"Bringing you an in-depth look at the lives of people as they are living it, as they are going through hardships, as they are celebrating their joys. It's journalism with a heart."

 

 
Mondays 11:30 pm
 

 


'Tagu-taguan: Mga bata sa gitna ng digmaan'
Itinanghal ng The CORRESPONDENTS,
Lunes, 11:30 p.m.

Ulat ni Gigi Grande

Dinarayo ng mga bata mula sa iba't ibang panig ng bansa ang Children's Resource Center (CRC) sa Lungsod Quezon.

Ang mga bata na dumarayo sa lugar na ito ay may kimkim na galit, kalungkutan at pagkatakot dahil sa kanilang mga karanasan.

Sila ang mga bata na naipit s gitna ng gera ng militar at mga armadong grupo tulad ng Abu Sayyaf, Bagong Hukbong Bayan (NPA) at Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Sa murang edad, nakita at naranasan na nila ang mga bagay na hindi dapat makita at maranasan.

Batay sa mga estadistika ng pamahalaan at pribadong mga pag-aaral, tinatayang 4.5 milyong kabataang Pilipino ang naipit o apektado ng labanan ng militar at armadong grupo.

Pero hindi lahat ng mga bata na biktima ay nabibigyan ng sapat na tulong tulad ng pagkain, tubig, gamot, tirahan at damit.

Ang masaklap, nahihinto ang kanilang pag-aaral at mayroon pang iba na napapasanib sa armadong grupo.

Mayroon ding mga kabataang napapabayaan na dalhin ang karanasan sa digmaan hanggang sa kanilang pagtanda.

Sila ang mga kabataan na dapat pagtuunan ng pansin hindi lang ng pamahalaan kundi maging ng karaniwang Pilipino.

***

Isang umaga noong Pebrero 2005, minasaker ng isang armadong pangkat ang apat na miembro ng pamilya Padiwan sa Maimbong, Sulu.

Noong umagang iyon, matindi rin ang labanan sa pagitan ng militar at Abu Sayyaf.

Nadamay ang pamilya sa kaguluhan dahil napagbintangan silang kapanalig ng mga bandido.

Sa dami ng tama ng punglo sa bahay ng pamilya, walang duda na mamamatay agad ang mag-asawang Tal at Sidang Padiwan. Napatay din ang 13-anyos na anak nilang si Aldasir habang natutulog.

Maging ang pinsang si Salip Faisal Salim, hindi nakaligtas sa kamatayan.

Sa kabila ng pangyayari, nakaligtas ang 11-anyos na si Radzarana, isa sa mga miembro ng pamilya, upang ikwento ang mga pangyayari.

Mula sa wikang Tausug, naisalin ang panayam ng pamahalaang lokal ng Maimbong kay Radzrana. Aniya, " 'Yung mga kapatid ko tulog pa, ako nasa kusina, nagbibihis papunta sa madrasah (paaralan). Tapos nakita ko 'yung sundalo."

Sabi ng bata, nakita niya nang umakyat ang sundalo sa kanilang bahay at walang sabi-sabing pinagbabaril silang lahat.

Dagdag ng bata, unang pinagbabaril ng sundalo ang natutulog na mga biktima at isinunod ang kanyang ama at ina sa kusina.

Sugatan sa insidente ang pitong taong gulang na kapatid ni Radzrana, si Almujayyal. Naitakbo siya sa ospital matapos masaksihan ang masaker pero tumakas din kinalaunan mula sa pagamutan.

Sabi ng paslit, binantaan umano siya ng sundalo. Anang bata, nagbanta ang sundalo na papatayin siya kapag naipagpasya niya na tumakas sa ospital.

 

Karanasan, katarungan
Tinangka ng The CORRESPONDENTS na makapanayam ang bata pero bago makarating sa Sulu ang grupo, nailayo na ang paslit ng kanyang mga kaanak.

Kung tutuusin, dapat ay dinala ng mga kaanak ang bata sa lugar tulad ng ospital na mayroong mga expertong magbibigay sa kanya ng payo at pangangalaga.

Mahalaga rin para sa bata sa kasong ito na magkamit ng katarungan.

Pero nagpasya ang mga kaanak ng bata kaya itinago siya sa isang kapamilya sa Sabah, Malaysia upang mailayo sa mga sundalo na tumutugis sa kanya.

Bukod sa panganib na pilit tinatakasan ng bata sa Sulu, delikado rin siya sa paghihigpit ng pamahalaan sa Sabah laban sa mga Pilipino na ilegal ang pamamalagi roon. Sa madaling salita, "TNT" (tago nang tago).

