"Bringing you an in-depth look at the lives of people as they are living it, as they are going through hardships, as they are celebrating their joys. It's journalism with a heart."

 

 
Mondays 11:30 pm
 

 


'Mount Cook Chronicles: The Road to Everest'
Itinanghal ng The CORRESPONDENTS,
Lunes, 11:30 p.m.

Ulat ni Abner Mercado
Pangalawa sa dalawang yugto

Noong nakaraang Lunes ay inihandog ng The Correspondentsang kwento ng Philippine Mount Everest Team Expedition.

Mahigit isang taon nang nagsasanay ang pangkat sa iba't-ibang kabundukan sa Pilipinas at sa ibayong dagat. Noong 2004 ay nagtungo ang grupo sa Hilagang India na nasa Himalaya.

Sa taong ito, pangarap ng pangkat na magsanay para maiwagayway ang bandila ng Pilipinas sa tuktok ng Mt. Everest na pinakamatayog sa buong mundo.

Magkahalong pananabik at takot sa puso ang nadama ng mga miyembro ng expedition team habang patungo sa paliparan ng Mt. Cook.

Bago tumuloy sa Mt. Cook ay dumaan muna ang pangkat sa Alpine Guides. Patungo sa paliparan ng Mt. Cook ay nagbadya ang masamang lagay ng panahon sa pamamagitan ng makakapal na ulap na tumakip sa mga bundok.

Sa kabila nito, naghanda ang grupo para sa paglipad patungo sa Tasman Glacier. Makaraan ang matagal na paghihintay sa mas maaliwalas na panahon ay lumapag na ang helicopter na maghahatid sa pangkat sa Tasman Glacier.

Inihatid ang bawat pangkat sa Tasman Glacier. Naunang inilipad ang film crew ng The Correspondents.

Nagpabalik-balik ang helicopter para sunduin ang buong expedition team. Binubuo ng 20 Pilipino ang pangkat. May limang Alpine guides din na sumama sa pangkat.

Ang Tasman Glacier ang pinakamalawak na bulubundukin na nababalot ng yelo sa New Zealand. May lawak itong siyam na kilometro at may sukat ang kahabaan nito na 29 kilometro. Ipinangalan ito kay Abel Tasman na isang Dutch explorer.

Nagsimula ang paglalakbay sa glacier. Naglagay ng lubid sa katawan ang mga miyembro ng pangkat dahil dito raw nakasalalay ang buhay ng sinumang Alpine mountaineer.

Nagamit din ng grupo ang pinag-aralang "roping activity" at pagsusuot ng "crampons" na siyang kakapitan ng mga bota na kakagat sa yelo para maiwasan ang pagdulas.

Umakyat ang buong grupo sa Kelman Hut na siyang magsisilbing tahanan nila sa susunod na mga araw ng pagsasanay.

Si Janet Belarmino ang nanguna sa calesthenics sa mga unang araw ng pagsasanay ng pangkat. Bilang fitness instructor ay malaki ang naiambag ni Belarmino para mapalakas ang katawan ng grupo.

Sinundan ni Abner Mercado ang grupo sa kasagsagan ng kanilang pag-akyat ng isang batuhang bahagi ng Mt. Cook Village.

Nagsanay din sa pag-akyat ang cameraman niyang si Jimmy Dasal para makakuha ng magandang video. Ani Dasal, "Mahirap pala... Exciting kahit nakakatakot."


Sinubukan din ni Mercado na mag-rappel. Ipinaliwanag din sa kanila kung paano gamitin ang mga gear sa pagsasanay.

Ayon sa grupo, nasusukat ang tunay na pakikisama ng isang tao sa mga kapwa niya sa pamamagitan ng pag-akyat ng bundok.

Sa huling mga yugto ng pagsasanay ng expedition team ay hinati ang grupo sa tatlo para maglakad pababa ng glacier patungo sa Mt. Cook Village.

Bago bumaba ay nagsanay na muna ng ice climbing ang unang dalawang pangkat. Ginawa nila ang tinatawag na "ice fall."

Patungo sa training ground ay nalaglag pa ang cameraman na si Dasal habang pababa ng bundok.

Sa kabila nito, hindi raw maikukumpara ang maliliit na disgrasya kung ihahambing sa puspusang pagsasanay at sakripisyong ginagawa ng bawat kasapi ng expedition bilang paghahanda sa hamon ng pag-akyat ng Mt. Everest.

Malayo pa ang lalakbayin ng expedition dalawang taon mula ngayon. Pero anila, mahalaga na alam nila na nasa tamang landas sila patungo sa kanilang layunin.

Pero ang inaasam na tugatog ng Everest ay hindi nila kakayanin ayon kay Ani Arturo Valdez, dating ikalawang kalihim ng transportasyon at komunikasyon (DOTC).

"Hindi ho basta-basta ang expedition na ito. We're appealing to corporate giants. This is our Philippine team," aniya.

"We must have the technical support," dagdag ni Valdez.

Nasaksihan ng The Correspondentsang tapang at sigasig ng expedition team na nais magbigay ng karangalan sa bansa.

Umaasa ang nag-uulat na makakasama muli ang pangkat sa 2007 kung kailan susubukin nila na akyatin ang bubungan ng mundo.

   
>>> Previous Episodes