Ulat nina Lynda Jumilla
VATICAN CITY - Kung totoong ang pagmamahal ay sinusuklian ng pagmamahal
din, sobra-sobra nga ang pagmamahal ni Pope John Paul II sa sangkatauhan.
Kung ganito ipaliliwanag ang nag-uumapaw na pagtingin ng mga Katoliko
at ibang relihiyon sa kanya noong nabubuhay pa siya, nahigitan ito
sa anim na araw na nakaburol ang Santo Papa matapos siyang pumanaw
noong Abril 2, 2005.
Dinagsa ng milyon-milyong mga tao ang Vatican para magluksa, makiramay,
makipaglibing at mamaalam sa huling pagkakataon.
Ang mga migranteng Pilipino na nasa Roma at iba pang bansa sa Europa,
sumugod sa Saint Peter's Square sa Vatican nang mabatid na pumanaw
na ang Santo Papa.
Ayon kay Cora Jose, "Masakit na malaman na wala na ang Santo Papa.
Napalapit ako sa kanya at isa sa mga nagkomunyon sa kanya."
Bukod kay Jose, halos lahat ng mga Pilipino na nakausap ng The
CORRESPONDENTS sa Vatican ay may kanya-kanyang kwento tungkol
sa yumaong puno ng Simbahang Katolika.
Sabi ni Arnel Teves, naging inspirasyon niya ang Santo Papa sa
paghahanap niya ng magandang kapalaran sa ibang bansa.
"Utang na loob ko sa Kanya kung bakit ako nandito [sa Roma]. Siya
ang naging gabay ko dito."
Kwento ng madreng si Mimi Maravillas ng Sentro Pilipino sa Roma,
nagtungo agad siya sa Vatican at pumila noong unang araw ng burol
ng Santo Papa.
"Nagpasya akong pumila ng 11:30 p.m.. Nakapila na kami bandang
12 a.m. pero [kinabukasan] kami nakapasok."
Mahaba ang pila papasok ng Basilica at tinatayang aabot sa daan-daang
libong tao ang sumusulyap sa mga labi ng Santo Papa.
Sa labas ng Basilica, umabot na ang pila sa dalawang kilometro
mula sa pintuan ng simbahan.
Ang iba, hanggang porma na lang sa pagpila. Umalis din sila dahil
lumipas na ang anim na oras, nakapila pa rin sila.
Sa sumunod na mga araw, patuloy na humaba ang pila at ang mga umalis
ay nawalan ng pagkakataon na makapasok sa Basilica.
Kung tutuusin, maliit na bahagi lang ng kabuuang 1.1 bilyong mga
Katoliko ang dumagsa sa Vatican para sa seremonya ng burol at libing
ni Pope John Paul II dahil mga deboto lang mula Europa ang madaling
nakatungo sa lungsod na ito.
Tradisyong nabasura
Sa mahigit 200,000 kasaysayan ng Simbahang Katolika sa mundo,
pinairal ang maraming tradisyon. Marami ring mga bagay ang itinago
ng pamunuan ng Simbahan sa mga deboto.
Pero sa pagkamatay ni John Paul II, nabasura ang ilang mga kaugalian
at nabusak sa karaniwang tao ang mga pinto ng Simbahan.
Kilala ang Vatican bilang sentro Katolisismo, pamunuan ng Simbahan,
pormal, konserbatibo at higit sa lahat, nababalot ng mga lihim.
Ngunit nabago ito sa loob ng 26 na taon na panunungkulan ni John
Paul II.
Ayon sa paring si Nestor Impelido ng Salesian Historical Institute
sa Roma, si John Paul ang santo papa na lumabas at pumayag makihalubilo
sa karaniwang mga deboto.
Tanong niya: "Sino ba naman ang mga tao na hindi magdadagsaan sa
Roma para makiisa sa paglilibing sa isang tao kung ang taong ito
ay hindi naging dahilan ng kanilang pananampalataya?"
Kilala si John Paul II sa kanyang espesyal na pagtingin sa mga
sanggol at kabataan. Ito ang isa sa mga katangiang nagpamahal sa
kanya sa mga tao.
Kumpara noong mga unang panahon, hindi malapit at bukas ang Vatican
sa mga tao. Ang turing noon sa santo papa ay ay prinsipe ng Simbahan.
Isa siyang larawan ng tao na kinakarga sa upuan at hindi maaaring
hawakan. Ang tingin sa santo papa, dios na nararapat sambahin.
Nagmula ito sa tradisyon na ang mga nagiging santo papa ay mula
sa mga angkan ng dugong bughaw o kundi man ay itinalaga ng nakatataas
na uri sa lipunan.
Noong mga panahong iyon, itinatago sa publiko ang pagkakasakit
o kahinaan ng santo papa.
Kung kilala ang santo papa sa nabanggit na mga katangian, ang Vatican
ay tanyag bilang lugar na teritoryo ng mga Italyano.
Kung pagsasama-samahin ang lahat ng nakalipas na mga santo papa
na nagmula sa ibang bansa sa kasaysayan ng Simbahan, higit na marami
pa rin ang mga Italyano.
Sa kabuuan, ay 207 na ang mga Italyano na naging santo papa, 53
ang nagmula sa ibang bansa at 4 ang walang tiyak na bansang pinagmulan,
ayon sa kasaysayan ng Simbahan.
Hindi nakapagtataka ang ganito dahil bagama't isang hiwalay na
estado ang Vatican, nakapaloob pa rin ito sa teritoryo ng Roma sa
Italya.
Bunga nito, sa loob ng mahabang panahon, sa Roma, Italya at Europa
lang uminog ang mundo ng Katolisismo.
Nagbagong mukha ng Vatican
Sa huling bahagi ng ika-20 siglo, unti-unting
nag-iba ang imahe ng santo papa at maging ang kalakaran sa Vatican.