Pero ito na lang ang alternatibong naiisip ng mga mamamayan ng Sulu at maging ang karatig isla ng Basilan, dalawang lugar na kilala sa kainitan ng pukpukan sa pagitan ng militar at Abu Sayyaf.

Mahigit isang dekada na ang Abu Sayyaf na nabuo noong 1990 mula sa hanay ng Moro National Liberation Front. Matapos ang isang dekada, nakilala sila sa pagdukot sa mga turistang nagbabakasyon sa Sipadan sa Sabah, Malaysia.

Bukod sa pagdukot at pagpapatubos sa mga biktima, nakilala rin ang grupo sa mga insidente ng pambobomba at terorismo sa Pilipinas.

Sa pagpasok ng 2001, pumasok sa eksena ang pwersang militar ng Estados Unidos upang tulungan ang pamahalaang Pilipinas na labanan ang mga terorista.

Ang sagot ng Abu Sayyaf dito ay higit na agresibong paghimok sa mga kabataan na sumanib sa kanilang hanay.

Ayon sa impormasyong nakalap ng The CORRESPONDENTS, bawat kabataan na sasanib sa Abu Sayyaf ay inalok umano ng P50,000 kada buwan, higit na malaki kaysa karaniwang sweldo ng Pilipino.

Samantala, ang mga kabataan na hindi lalahok sa pangkat ay nalalagay sa panganib na mabihag o dukutin ng mga bandido.

Noong 2001, umabot sa 36 na mga kabataan mula Basilan ang dinukot ng Abu Sayyaf. Ginawa silang panangga ng grupo laban sa militar.

Matapos silang pakawalan ng mga bandido, karamihan sa mga biktima ang nagsabing dumaranas sila ng matinding bangungot at masasamang alaala mula sa karanasan sa kamay ng mga bandido.

 

Ibang mukha ng Puerto Galera
Tulad ng digmaan sa Sulu at Basilan, may gera ring naranasan ang mga kabataang naninirahan sa Mindoro.

Bagama't kilala ang isla dahil sa Puerto Galera na isa sa mga sikat na dinarayo ng mga turista, may lihim na kwento ang lugar.

Dito nakilala ng The CORRESPONDENTS ang bata na itatago na lang sa pangalang "Adel."

Masaya si Adel nang makilala ng The CORRESPONDENTS. Ngunit ang ipinagtaka ng grupo ay ang pagtatapat ng bata na nais pa niyang manirahan sa kabundukan ng San Teodoro kaysa sa bayan ng Puerto Galera.

Ang San Teodoro ay may layong isang oras mula Puerto Galera. Nabatid sa panayam kay Adel na patuloy pa rin ang digmaan ng militar at NPA sa lugar na ito.

Sa lugar na ito nasaksihan ni Adel ang pagdukot sa kanyang mga magulang noong 2002. Labing isang taong gulang pa lang siya noon.

Kinalaunan, nabatid ng bata na pinatay ng mga kidnaper ang kanyang mga magulang.

Sinisi ni Adel ang sarili sa pagkamatay ng mga magulang. Paniwala ni Adel, maaaring buhay pa ang mga magulang kung nakalaban siya sa mga kidnaper.

Matapos mapatay ng mga kidnaper ang mga magulang, napalapit ang loob ni Adel kay Eden Marcellana ng grupong BAYAN Muna. Ngunit hindi nagtagal ay binaril at napatay din ng armadong pangkat si Marcellana.

" 'Yung itinuturing ko pong pangalawang nanay ay pinatay nila nang walang kasalanan kaya namuo sa akin 'yung galit," anang bata.

Higit sa lungkot at takot, galit ang nangingibabaw kay Adel. Ito ang dahilan, aniya, kaya nais niyang bumalik sa San Teodoro.

"Gusto kong gumanti sa mga pumatay sa magulang ko."

Sa kabila ng nararamdaman, pinipilit ni Adel na kalimutan ang kanyang nakaraan para maipagpatuloy ang pag-aaral. Pero mahirap ito, aniya.

Kung dati ay pangarap niya na maging nars, ngayon ay wala siyang ibang iniisip kundi maipaghiganti ang pagkamatay ng mga magulang.

Kaya sa edad na 14, habang abala ang mga kaibigan sa pagpapaganda at pakikipagbarkada, ibinubuhos ni Adel ang oras sa pangangampanya laban sa mga militar na pinaniniwalaan niyang pumatay sa mga magulang.

