"Bringing you an in-depth look at the lives of people as they are living it, as they are going through hardships, as they are celebrating their joys. It's journalism with a heart."

 

 
Mondays 11:30 pm
 


'Mount Cook Chronicles: The Road to Everest'
Itinanghal ng The CORRESPONDENTS,
Lunes, 11:30 p.m.

Ulat ni Abner Mercado
Una sa dalawang yugto

MOUNT COOK NATIONAL PARK, New Zealand - Dalawang taon na ang nakararaan nang ipunla ni Arturo Valdez, dating ikalawang kalihim ng transportasyon at komunikasyon (DOTC), ang idea na akyatin ang Mount Everest.

Wika nga sa Ingles, "its every mountaineer's dream to climb the highest peak in the world."

Ngayon, umuusbong na ang ipinunlang pangarap ni Valdez at ng kanyang grupo.

Labimpitong mga "mountaineer" na Pilipino ang ipinadpad sa New Zealand tangan ang matinding pagnanais na maihanda ang kanilang sarili at mga kakayahan.

Ang kanilang destinasyon: Mt. Cook na siyang pinakamatarik na bundok sa New Zealand.

Ayon kay Reggie Pablo, isa sa mga lider ng grupo ng mountaineer, sa sobrang tarik ng Mt. Cook ay wala nang pawang mga ulap na lang ang makikita sa tuktok nito.

Batid ng pangkat ni Pablo ang peligro na kanilang dadaanan sa pagsasanay. Kabilang dito ang masamang panahon, pag-ulan ng yelo at bagyo.

Sabi ni Pablo, halimbawa pa lang ito ng mapanganib na kondisyon na kakaharapin nila sa sandaling akyatin ang Everest.

Hindi lahat
Hindi lahat ng 17 mga mountaineer ang mapapabilang sa huling listahan ng grupong aakyat sa Everest. Pero sa pananaw ng bawat isa, tagumpay na ring maituturing ang mapabilang sila kahit sa pagsasanay para rito.

Nagmula sa iba't ibang panig ng Pilipinas ang mga miembro ng grupo. Bagama't mayroon silang magkakaibang paniniwala at relihiyon, bigkis sila ng iisang layunin.

Isang buwan bago lumipad ang grupo patungong New Zealand noong Marso, nagsanay muna sila sa bulubunduking bato ng Rodriguez, Rizal.

Dalawa sa mga miembro ng grupo ang agad nakilala ng The CORRESPONDENTS. Sila ay sina Janet Belarmino at Theodore Aquino.

Si Belarmino, 26, ay isa sa tatlong mga babae na kasapi ng pangkat. Sakaling maging mapalad siya na makabilang sa huling listahan, si Belarmino ang unang Pilipina na makaaakyat sa tinaguriang "bubungan" ng mundo.

Samantala, si Aquino, 26, ay miembro ng UP Mountaineers at matagal nang tagapagsanay sa palakasan na kung tawagin ay "rock climbing."

Sabi ni Aquino, banyaga para sa mga Pilipino ang mga bundok na nababalutan ng yelo. Bunga nito, kailangan nilang magsanay nang husto upang mahasa ang kanilang kakayahan.


Kakaibang Semana Santa
Pumapasok na ang Semana Santa noong Marso 19, 2005, nang lumipad ang Philippine Mount Everest Team patungong New Zealand para sa pagsasanay.

Sa Ninoy Aquino International Airport, agaw-atensyon ang grupo sa kapwa nila mga pasahero. Kakaiba ang kasuotan ng mga miembro ng grupo at hindi rin karaniwan ang kanilang mga bagahe, partikular ang mga kagamitan sa pag-akyat sa bundok.

Mula Maynila, lumipad ang eroplano ng grupo patungong Hong Kong bago ang 11-oras na biyahe sa New Zealand.

Ika-20 ng Marso nang lumapag ang eroplano ng mga mountaineer sa Auckland International Airport.

Mula sa Auckland, isa pang biyahe ng eroplano ang sasakyan ng grupo papuntang Christchurch sa bahaging timog ng bansa.

Ayon sa mga nakapanayam ng The CORRESPONDENTS, Christchurch ang isa sa pinakamahalagang siyudad ng New Zealand sa bahaging timog nito.

Sa kabila nito, tahimik, kalmado at hindi mabilis ang agos ng buhay-siyudad sa Christchurch kumpara sa ibang lugar sa mundo na halos nagkukumahog sa pagpasok sa trabaho ang mga tao lalo na kung araw ng Lunes.

Bago umalis ng Christchurch, bumili muna ang grupo ng mga kakailanganin sa pagsasanay sa Mt. Cook Village sa timog ng Christchurch.

Mula Christchurch, tatlong oras ang paglalakbay bago makarating sa Mt. Cook Village.

Bagama't walang tagapagsanay na nakuha ang grupo sa unang mga araw sa Mt. Cook Village, hindi nila sinayang ang pagkakataon.

Sa sumunod na mga araw, mula Marso 22-24, ginamit nila ang mga oras upang makaakma sa klima at kapaligiran ng kabundukan.

Dito nila ginugol ang mga oras, sa matulaing ganda ng lugar na maituturing na "paraiso" at swerteng narating ng The CORRESPONDENTS.

Pero higit sa lahat ng kagandahan ng lugar, pakay ng mga mountaineer na Pilipino ang karanasan ng pagsasanay sa Mt. Cook na isang hakbang patungo sa kasaysayang itatala nila sa Everest sa 2007 ngalan ng Pilipinas at kanilang mga kababayan.

Itutuloy...

   
>>> Previous Episodes