| Ulat nina Patrick Paez at Gigi Grande
Madaling araw pa lang ay nasa palengke na si "Lando" (di-tunay na pangalan) upang makipag-agawan sa pagbili ng mga sangkap sa negosyo nila ng kanyang asawa sa Sauyo Road sa Lungsod Quezon.
Tindero ng fish ball, kikiam, hotdog" at "ice-krambol" si Lando at ang misis niyang si Jenny.
Aniya, araw-araw ay marami siyang pinamimili na produkto para sa negosyo. Higit pang marami ang kanyang pinamimili kapag nakautang siya ng dagdag na puhunan sa "5-6."
Maghapon ang pagtitiis ng mag-asawa sa init ng araw para lang kumita. Pero ang siste, talagang matumal ang benta ngayong mga panahong ito.
Kaya sa halip na magpahinga, nagtatrabaho si Lando bilang potograpo pero may problema rin dahil palaging sira ang antigo niyang kamera.
Sa loob ng isang buwan, swerte na ang mag-asawa kung umabot ng P7,000 ang kinikita nila. Anila, kahit gaano ang sipag at tiyaga ay palagi pa ring kulang ang kanilang pera.
Kapag kapos sa badyet, unang binabawasan ni Lando ang pabaon na pera sa eskwela para sa mga anak. Kung noon ay P30 ang baon ng bawat isang bata. Pinagkakasya na rito ang pamasahe at pagkain sa eskwela.
Pero kamakailan, nabawasan ang baon ng mga bata. Ang P30 noon, P20 na lang ngayon.
Mahirap, patuloy na maghihirap
Aminado ang pamahalaan na kapag naipasa ang panukalang dagdag sa "value-added tax" (VAT), tataas ng P65 ang gastusin kada buwan ng isang pamilyang nasa kategoryang "mahirap."
Sa kaso ni Lando, sinabi niyang maaari niyang payuhan ang mga anak na maglakad na lang papuntang eskwelahan upang makamenos sa gastos.
Pangarap ng mga anak ni Lando na makapag-aral sa kolehiyo. Pero sa kasalukuyan, sa hirap ng buhay na kanilang dinaranas ay mananatiling pangarap na lang muna ang pag-aaral sa kolehiyo.
Hanggang sa kasalukuyan, pinagdedebatehan pa rin kung dapat itaas ang VAT sa 12 porsyento mula sa kasalukuyang 10.
Pero sa nakalipas na mga linggo, nagtaasan na ang presyo ng mga bilihin sa mga palengke kahit hindi nagbabayad ng VAT ang mga tindero.
Iba't iba ang dahilan ng mga tindero sa pagtataas nila ng presyo. Wika ng isa, tumaas na umano ang singil sa pagdaan sa North Luzon Expressway. Anumang araw umano, tataas na ang presyo ng mga bilihin dahil sa VAT.
Sisihin na lang dapat ang gobyerno, ayon sa mga tindero.
Sa kaso ng tinderong si "Arnel," alam niya kung magkano ang itataas sa presyo ng kalabasang tinda niya. Sa palagay ni Arnel, ang P30 kada kilo ng kalabasa ngayon ay magiging P40 na.
Ang siste, hindi malinaw kung paano nakwenta ni Arnel ang P10 na dagdag sa kanyang kalabasa.
Aminado rin siya na hindi niya naiintindihan ang isyu ng VAT.
Nangyayari ang bawal
Batay sa panuntunan, hindi dapat magtaas sa presyo ng mga paninda ang mga tindero sa palengke. Walang VAT ang mga produkto tulad ng gulay, prutas, isda, karneng baboy at baka.
Sa kabila nito, hindi naniniwala ang mga tindero tulad ni Junior Valerio. "Imposibleng hindi mapatungan ng VAT ang mga tinda namin," aniya.
May punto si Valerio dahil kahit walang VAT ang mga produktong pang-agrikultura, kapag tumaas ang halaga ng lahat ng mga bagay na may kaugnayan sa pagbebenta nito ay tiyak na walang pipigil na mapatungan ng presyo ang halaga ng mga ito.
Halimbawa nito ay ang mga produktong petrolyo at sektor ng elektrisidad.
Plano ng mga mambabatas na patawan ng dagdag na VAT ang mga sektor na walang buwis na ganito.
Pero ayon sa Independent Petroleum Companies Association, kung papatawan ng 12-porsyentong VAT ang produktong petrolyo, tataas ng P3 kada litro ang diesel at gasolina.
Ipagpalagay nang hindi tataas ang presyo ng sariwang mga pagkain. Ang tanong: sino na lang ba ang may kaya na bumili ng mga ito?
Malinaw na hindi ang 30 porsyento ng populasyon na kumikita na lang ng mababa sa P5,000 sa isang buwan.
Kung tutuusin, sa kasalukuyan, P8 ang isang piraso ng galunggong habang P9 ang isang lata ng sardinas.
Pero kapag bumili ng isang lata ng sardinas ang bawat pamilya, kailangan din nila ang mantika, asin at Gasul na panluto rito.
Ang sariwang isda ay walang VAT pero ang de-latang isda, mayroon.
Nakalulungkot pero kung ano ang produktong binibili ng mahihirap, siyang pinapatawan ng VAT sa ilalim ng batas.
* * *
Sa pag-aaral ng Center For Women's Resources, kapag naipatupad ang dagdag-VAT, tataas ng P0.20 ang presyo ng bawat lata ng sardinas at P0.10 ang bawat pakete ng "instant noodles."
Totoong hindi nagbabayad ng VAT ang mahihirap na mamamayan para serbisyo ng tubig, kuryente, bahay at pamasahe. Pero halos lahat ng mga bagay na kanilang pinagkakagastusan ay may VAT.
Ang ginagamit nilang sabon at "toothpaste" paggising sa umaga, may VAT. Ang iniinom nilang kape, may VAT. Ang de-lata at instant noodles sa tanghalian at mantika, may VAT.
Ang lapis at papel para sa eskwelahan ng mga anak, may VAT. Maging ang "catsup," toyo at patis na madalas iniuulam ng mahihirap na mamamayan, may VAT.
|