 

Higit sa tulong ng pamahalaan
Sa tuwing magkakaroon ng gera, tinutulungan ng pamahalaan ang apektadong mga komunidad sa pamamagitan ng pagtatayo ng ma evacuation center.

Ang problema, linggo ang binibilang bago makarating ang kailangang tulong sa mga biktima. Bago dumating ang tulong, ilan na ang nagkasakit at namatay sa hanay ng mga biktima.

Sa pag-aaral ng United Nations Children's Educational Fund (UNICEF), madalas ay siksikan sa mga evacuation center at mabilis nauubos ang pagkain, tubig, gamot at mga damit.

Wala ring pagpapatuloy ng edukasyon para sa mga bata na naipit sa digmaan.

Kapag naubos ang unang bugso ng tulong, bihira na itong masundan.

Kaya ang pakiramdam ng mga biktima ng gera, nakalimutan na sila ng pamahalaan at ng kapwa Pilipino.

Ganito rin ang pagtingin ni Beth de Castro, isang propesor sa Unibersidad ng Pilipinas at dalawang dekada nang nag-aaral sa sitwasyon ng mga kabataang naipit sa gera.

"Ang mga kabataan sa kaso ng gera sa Pilipinas, karamihan ay kusang loob na sumasanib sa armadong grupo," aniya.

Sabi ni de Castro, ang pangyayaring ito ay dulot ng kawalan ng patuloy na edukasyon, pang-aabuso ng mga magulang, kawalan ng pagkain."

Sa tingin ng mga kabataan, ang buhay sa bundok sa piling ng NPA o MILF ay higit na mabuti para sa kanila, ayon kay de Castro.

Ngunit hindi pa huli ang lahat, pahayag ni de Castro. Ang problemang ito ay masosolusyunan sa pamamagitan ng edukasyong pangkapayapaan, isang paraan ng pagtuturo sa mga kabataan ng kahalagahan ng kapayapaan.

 

Papel at katotohanan
Ganito ang ginagawa ng CRC. Kabilang sa mga aralin sa sentro ay ang pagguhit. Sa pamamagitan nito, nailalabas ng mga bata ang mga bagay na masyadong masakit bigkasin.

Ayon sa CRC, mahalaga sa mga bata ang ganitong uri ng tulong at pangangalaga.

Pero ang problema, iilan lang ang naaabot ng tulong ng grupo.

Sa tingin ni de Castro, kahit walang pangangalaga tulad ng ipinagkakaloob ng CRC, higit na maraming kabataan na biktima ng gera ay maaari pang lumaki nang normal kahit dumaan sila sa iba't ibang karanasan.

Ang kailangan lang ng mga biktima, aniya, ay ang wastong pag-aruga mula sa pamilya, komunidad at pamahalaan.

Gayunman, marami pa ring mga bagay na maaaring gawin para matulungan ang mga bata na naipit sa gera.

Una na rito ay ang pagtupad sa kasunduan ng pamahalaan at mga rebelde kaugnay sa mga kabataan. Ayon sa kasunduan, bawal sumanib sa hanay ng militar o rebelde ang mga mandirigma na may edad 18 pababa.

Mahalagang isyu rin ang panghihimok ng mga rebelde ng mga kabataan sa kanilang hanay.

Batay sa pag-aaral ng UNICEF, 18 porsyento ng mga rebelde sa Pilipinas ay mga bata.

Bagama't sa tuwina ay sinasabi ng mga rebelde na kusang loob ang pagsanib ng mga kabataan sa kanilang hanay, hindi dapat sila tumatanggap ng mga bata dahil nalalagay sa panganib ang buhay ng mga menor de edad na kasapi.

Kilala ang MILF sa paggamit ng mga bata bilang mandirigma.

Aminado ang MILF na mula pa noong 1982, gawain na nila ang magsanay ng mga kabataan para sa gera.

Natuklasan din ng MILF na mga ustadz o lider ng komunidad ng mga Muslim ang mismong humihimok sa mga bata upang sumanib sa grupo.

Kilala rin ang NPA sa paghimok sa mga kabataan. Pero sa pahayag ng grupo noong 2000, iginiit ng NPA na hindi na sila tumatanggap ng menor de edad.

Magandang balita ito ngunit sa katotohanan ay hanggang salita lang ang patakarang umiiral.

   
>>> Previous Episodes