Nawala na ang garbo at naging higit na "totoong tao" ang lider
ng Simbahan.
Mula ito sa mga pagbabagong ipinakilala nina Pope John XXIII at
Pope Paul VI.
Sa pag-upo ni Cardinal Karol Wojtyla ng Poland noong 1978, tuluyan
nang nagbago ang mukha ng pamunuan ng Simbahan.
Sa pananaw ni Candida Servito, isang Pilipinong nagtatrabaho sa
Roma, si John Paul II ang santo papa na mahal ng lahat ng tao. Siya
lang din ang santo papa na tumangging magpakarga sa upuan.
"[Siya ang santo papa na] mahal ng lahat dahil simple lang siya.
Siya ang santo papa na ayaw magpakarga sa upuan."
Hindi nagkulong si John Paul II sa Vatican.
Imbes na dalawin siya ng mga deboto, siya mismo ang bumiyahe sa
iba't ibang bansa upang makalapit sa mga tao.
Matapos magkasakit nang malubha, hindi itinago ni John Paul II
ang kanyang kondisyon kahit sa mata ng iilan ay kahinaan na maituturing
ang pagkakasakit ng lider ng Simbahan.
Bukod sa pagiging malapit sa mga tao, bukas-loob din ang Santo
Papa sa iba pang relihiyon at pananampalataya.
Halimbawa nito ay ang pagpapatawad sa mga Hudyo at pakikipag-usap
sa mga lider ng relihiyong Muslim.
" 'Yung pagpapatawad, wala pang santo papa na nakagawa nito, [halimbawa]
patawad sa mga Hudyo," sabi ni Impelido, " at pakikipanayam sa mga
lider ng Muslim."
Buhay na ordinaryo
Simpleng libing lang ang nais ni John Paul II. Ang nais niya, ordinaryong
kabaong na kahoy at hukay sa lugar na pinaglibingan sa naunang mga
santo papa.
Pero sa dami ng mga nagmamahal at humahanga sa kanya, masigabo
ang paghahatid kay John Paul II sa kanyang huling hantungan.
Magkakaiba ang paraan ng pamamaalam sa yumaong si John Paul II.
Ang mga kardinal, ginamit ang pinakapormal at pinakaespesyal na
ritwal ng Simbahan: isang misa sa wikang Latin na tumagal ng tatlong
oras.
Samantala, ang mga lider ng iba't ibang bansa ay nagtipon sa pambihirang
pagkakataon sa labas ng Basilica na mistulang walang pakialam sa
panganib sa seguridad.
Ang mga debotong Katoliko, idinaan sa sigaw at palakpak ang huling
pagpupugay kay John Paul II.
Sa sobrang paghanga at pagmamahal, nais ng mga deboto na gawing
santo si John Paul II.
Hindi kaiba ang ganitong panawagan sa iba pang mga Katoliko na
nanawagan din para gawing santo agad ng Simbahan ang yumaong Santo
Papa.
Sa kabila nito, sa pananaw ni Impelido ay malabo pang pagbigyan
ng Vatican ang hiling.
"Sa palagay ko bibigyan nila ng sapat na panahon ito at igagalang
ang proseso," aniya. "Hindi naman ibig sabihin na kapag inilibing
kahapon, bukas e santo na."
Matapos ang libing, abala na ang mga kardinal sa eleksyon ng bagong
santo papa.
Ang eleksyong ito ay isa sa pinakalihim na ritwal ng Vatican at
mananatiling nakatago sa publiko kahit mabago ang ilang kaugalian
ng Simbahan.
Exkomunikasyoo pagkatiwalag sa Simbahan ang parusa sa sinumang
empleado ng Vatican na magbubulgar sa napag-usapan sa proseso ng
eleksyon.
Upang matiyak na walang impormasyong makalalabas, bawal ang anumang
kagamitan tulad ng "tape recorder," "camera," "computer," "cellular
phone" at iba pang instrumento na maaaring magamit sa pagkalat ng
detalye ng eleksyon.
Sa proseso ng paghalal ng bagong santo papa, dalawang kardinal
ang hindi nakarating. Sila ay sina Arzobispo Jaime Cardinal Sin
ng Maynila sa Pilipinas at Arzobispo Adolfo Cardinal Suarez ng Monterrey
sa Mexico.
Kapwa maysakit ang nabanggit na mga kardinal.
Walang exaktong batayan sa pagpili ng susunod na santo papa pero
panawagan ng mga Italyano, ibalik ang poder ng Simbahan sa kanilang
bansa.
Ngunit may mga isyu rin na maaaring gawin na sandigan sa pagpili
ng bagong santo papa. Bukod sa panawagan ng mga Italyano, sinasabing
may pwersa rin ang boses ang mga Katoliko sa Latin Amerika dahil
narito ang mahigit kalahati ng 1.1 bilyong deboto sa buong mundo.
Mabilis din ang paglaganap ng Katolisismo sa Africa.
Pero sa opinyon ni Impelido, mayroon pang higit na mabigat na batayan
sa pagpili ng susunod na santo papa.
"Kaligtasan ng kaluluwa, 'yan ang pinakamabuting magagawa at ginawa
ng ating Santo Papa at mabuting nasa isip 'yan ng mga obispo at
kardinal sa pagpili ng kahalili ni Pope John Paul II."
Malaking hamon para sa bagong santo papa ang mapantayan kundi man
ay mahigitan ang galing, talino, sipag at pakikitungo sa mga tao
ni John Paul II.
Pero ang higit na mabigat na tungkulin ay kung papaano mapananatili
ang nabuhay na sampalataya ng mga deboto sa Simbahan na siyang ginawa
ni John Paul II.
|