestigasyon ng pamahalaan tungkol sa trahedya noong Nobyembre at Disyembre sa Quezon at Aurora, magkakasamang pinagdudahan ang legal at ilegal na pagtotroso bilang dahilan ng pangyayari.

Gayundin, sabit sa imbestigasyon ang mga opisyal ng pamahalaan at lokal na mga pinuno. Bukod sa kanila, dawit din sa siyasat ang iba pang mga kompanya at tao na kasabwat umano sa walang habas na pamumutol ng mga punong kahoy.

Isa sa mga iniimbestigahan ang kompanyang Green Circle na may operasyon sa Dingalan, Aurora.at General Nakar sa Quezon.

Ayon kay Victor Corpus, hepe ng Anti-Illegal Logging Task Force ng pamahalaan, patuloy umano sa pamumutol ng punong kahoy ang kompanya sa Dingalan at General Nakar. Aniya, sa kanilang inspeksyon ay hindi humihinto ang Green Circle dahil halos nakalbo na ang kagubatan sa nabanggit na mga bayan bagama't may mga tanim pa rin sa bahaging labas nito.

Sinabi rin Kalihim Michael Defensor ng DENR na handa na ang kaso laban sa ilang mga opisyal ng Quezon na sangkot uman sa ilegal na pagtotroso.

Samantala, habang hindi pa natatapos ang imbestigasyon sa trahedya, mananatiling suspendido ang operasyon ng legal na mga kompanya.

Sa madaling salita, hindi maaaring magpatuloy sa pagtotroso ang mga kompanya.

Wala ring balak ang pamahalaan na alisin ang pagbabawal sa pagtotroso sa buong bansa habang hindi nagdedesisyon ang Kongreso kung ano ang nararapat na patakaran sa wastong pagputol ng punong kahoy sa kagubatan.

Bunga ng pagbabawal ng pamahalaan, nagreklamo ang legal na mga magtotroso. Anila, wala silang kinalaman sa trahedya.

Sabi ni Lu, ang mga kompanyang walang kasalanan ang siyang nagdurusa ngayon.


Biktima ng industriya
Pinsala ang dulot ng pagpuputol ng punong kahoy sa kagubatan kahit sabihin pang industriya ito.

Pero giit ng Industries Development Corp. (IDC) wala silang kinalaman sa trahedya sa Aurora dahil kung tutuusin ay matatagpuan sa hilagang bahagi ng lalawigan ang kanilang operasyon at malayo sa Dingalan.

Napag-alaman kay Wilbur Dee ng IDC na mahigit 40 taon na ang kanilang kompanya at nakabase sa mga bayan ng Casiguran at Dilasag sa Aurora.

Sa katunayan, aniya, kung gaano kalayo ang Casiguran at Dingalan ay ganito rin ang kaibahan ng anyo ng kagubatan sa dalawang bayan.

Ayon kay Dee, ito ay resulta ng pinaiiral nilang selektibong pagtotroso.

Bukod sa pagiging mapili umano sa pagputol ng punong kahoy, seryoso rin sila sa pagtatanim nito hindi lang sa loob ng pribadong lupain ng kompanya kundi maging sa labas.

Nagtatayo rin sila ng pasilidad para sa pagpapalago ng magagandang uri ng punong kahoy tulad ng gmelina, lauan, bagras at iba pa.

Aniya, malaking bahagi ng mga punong kahoy na pinuputol ng IDC ay dinadala sa Kalakhang Maynila upang gawing mga muebles at iluwas sa ibang bansa.

Pero plano ng IDC na magtatag ng industriya ng muebles at iba pang kagamitang yari sa kahoy sa Aurora para makinabang ang mga mamamayan sa mga punong kahoy na pinutol sa kanilang lugar.

Inumpisahan na rin ng IDC ang "sericulture" o pag-aalaga ng mga uod na gumagawa ng "silk thread."

Ngunit sa kabila ng maingat na operasyon ng IDC, kabilang ito sa mga kompanya na binabantayan ng grupo ni Corpus dahil sa suspetsang ilegal na bumibili ng troso ang mga kompanya sa mga "carabao logger."

Sagot ni Dee, kung totoo ito ay lugi sila sa bentahan.

Sa kabila ng paghuhugas-kamay at pagtanggi ng mga kompanya, maging legal o ilegal na magtotroso ay iisa ang magiging kapalaran, sabi ni Defensor.

Sa "Total Log Ban Bill" na inindorso ng Pangulong Gloria Arroyo at kasalukuyang tinatalakay sa Kamara ng mga Representante, bawal nang galawin ang mga primera klase at sekondaryang uri ng kagubatan.

Maaari lang magputol sa nakalbo nang kagubatan matapos itong taniman muli.

Samantala, hindi kabilang sa pagbabawalan ang pribadong mga lupain sa kagubatan.

Kapag naisabatas na ang panukala, kanselado lahat ang 200 mga TLA at iba pang uri ng permiso sa pagtotroso.

Ayon kay Defensor, kapag nangyari ito ay kailangang ibalik ng pamahalan ang puhunan ng mga magtotroso dahil sa ibinayad para sa TLA at mga permiso.

Bukod dito ay kailangan din umano ang malaking pondo para sa dagdag na mga tagapagbantay sa kagubatan.

Hindi raw pursigido
Banat ng mga kritiko, malabnaw umano ang pagtutulak ng pamahalaan sa panukala. Sagot ni Defensor, ipinauubaya nila sa mga mambabatas ang mga detalye ng panukala kaya may posibilidad pa ring makalusot.

Duda si Factoran kung maayos na maipatutupad ang panukala sakaling maisabatas ito. Aniya, problema ang pagbabantay sa kagubatan laban sa nagpuputol ng punong kahoy.

Tutol din si Factoran sa pagbabawal na magtroso sa mga kagubatan sa buong bansa. Anang dating kalihim ng DENR, imbes na pag-isipan ang pinakamagandang solusyon sa problema ay naghahanap ng madaliang sagot ang pamahalaan.

Nanindigan ang Tanggol Kalikasan na dapat ipatupad ang malawakan at panlahatang pagbabawal sa pagtotroso sa buong bansa.

Pero tutol dito ang mga katulad ni Lu. Aniya, problema nila ang kikitain kapag nangyari ito. Dagdag niya, problema na nila ngayon ang panghihingi ng buwis ng mga rebeldeng Bagong Hukbong Bayan (NPA).

Sa ngayon, malinaw na hindi lang ang paghihigpit laban sa pagtotroso ang kailangan upang alalauam ang panunumbalik ng kagubatan.

Nakaatang sa mga balikat ni Corpus ang malawakang programa sa muling pagtatanim sa kagubatan sa buong bansa. Nagawa na niya ito sa mahigit 20 mga barangay sa lalawigan ng Capiz noong 1992.

Pero mas mabigat ang pagsubok niya ngayon dahil mahigit 5 milyong ektarya ng lupain sa buong bansa ang kailangang taniman at bantayan laban sa ilegal na magtotroso.

 
                                  ARCHIVE
   
  www.abs-cbnNEWS.com