Ulat nina Abner Mercado at Karen Davila
Una sa dalawang yugto
The NETHERLANDS - Tinatayang 15,000 ang mga Pilipinong naninirahan sa Netherlands. Tulad ng ibang mga Pilipino na umaalis ng Pilipinas, paghahanap ng maginhawang pamumuhay ang sangkalan nila sa pangingibang bansa.
Sa bansang ito, tulad ng iba pang lugar, nasumpungan ng mga Pilipino ang tagumpay na kanilang hinahanap.
Isang halimbawa ang pamilya Gavino.
Ipinadpad ng kanilang kapalaran sa Netherlands noong unang mga taon ng dekada '70 ang mag-asawang Ronald at Terry Gavino.
Wala silang kilala kahit isang Pilipino sa Netherlands noong mga panahong iyon. Sa kabila nito, naglakas-loob sila, namuhunan at higit sa lahat, nanalangin.
Nagsimula bilang karaniwang manggagawa si Ronald pero ngayon, itinuturing na siyang isa sa pinakamatagumpay na negosyanteng Pilipino sa Europa.
Kilala sa pangalang "NIL" ang kompanya ng mag-asawang Gavino na nagbebenta ng kung ano-anong mga bagay at produkto. Sa kasalukuyan, kahit ang anak nilang si Raymond ay hinahasa ng mag-asawa para sa ganitong negosyo.
Kilala ang NIL hindi lang sa komunidad ng mga Pinoy sa Netherlands kundi maging sa tahanan ng mga mamamayang Dutch dahil sa mga magasin at kagamitan sa pang-araw-araw na pamumuhay. Ang lahat ng mga ito ay inaangkat pa mula Pilipinas.
Nag-umpisa ang mga Gavino sa puhunang $2,000. Ngayon, gumugulong sa $100,000 ang kanilang kinikita sa negosyo kada buwan.
Sila rin ang tulay kung bakit pinapanood ng mga Pilipino sa Netherlands ang The CORRESPONDENTS at iba pang mga programang ABS-CBN sa The Filipino Channel.
Sa ganitong uri ng negosyo ng mag-asawa, hindi kataka-takang malapit sila sa komunidad ng mga Pinoy sa Netherlands.
Sa katunayan, dinagsa ng mga bisita ang pagdiriwang ng ika-50 kaarawan ni Ronald. Saksi ang The CORRESPONDENTS sa pagtitipong ito gayundin si Ambassador Romeo Arguelles.
Bukod kay 'Joma'
Ayon kay Arguelles, maayos ang pamumuhay ng mga Pinoy sa Netherlands. Ito ay dahil kakaunti ang bilang ng mga Pinoy sa nabanggit na bansa kumpara sa ibang lugar tulad ng Amerika.
Dagdag ng embahador, walang masamang imahen sa Netherlands ang mga Pinoy kumpara sa ibang bansa na kinalalagyan ng kanilang mga kababayan.
Sa halip, sabi ni Arguelles, kilala sa angkin nilang katangian at talento ang mga Pinoy sa Netherlands.
Isinalaysay ni Arguelles sa The CORRESPONDENTS ang kasaysayan ng unang mga Pinoy na napadpad sa nabanggit na bansa. Aniya, noong una, pawang mga Pilipina na nakapag-asawa ng mga Dutch ang nagtutungo sa Netherlands.
Kinalaunan, kinuha ng mga Pinay ang kanilang mga kamag-anak. Sa paglipas ng mga taon, naging destinasyon na ang Netherlands para sa mga Pinoy na naghahanap ng magandang kapalaran sa labas ng Pilipinas.
Isa sa kanila si Nelly de la Rosa ng Santa Lucia, Ilocos Sur.
Kilala si de la Rosa hindi lang sa Netherlands kundi maging sa buong Europa dahil sa husay niyang umawit. Halos tatlong dekada nang nakabase sa Netherlands si de la Rosa, 41.
Hindi lang maginhawang buhay ang naging katas ng kanyang talento. Sa Netherlands na rin siya nakabuo ng pamilya kasama ang asawang si Ronald at mga anak na sina Oliver at Lorenzo.
14 na oras tapos Netherlands na
Ang kwento ng mag-asawang Gavino at ni Nelly de la Rosa ay 14 na oras na nilakbay ng The CORRESPONDENTS mula Maynila.
Lulan ang grupo ng isa sa mga eroplano ng KLM Royal Dutch Airline, ang tanging kompanya na may biyahe nang walang patid mula Maynila patungong Europa.
Mahaba ang 14 na oras na biyahe pero komportable ang grupo nang lumapag ang eroplano sa Schipol Airport the Amsterdam.
Ang Schipol ay tinatawag na tahanan ng KLM Royal Dutch. Isa ito sa pinakamodernong paliparan hindi lang sa buong mundo kundi maging sa buong mundo
Nakakalula ang Schipol. Kumpleto ang mga pasilidad nito na maihahalintulad sa malalaking mga pamilihan o siyudad. Sa katunayan, kilala ito sa tawag na "airport city."
Marahil, kung dito napadpad ang karakter ni Tom Hanks sa pelikulang "Terminal" ay wala siyang problema dahil mayroong hotel sa loob mismo ng paliparan.
Sa likod ng modernong mga pasilidad, pinakamalaki ang kontribusyon ng mga Pinoy na manggagawa.
Isa sa kanila si Virgilio Quiman na empleado sa Schipol. Ayon kay Quiman, marami siyang kilala at nakakasalamuhang mga Pilipino sa Schipol.
Ang iba sa mga nakikilalang kababayan ni Quiman ay mga Pinoy na nagbabakasyon mula Italy. Mayroon ding mga Pinay na nars na namamasyal sa Netherlands mula sa iba't ibang panig ng Europa.
Pero sa gitna ng kanilang mga kwento, batid ni Quiman, ng mag-asawang Gavino at maging si de la Rosa na sila ay mga Pilipino pa rin.
Sa isip at sa kanilang mga puso, hindi nakalilimot ang mga Pilipinong tulad nila sa kanilang lupang tinubuan.
Itutuloy.
|