Ulat nina Aladin Bacolodan
SABAH, Malaysia - Unang araw ng Marso 2005, nang sinimulan ng pamahalaang
Malaysia na hulihin ang mga dayuhan na ilegal na naninirahan sa
kanilang bansa.
Sinuyod ng mga awtoridad ang mga lugar na kilalang taguan ng mga
dayuhan na walang sapat na papeles upang manatili sa Malaysia. Isa
na rito ang Sabah.
Sa mga araw matapos umpisahan ang operasyon, umabot sa 200 mga
Pilipino ang naitapon sa kulungan. Batay sa parusa, bibilang ng
buwan ang mga Pilipino bago ipatapon sa Pilipinas. Sa loob ng panahong
ito, pagmumultahin din sila at lalatiguhin.
Batay sa pagtataya ng Malaysia, mahigit 500,000 mga dayuhan ang
ilegal na naninirahan sa bansa. Karamihan sa mga dayuhan na ito
ay mga Pilipino at Indones.
Ngunit ang siste, sa ilegal na mga dayuhan tulad ng mga Pilipino
at Indones iniaasa ng mga Malaysian ang mga trabaho na inaayawan
tulad ng hanapbuhay sa pabrika, plantasyon at konstruksyon.
Pero sa kabila ng kanilang pagtatrabaho, hindi nagbabayad ng buwis
ang ilegal na mga dayuhan. Madalas din, kung may basehan o wala,
sa kanila isinisisi ang mga krimen at pagkalat ng mga sakit.
Bunga nito, naghigpit ang pamahalaang Malaysia simula 2003.
Malayo, malapit Karamihan sa ilegal na mga dayuhan ay matatagpuan
sa Sabah na bahagi ng Borneo. Ang Sabah ay halos kasinglaki ng Mindanao.
Halos lahat ng mga isla na nakapalibot sa Sabah ay nasa hangganan
ng Tawi-Tawi, ang pinakadulong lalawigan ng Pilipinas sa timog.
Isa ito sa dahilan kung bakit daan-daan libong mga Pilipino ang
pumupuslit sa Malaysia.
Sa nakalipas na mga panahon, naging takbuhan ng mga Pilipinong
naghahanap ng higit na magandang hanapbuhay ang Malaysia, lalo na
ang Sabah dahil malapit lang ito sa Pilipinas.
Ngunit bunsod ng paghihigpit ng pamahalaang Malaysia sa ilegal
na mga dayuhan, nagdadalawang isip na ang mga Pilipino kung sulit
at ano ang kinabukasang naghihintay sa kanila sa Sabah.
Sinaksihan ng The CORRESPONDENTS ang kampanya ng pamahalaang
Malaysia sa ilegal na mga dayuhan. Buwan ng Pebrero 2005, nang maglakbay
ang grupo mula Zamboanga.
Sa pantalan ng Zamboanga umaalis ang karamihan sa mga Pilipino
upang magtungo sa Sabah.
Nagkakahalaga ng P3,500 ang tiket patungong Sabah. Pero pagdating
sa Sabah, kailangang magpakita ng tiket pabalik ng Pilipinas ang
pasahero.
Bihira sa mga pasahero ang may kakayahang bumili ng tiket pabalik
kaya dinadaya na lang umano ng mga opisyal ng barko ang tiket at
tinatakan ng pabalik sa Pilipinas.
Sa pamamagitan ng "SuperJet," tatagal ang biyahe ng 14 na oras
mula Zamboanga hanggang Sandakan na siyang pantalan papasok ng Sabah
sa Malaysia.
Samantala, isang araw ang biyahe sa malalaknig barko.
Madaling araw nang umalis ang The CORRESPONDENTS sa Zamboanga
at dumating sa Bongao, Tawi-Tawi. Sa Bongao, tinatakan ng mga opisyal
ang pasaporte ng mga biyahero na papuntang Sabah.
Ang tatak sa pasaporte ay pagkakakilanlan ng araw ng pagbalik ng
pasahero sa Pilipinas.
Kasabay ng The CORRESPONDENTS sa biyahe ang mahigit 100
mga pasahero. Lahat sila ay papasok nang legal sa Malaysia bilang
mga turista. Ngunit sa unang tingin, kaduda-duda na agad kung lahat
sila ay totong mga turista.
Nakilala ng grupo si Melchor Espidido na dalawang dekada nang pabalik-balik
sa Zamboanga at Sandakan. Ipinagtapat ng lalaki na dati na siyang
nagtrabaho sa ilang mga plantasyon sa Sabah.
Noong makilala siya ng The CORRESPONDENTS, sinabi ni Espidido
na bibiyahe siya muli upang maghanap ng trabaho.
Ang problema, wala nang bisa ang "working visa" ni Espidido kaya
sa pagkakataong ito ay papasok siya sa Sabah bilang turista.
