Ulat nina Karen Davila
Sinasabing "nasa kabataan ang pag-asa ng bayan." Ngunit ano ang
kinabukasan na maiaalay at naghihintay para sa mga kabataan na nasa
loob ng piitan?
Sa pamamagitan ng tanong na ito nakilala ng The CORRESPONDENTS
si "Buchay," 13, nagnakaw umano ng isang kilo ng isda at nakapiit
sa Navotas.
Nakapiit din sa Navotas si "John," 12, dahil sa salang pagnanakaw.
Sa bawat pagsikat ng araw, isang bagong umaga ang naghihintay sa
loob ng piitan ng Navotas.
Pero kumpara sa buhay sa labas ng piitan, walang dala na bagong
pag-asa ang umaga para sa 24 na menor de edad na nakakulong dito.
Wala rin itong ipinagkaiba sa ibang araw na nagdaan, pahayag ng
mga menor de edad sa panayam ng The CORRESPONDENTS.
Kahit saan sila tumingin, pinaalalahanan sila ng kanilang mga kasalanan.
May rehas sa harap nila, may rehas din sa kisame.
Isa
sa mga menor de edad na nakapiit sa Navotas ay si Buchay. Siya ang
kaisa-isang babae na preso roon. Ang kanyang kaso: pagnanakaw.
Simpleng krimen ang nagawa ni Buchay at ito unang pagkakataon na
ginawa niya ito.
Pero kahit hindi pa siya sentensyado sa kasalanan, nagbubuno na
siya sa loob ng bilangguan kasama ng matatandang preso.
Sabi ni Buchay, mahirap sa loob ng piitan dahil sa siksikan. "Minsan,
inaapi nila (matatandang preso) ako. Kapag may nawala, papaluin
nila ako."
Hindi batid ng mga magulang ni Buchay sa Mindanao na dalawang buwan
na siya sa piitan. Bunga nito, hindi siya madalaw ng mga magulang.
Ang kasalanan ni Buchay ay nakaugat sa pagnanakaw umano ng isang
kilong isda na nagkakahalaga ng P200.
Pinagpiyansa ang bata ng P6,000 para sa pansamantalang kalayaan.
Ngunit aniya, kahit sa panaginip ay hindi pa siya nakakakita ng
ganitong halaga ng salapi.
Kamakailan ay nagdiwang ng ika-14 na kaarawan si Buchay sa piitan.
Sa madaling salita, dalagita na siya. Sa kabila nito, walang dumalaw
kahit isang kaanak si Buchay.
Kahit ang nag-iisang kaanak na tinitirhan niya sa Maynila bago
makulong, hindi rin dumalaw sa kulungan.
Maliban sa kaso ni Buchay at ng iba pang kabataan na nahuli dahil
sa bagansya, karamihan ng mga menor de edad na nakapiit sa Navotas
ay dinakip kaugnay ng ilegal na droga, partikular ang pagsinghot
ng "rugby."
Ang turing ng mga batang kalye sa rugby, pantawid-gutom. Pero sa
interpretasyon ng batas, imbes na ituring na biktima ang mga kabataan
ay ikinukulong sila kasama ng talamak na gumagamit at nagbebenta
ng ilegal na droga.
Mas gusto sa 'loob'
Aminado
si Senior Jail Officer 3 (SJO3) Michael Aceveda ng Navotas na magaan
na kaso ang pagsinghot ng rugby. Pero ang siste, aniya, ay labas-masok
sa kulungan ang mga kabataan na gumagamit nito.
Problema rin ang kawalan ng mauuwiang bahay ng mga kabataan na
siyang dahilan ng paglalabas-masok nila sa bilangguan, dagdag ng
opisyal.
Pahiwatig ni Aceveda, makabubuti nang ipiit ang mga kabataan sa
selda habang dinidinig ang kaso upang hindi na mapalaot sa mundo
ng ilegal na droga.
Karamihan sa mga bata na nakapiit sa Navotas, sabi ni Aceveda,
ay hindi na dinadalaw ng mga magulang. Ang iba rin sa mga menor
de edad na preso ay kinalimutan na ng kanilang pamilya o di kaya
ay matagal nang palaboy sa lansangan.
Sa karanasan ni Aceveda, marami na siyang nadaanan na kaso ng mga
kabataan na gumagawa ng kaso sa labas ng piitan upang makabalik
sa loob dahil ito na ang tahanan na kanilang nakagisnan.
Maihahalintulad sa sardinas ang kondisyon ng piitan sa Navotas.
Sa loob ng isang selda, 23 menor de edad na lalaki ang nagsisiksikan.
Isang maliit na butas sa pader ang nagsisilbing bintana ng selda.
Sa umaga, kahit sumikat na ang araw ay hindi sila nasisinagan nito.
Si John ang bunso sa selda sa edad niyang 12. Lumayas si John sa
kanilang bahay at nagnakaw ng bisikleta upang may ipanghanapbuhay.
Ngayon, hindi mailarawan ni John ang pagsisisi niya.
Sabi ng bata, mahirap sa loob ng piitan dahil hindi niya kapiling
ang mga magulang. Dagdag niya, kawawa ang kondisyon ng preso mula
sa mga kapwa at sa mga pasilidad.
