Kwentong Kenya: Kakaibang mukha ng Africa
 

'Pinoy heroes sa Kenya'
Itinanghal ng The CORRESPONDENTS, Lunes, 11:30 p.m.

 
Ulat ni Karen Davila

NAIROBI, Kenya - Kilala ang bansang Kenya sa awitin ng mga awiting pantribo na minana ng mga katutubo sa kanilang mga ninuno.

Kilala rin ang bansang ito mga hayop na malayang nakakagala kaya hindi nakapagtataka na isa ito sa mga lugar na paboritong bisitahin ng mga turista mula Amerika at Europa.

Ngunit para sa isang Pilipinong doktor na nakilala ng The CORRESPONDENTS dito, ang Kenya ay hindi lang bakasyunan kundi pangalawang tahanan.

Pero kumpara sa karaniwang mukha ng Kenya, ibang larawan ng bansa ang kinakaharap ni Dr. Hector Jalipa na 11 taon nang naninirahan sa bansa.

Si Jalipa ang hepe ng Africa Regional Office ng WorldVision, isang grupong kumakalinga at tumutulong sa mga Kenyan na mayroong HIV/AIDS.

Bilang pinuno ng WorldVision para sa programa nito kontra sa HIV/AIDS, sinusuyod ni Jalipa ang pusod ng Kenya. Ito ang mga lugar na liblib at hindi pa napapasok ng mga turista.

Kasama ang grupo ng The CORRESPONDENTS, nagtungo si Jalipa sa bayan ng Lambwe na walong oras ang biyahe mula sa kabisera ng Nairobi.

Ang bayan ng Lambwe ay isa sa mga lugar na pinagsisilbihan ni Jalipa. Sa lugar na ito, walang semento ang mga daan. Wala ring kuryente at telepono rito.

Nag-iisa ang eskwelahan sa Lambwe. Hindi man mabisita ng mga estudyante rito ang Pilipinas, magandang imahen nila sa mga Pilipino ay ang pagkatao ni Jalipa.

Isa si Jalipa sa mga tauhan ng WorldVision na nagtitiyaga sa pagpunta sa mga paaralang tulad ng matatagpuan sa Lambwe para turuan ang mga estudyante tungkol sa HIV/AIDS.

Saksi ang The CORRESPONDENTS sa pagiging prangka ni Jalipa. Ito ay dahil nakakaalarma ang pagkalat ng HIV/AIDS sa Kenya.

Noong 2002, nakapagtala ang mga awtoridad ng 700 katao na namamatay araw-araw dahil sa AIDS.

Sa kabuuan, isa sa bawat walong Kenyan o walong milyong mamamayan ang mayroong HIV/AIDS.

Ayon kay Jalipa, madaling kumalat ang HIV/AIDS sa Kenya dahil sa edad 14, nakikipagtalik na ang mga kabataang Kenyan at papalit-palit sila ng kasintahan.

Bukod pa rito ang kulturang kinagisnan kung saan ang babae na nabiyuda ay inaangkin ng kapatid o kaanak ng kanyang asawa.

Ang lahat ng ito ay nangyayari noong unang panahon dahil walang karapatan ang mga babae.

Pero ngayon, para sa WorldVision, edukasyon ang sandata ng grupo para sa mga kabataang Kenyan. Kaya layunin ng grupo na mapag-aral ang mga kabataan bilang iskolar nang sa gayon ay makapagtapos sila ng pag-aaral at magkaroon ng trabaho.

Sa pamamagitan nito, nais ng grupo na malihis ang landas ng mga kabataang Kenyan patungo sa kabutihan.

Condom vs HIV/AIDS
Laganap ang AIDS sa Lambwe. Sa 50, 000 nitong populasyon, kalahati ay positibo sa HIV habang ang iba ay mayroong AIDS pero ang nakakagulat, ang iba sa kanila ay hindi batid na mayroon silang sakit na ganito.

Dahilan sa kawalan ng kaalaman, ang iba sa mga mamamayan ng Lambwe na mayroong AIDS ay nakakapagpasa ng sakit.

Bukod sa pagpapamana ng asawa, kumakalat din ang AIDS sa Kenya dahil sa tradisyong pakikipagtalik ng babae sa bangkay ng yumao niyang mister. Kaya kung AIDS ang ikinamatay ng lalaki, tiyak na maipapasa ito sa iba.

Kawalan ng wastong kaalaman sa HIV/AIDS ang pangunahing dahilan ng pagkalat ng sakit na ito sa mga Kenyan. Ikalawa ay ang kahirapan kaya walang salapi na maipambili ng proteksyon ang mga Kenyan sa nabanggit na karamdaman.

Bahagi ng kampanya ni Jalipa ay ang pamamahagi ng libreng "condom" sa mga Kenyan. Kahit saang lugar sa bansang ito, may mga karatula tungkol sa wastong paggamit ng condom.

Kahit saan din, mayroong makikitang karatula na may impormasyon tungkol sa HIV/AIDS.

Sa layunin ding hindi na kumalat pa ang sakit, maging sa pampublikong mga palikuran ay may libreng condom.

Kung kalahati ng mga mamamayan ng Lambwe ay mayroong AIDS, sa 32 milyong populasyon ng Kenya ay tatlong milyon ang positibo sa sakit na ito.

Batay sa estadistika, isa sa bawat walong Kenyan sa mga probinsya ay mayroong HIV/AIDS. Isa sa bawat limang Kenyan sa mga lungsod ay pinaniniwalaan ding positibo sa HIV/AIDS.

 
                                  ARCHIVE
   
  www.abs-cbnNEWS.com