|
Ulat nina Karen Davila at Abner Mercado
Ikalawang bahagi
THE HAGUE, Netherlands - Katabi lang halos ng embahada ng Pilipinas
sa The Hague ang opisina ng Stichting Bagabag Philippines Foundation,
ang grupo na itinatag at pinamamahalaan ng isang dating nars na
Pilipinas sa London, si Cita Schols.
Limampu't dalawang taong gulang at dalawang dekada nang naninirahan
sa Netherlands si Schols kasama ang asawang si Wim Schols.
Aniya, noong 1991 nila naisipan ng kanyang asawa na magpaaral ng
mga bata mula sa paaralang pinanggalingan niya sa Bagabag, Nueva
Vizcaya.
Unang ipinagawa nina Schols ang kumbento o bahay ng pari na namamahala
sa Saint Jerome's Academy.
Kasunod nito, ipinatayo ang gusaling ng administrasyon at silid-aklatan
gayundin ang silid ng mga guro. Mula noon, nagtuloy-tuloy ang pagiging
mabuting samaritano ni Schols.
Sa kasalukuyan, mahigit 70 mga estudyante ang pinapaaral niya.
Ayon kay Teresita Gurat, punong guro ng paaralan, magkaklase sila
ni Schols noong mga bata pa sila.
Ang hindi niya alam, paglipas ng mga taon ay mismong ang kaklase
niya ang magkakaloob ng biyaya sa kanyang kapwa.
Habang nasa The Hague ang grupo ng The CORRESPONDENTS,
inimbitahan ni Schols ang pangkat na lumibot sa lungsod at makipagkwentuhan
sa kanya.
Unang tanong ng The CORRESPONDENTS kay Schols: Paano siya
nakibagay sa kanyang asawang Dutch? Aniya, madali lang pakibagayan
ang mga Dutch dahil mababait sila at mabubuti ang mga ugali.
***
Tahimik ang pamumuhay sa The Hague kumpara sa Amsterdam na kabisera
ng bansa.
Sa kabila nito, masigla ang kalakalan sa lungsod. Sa kasalukuyan,
ang Netherlands, tulad ng maraming bansa sa Europa, ay gumagamit
ng iisang pera. Ito ay ang Euro.
Tinangka ng mga bansa sa Timog-Silangang Asya, tulad ng Pilipinas,
na gawing iisa ang kanilang pera pero hindi ito umubra.
Ang problema, hindi ganoon katatag ang ekonomiya ng mga bansa sa
bahaging ito ng daigdig kumpara sa Europa.
Sa isang tindahan ng mga prutas at gulay, sinubukan ng The
CORRESPONDENTS na bumili ng saging.
Sa katumbas na halaga sa piso, ang isang piraso ng saging ay nagkakahalaga
ng P60.
Kung ikukumpara sa Pilipinas, mahal ang saging dito pero kung tutuusin,
mura para sa mga Dutch.
***
Naging panauhin din ang The CORRESPONDENTS sa tahanan ni
Nelly de la Rosa, isang Pilipinang mang-aawit na sikat sa Europa.
Isang Ilokana si de la Rosa at nagmula siya sa bayan ng Lucia
sa Ilocos Sur.
Kasama ang asawang si Ronald Van Der Weijden, inimbitahan ni de
la Rosa ang The CORRESPONDENTS para maghapunan sa kanilang
bahay.
Sa pag-aasikaso ng bisita, Pinoy na Pinoy si Van Der Weijden, isang
malinaw na impluwensya sa kanya ng kabiyak.
Sa okasyong iyon, kitang-kita ng The CORRESPONDENTS kung
gaano kamahal ng kanyang asawang Dutch si de la Rosa.
Bagama't mahigit 10 taon na silang nagsasama, naroon pa rin ang
pagmamahal nila sa isa't isa.
Mapalad si de la Rosa sa kanyang napangasawa.
Aniya, mistulang kwento ni "Cinderella" ang istorya ng kanyang
buhay.
Aminado si de la Rosa na isa siya sa mga Pilipina na nangibang
bansa at nakapag-asawa ng dayuhan.
Swerte siya sa aspetong ito dahil maligaya siya kumpara sa iba
na nabigo sa kanilang mga pangarap.
Ngunit kahit lumigaya siya sa piling ng asawa at tagumpay sa trabaho,
sinabi ni de la Rosa na mayroon pa ring pilit sumisira sa kanyang
pinaghirapan.
Aniya, tulad sa Pilipinas ay laganap din ang pagkakaroon ng "utak-talangka"
ng ibang Pilipino sa Netherlands na sinisiraan siya sa trabaho.
Sa kabila nito, nanindigan si de la Rosa na kahit harangan siya
ng sibat, kung tunay at dalisay ang kakayahan ay dadaloy ang angkin
niyang karunungan.
|