Sabi ng lalaki, kaya lang siya umuwi ng Pilipinas ay dahil wala
nang bisa ang kanyang visa. Kung tutuusin, aniya, makakalusot siya
sa Sabah at maaaring manirahan at magtrabaho roon kahit walang legal
na papeles.
Pero naghihigpit na ngayon kaya kailangang maging legal ang kanyang
pagtatrabaho, sabi ni Espedido.
Upang manatiling legal, sinabi ni Espidido na kinakailangan niyang
umuwi ng Pilipinas kahit ilang araw o magtungo sa Brunei upang matatakan
ang kanyang pasaporte.
Walang katiyakan
Sa biyahe niya noong Pebrero, hindi tiyak ni Espidido kung hanggang
kailan siya mananatili sa Malaysia.
Siya at ang iba pang mga pasahero, kasama ang The CORRESPONDENTS,
ay pinapayagan lang manatili sa Malaysia ng 15 araw bilang mga turista.
Ibig sabihin, dapat ay bumalik ng Pilipinas ang mga pasahero sa
loob ng dalawang linggo dahil kung hindi, ibibilang sila sa libo-libong
mga ilegal na dayuhan sa Malaysia.
Sa unang tingin, ordinaryong lungsod lang ang Sandakan na walang
ipinagkaiba sa mga syudad sa Pilipinas. Mayroong 500,000 na populasyon
ang siyudad na ito.
Pero sa pag-iikot ng The CORRESPONDENTS, napansin ng grupo
na hindi ito Pilipinas dahil madarama ang kaayusan at katiwasayan
ng buhay.
Malalawak ang mga kalsada, walang masikip trapiko, disiplinado
ang mga tao, maayos at malinis ang paligid at kumpleto ang mga imprastruktuta
at pasilidad sa Sandakan, na siyang ipinagkaiba nito sa Pilipinas.
Presko rin ang hangin dahil kahit saan lumingon, may punongkahoy.
Magaganda rin ang mga tanawin na maaaring epekto ng maaayos na pamamalakad
ng pamahalaan.
Pinaiiral din ang batas dito na siyang ikinakatakot ni Ella Navigar,
isang Pilipina. Ayon kay Navigar, sa totoo lang ay natatakot siyang
lumabag sa batas sa Malaysia.
Aniya, nasubukan na niya ang lupit ng mga batas dito. Sa katunayan,
tatlong buwan siyang nakulong at ayaw na niyang maulit muli ang
sinapit sa loob ng piitan.
Kabilang si Navigar sa halos 10,000 mga Pilipino na ipinatapon
ng Malaysia noong 2002.
Pero pagpasok ng 2003, bumalik siya ng Sandakan bilang turista.
Sa kasamaang palad, nawala ang pasaporte ng babae.
Nalagay sa alanganin si Navigar dahil bukod sa nawala ang kanyang
pasaporte, nawaglit din ang kanyang working visa.
Bunga nito, isa siya sa mga tumugon sa panawagan ng embahada ng
Pilipinas sa ilegal na mga dayuhan upang samantalahin ang alok na
amnestiya ng pamahalaang Malaysia hanggang Pebrero 2005.
Sa ilalim ng amnestiya, ang mga dayuhan tulad ni Navigar ay maaaring
umalis ng Malaysia nang walang parusa. Ibig sabihin, ligtas sila
sa panghuhuli, kulong, latigo at multa.
Maaari rin silang bumalik ng Malaysia sa oras na maayos ang kanilang
papeles.
Ang kailangan lang sa mga tulad ni Navigar ay kumuha ng dokumento
ng paglalakbay sa embahada ng Pilipinas.
Pwede pero delikado
Umabot sa 18,000 mga ilegal na dayuhang Pilipino ang nabigyan ng
papeles ng embahada ng Pilipinas sa loob ng apat na buwan ng pagpapatupad
ng amnestiya.
Sa kabila nito, wala pang 10,000 sa mga Pilipinong ito ang bumalik
ng Pilipinas. Maging si Navigar ay nagsabing kukuha lang siya ng
dokumento sa embahada ng Pilipinas upang makatiyak bagama't hindi
pa siya aalis.
Tulad ng karamihan, idinahilan ni Navigar na kabuhayan ang dahilan
kung bakit sila handang makipagsapalaran sa Sabah kahit sabihin
pang nanganganib sila sa aresto ng mga awtoridad.
Samantala sa Pilipinas, hindi pinalalayas ang ilegal na mga dayuhan
bagkus sila ay kinukupkop.
Ang mga Indones na mistulang kinupkop ng Pilipinas ay matatagpuan
sa Barangay Pahang sa bayan ng Glan, Sarangani.
Ang mga bata sa Barangay Pagang, bukod sa Tagalog ay marunong din
ng wikang Indones o Bahasa. Maituturing silang mga Indones dahil
sa kanilang dugo pero ipinanganak at nagkamulat sila sa Pilipinas.
Sa Pahang nakilala ng The CORRESPONDENTS si Nilda Macotika.