Nagtatanong si John kung bakit hindi na lang siya pinarusahan ng
pamahalaang barangay dahil sa pagnanakaw niya ng bisikleta.
Ayaw ni John na manatili sa loob ng piitan. Dito sa loob, tiyak
na pupurol ang utak ng isang kabataang preso.
Tuwing Lunes lang may nagtuturo ng mga leksyon sa mga kabataang
preso. Ngunit swerte na rin kung mayroong ganito.
Swerte na rin kung maarawan ang mga preso.
Problema ng mga preso ang kawalan ng bentilasyon sa selda. Hindi
rin magawang itaboy ng mga bentilador sa pasilyo at kisame ang masangsang
na amoy sa selda.
Sabi ni Superintendent Deogracias Tapayan: ""Ang laman ng piitan
namin, 150 hanggang 200 [na preso] lang, ngayon 551 na. Minsan aabot
'yan ng 570."
Dagdag ng hepe ng piitan, "Sa tingin ko, wala na kaming malilipatan
kaya kailangan naming magtiis kung ano ang mayroon kami."
Anim lang ang selda sa piitan ng Navotas. Pero sa isang selda,
may 125 na mga presong nakakulong.
Mistulang nagsisiksikang mga sardinas sa iisang lata ang mga preso.
Maging sa mga pasilyo, may mga preso na rin.
Sa araw-araw, ito ang mundong iniikutan ng mga batang preso.
Kung hindi ito makatao para sa matatandang preso, paano na ang
pakiramdam ng mga kabataan?
Walang ipinagkaiba sa kilabot na kriminal
Akusado
pa lang sa krimen pero ang turing sa kanila ay nagkasala na. Sa
murang edad, ang parusa na sa kanila ay tulad sa isang kilabot na
kriminal.
Ito ang kalagayan ng isang kabataan kapag siya ay nakulong.
Para kay Kalihim Corazon Soliman ng DSWD, hindi dapat ikulong ang
mga bata na akusado sa krimen. Maging ang kabataang may kaso ay
hindi rin dapat ipiit, aniya.
Ang problema, walang pasilidad ang DSWD para tugunan ang pangangailangang
ito.
"Ang lokal na pamahalaan ay dapat mayroong piitan na may hiwalay
na selda para sa matatanda, babae at menor de edad," aniya.
Ngunit problema ito dahil hindi sumusunod ang lokal na pamahalan
sa patakarang magkahiwalay na piitan sa matatanda at kabataan.
Pero kahit magkakahiwalay ang mga selda, hindi ito ang nararapat
na lugar para sa isang menor de edad, sabi ni Soliman.
Ang problema, aniya, ay ang kawalan ng komprehensibong sistema
sa pagwawasto ng nagawang kasalanan ng isang menor de edad.
Ang nangyayari tuloy ay kapag nagnakaw ng isang lata ng sardinas
ang menor de edad, katumbas na ito ng kaso ng kilabot na kriminal
na nagnakaw ng P10,000 at kotse.
Sabi ni Soliman, "Talagang dehado ang bata. Sa mga ganoong sitwasyon,
ang aming payo, ihiwalay at pwedeng iwasto ang pagkakamali ng bata."
Sa ngayon, tinatayang 50,000 mga kabataan ang nakakulong sa iba't
ibang piitan sa buong bansa.
Batay sa estadistika ng United Nations World Children's Fund (UNICEF),
28 kabataan ang inaaresto araw-araw o isa kada oras. Kadalasan,
sila ay inaaresto dahil sa simpleng krimen.
Lumalabas na pito sa bawat 10 kabataan na naaresto, nakakulong
dahil sa pagnanakaw, pagsinghot ng rugby at pamamalimos o pagkalat-kalat
sa kalye.
Matagal nang isinusulong ni Sen. Francis Pangilinan ang isang komprehensibong
"Juvenile Justice Law" sa tulong ng UNICEF.
Kapag naisabatas ang Senate BIll 2625, ang edad ng bata na maaaring
kasuhan ay magiging 12 anyos na, kumpara sa ngayon na siyam na taong
gulang.
Kapag maliliit na uri ng krimen ang kaso at walang biktima, ang
akusado ay sasailalim sa isang "Juvenile Delinquency Prevention
Program."
Sa pamamagitan nito, hindi na dadaan sa korte at makukulong ang
akusado.
Pero ang problema, ayon kay Pangilinan, ay patuloy na natutulog
ang panukala sa Senado.
Sa mga batas ng Pilipinas para sa mga kabataan, wala pang tumatalakay
sa mga nagkasala sa batas at kung papaano nila maisasaayos ang buhay
sa pagbabalik-lipunan.
Ang sagot lang ng batas, kulong para sa nagkasala at akusado.
Karaniwan, walang pampiyansa ang nagkasala kaya nabubulok siya
sa piitan.
Sa sandaling maibasura ang kaso, nabayaran na ang kasalanan sa
haba ng panahon na binuno sa piitan.
Kaya tulong at indi kulong ang kailangan ng mga bata na napariwara.
Pero ang malinaw, wala ito sa loob ng piitan kundi matatagpuan sa
gabay ng magulang at rehabilitasyon na maibibigay ng lipunan.
|