Estudyante sa kolehiyo sa General Santos si Macotika.
Pero noong araw na nakita siya ng The CORRESPONDENTS, sinabi
ng dalaga na umuwi siya ng Glan upang humabol sa pagpaparehistro
sa Kawanihan ng Imigrasyon at konsulado ng Indonesia.
Ang pinoproseso ni Macotika ay ang kanyang "Alien Registration
Certificate" (ACR). Isa lang siya sa tinatayang 8,000 Indones sa
Mindanao na ipinanganak sa isla pero hindi dokumentado.
Hiniling ng pamahalaang Indonesia sa Pilipinas na maging legal
ang paninirahan ng mga Indones na tulad ni Macotika. Pumayag ang
pamahalaang Pilipinas.
Pinagbatayan din ng pamahalaang Pilipinas ang kampanya kontra terorismo
sa pagpaparehistro sa mga Indones.
Kapag naisaayos ang pagpaparehistro sa mga Indones, magkakaroon
ng sistema sa pagkilala sa mga terorista at legal na residente.
Natuwa ang Indonesia sa desisyon ng pamahalaang Pilipinas.
Ikinatuwa rin ito ni Macotika at ng kanyang pamilya dahil sa loob
ng 40 taon, sa isang liblib na bahagi ng Pagang sila naninirahan.
Nagtatrabaho sa isang plantasyon ng niyog ang ama ng dalaga habang
ang kanyang ina ay katulong sa pag-aalaga ng mga sakahan at pag-ani
ng agar-agar.
Ang ilan sa mga kapatid ni Macotika ay hindi na nakapag-aral at
nangisda na lang upang may ikabuhay.
Kapwa Indones ang mga magulang ni Macotika ngunit maging sila ay
dito na ipinanganak sa Pilipinas kaya bihasa na rin sa wikang Bisaya.
Kwento ng ama ni Macotika, nakarating ang kanyang lolo sa Mindanao
upang maghanap trabaho. Noong mga panahong iyon, nawili sa Mindanao
ang ninuno ng dalaga dahil mura ang mga bilihin dito.
Mula noon, hindi na umalis ang mga Macotika sa Mindanao.
Sa kwarto ni Macotika, kitang-kita ang impluwensyang Pinoy. Pero
aniya, ayaw niyang maging Pilipino dahil sa kanyang puso ay Indones
pa rin siya bagama't naninirahan sa Pilipinas.
Tulad ng bagong sibol na mga Indones, ang henerasyon ni Macotika
ay marunong pa ring magsalita ng Bahasa.
Sa kanilang lugar sa Pagang, isang komunidad ng mga Indones, ang
mga mamamayan ay aktibo sa simbahan at mapayapang namumuhay kahit
naghihikahos sa kabuhayan.
Ayon kay Agustinos Lambahayang, isa ring Indones at kapitan ng
barangay, masaya ang kanilang pamumuhay dito.
Aniya, mayroon silang mga kamag-anak sa Indonesia pero higit nilang
nais mamuhay sa Pilipinas.
Sinabi ni Lambahayang na mahirap mamuhay sa Indonesia. Pero sa
Pilipinas, basta masipag ang tao ay maaaring kumita ng salapi.
Hindi sila mayaman, sabi ni Lambahayang, pero panatag ang loob
nila sa pamumuhay sa Pilipinas.
Baligtad ang mundo
Nagmula ang mga ninuno nina Macotika at Lambahayang sa isla
ng Sangir sa Manado, Indonesia.
Tulad ng mga Pilipino sa Malaysia, wala rin silang pasaporte nang
unang pumasok sa Pilipinas. Ngunit kumpara sa ilegal na mga dayuhan
sa Sandakan at Sabah na pinapalayas doon, ang mga Indones sa Mindanao
ay mainit na tinatanggap ng pamahalaang Pilipinas bilang mga bisita
at bahagi ng komunidad.
Sa kaso ng mga Pilipino na ilegal ang paninirahan sa Malaysia,
hanggang sa kasalukuyan ay nakikipag-ugnayan pa rin ang pamahalaang
Pilipinas sa mga awtoridad upang maging higit na makatao ang pagtrato
sa mga bilanggong dayuhan.
Sa kasalukuyan, lampas 1,000 mga Pilipino na ang nabibilanggo sa
Malaysia, partikular sa Sabah pero patuloy pa rin ang pagdakip sa
mga tulad nila.
Samantala, ang mga naipapatapon ng Malaysia ay uuwi sa Pilipinas
na luhaan at may latay ng latigo. Ngunit pangako nila, babalik sila
sa Malaysia dahil higit na maganda ang antas ng hanapbuhay at pamumuhay
doon.
Sa kaso ng mga Indones sa Mindanao, higit nilang nanaisin na manatili
sa Pilipinas at huwag nang bumalik ng Indonesia. Anila, higit na
magandang mamuhay sa Pilipinas.
|