"Bringing you an in-depth look at the lives of people as they are living it, as they are going through hardships, as they are celebrating their joys. It's journalism with a heart."

 

 
Mondays 11:30 pm
 

 


'Sa hirap at Gloria'
Itinanghal ng The CORRESPONDENTS,
Lunes, 11:30 p.m.

Ulat ni Patrick Paez

Nitong Mayo 2005, naitala ang pinakamainit na temperatura sa bansa sa loob ng 50 taon.

Noong Mayo 1, naramdaman ang kakaibang init sa mga lansangan papuntang Malacaņan.

Noong araw na iyon, nagsama-sama at nagkaisa ang mga aktibista at mga loyalista ni dating pangulong Joseph Estrada.

Hindi lang umento sa sahod ang hiling nila kundi maging ang pagbibitiw sa tungkulin ni Pangulong Arroyo..

Sigaw ng mga demonstrador," Pekeng Pangulo, Patalsikin!"

***

Wala sa palasyo ang Pangulo noong mga oras na iyon. Nagpapalamig siya sa Cebu, ayon sa mga ulat.

Kumpara sa Maynila, mainit ang pagtanggap ng mga Cebuano kay Gng. Arroyo.

Kumpara sa paninisi ng mga demonstrador sa Maynila, sa pagtanggap ng mga Cebuano sa Pangulo ay walang kritisismo.

Ang larawang naipinta sa Cebu ay ang kawalan ng paninisi bunsod ng tumataas na presyo ng produktong petrolyo.

Ang siste, sinabayan ito ng bumabagsak na grado ni Gng. Arroyo pagdating sa pagtingin ng mamamayan sa kanyang pagtatrabaho.

Ayon sa sarbey ng Pulse Asia noong Marso 2005, -12 porsyento ang grado ng Pangulo. Ito ang pinakamababa niyang grado mula nang maluklok sa pwesto sa Malacaņan.

Sa pagtataya ni Ana Maria Tabunda ng Pulse Asia, malaking bagay sa pagbaba ng grado ni Gng. Arroyo ang kalagayan ng ekonomiya.

Pero walang implikasyon ang negatibong marka ng Pangulo sa tuwing bibisita siya sa Cebu.

Sa tuwing mapapadpad si Gng. Arroyo sa Cebu, tumutuloy siya sa tinaguriang "Malacaņan of the South." Ito ay ang dating opisina ng Kawanihan ng Aduana sa Cebu.

Sa nakalipas na mga buwan, napapadalas ang pagdalaw ng Pangulo sa Cebu.

Cebu ang nagbigay ng sapat na mga boto sa Pangulo noong nakaraang halalan para malampasan ang pagkatalo sa buong Luzon at malaking bahagi ng Mindanao.

 

Nakahanap ng kakampi?
Kakampi ng Pangulo sa pulitika si Alkalde Tomas Osmeņa ng Cebu. Sa kabila nito, kahit siya ay marami ring reklamo sa patakbo ng pamahalaan.

Ang kaibahan lang, ang sinisisi ng mga tao sa Luzon at iba pang lugar ay ang Pangulo. Sa Cebu, alkalde ang sinisisi ng mga mamamayan.

Bumaba rin ang grado ng Pangulo sa Visayas na siyang nakasasakop sa Cebu.

Pero hindi ito pumantay sa epekto ng negatibong marka na naitala sa Mindanao, Luzon at Kalakhang Maynila.

Ang pakiramdam ng 70 porsyento ng populasyon ay naghihirap ang buhay nila.

Kung totoo o hindi, imposibleng balewalain ang pangyayaring ito.

Mabigat ang problema ng Pangulo. Dumarami na ang mahihirap at walang pera ang pamahalaan.

Sa halip na makatulong, kailangan pang dagdagan ang buwis na babayaran ng mga tao.

Sabi ni Tabunda, apektado ang lahat sa krisis sa kakulangan ng pondong nalilikom ng pamahalaan.

Malinaw din sa sarbey na tiwala ang mga mamamayan sa galing at talino ni Gng. Arroyo bilang ekonomista. Anak siya ng dating Pangulong Diosdado Macapagal, nag-aral sa Amerika at dating propesor sa Ateneo de Manila.

Pero ang tanong ngayon: maitatawid ba ng mga katangiang ito ang Pilipinas mula sa paghihirap?

 

'Lilo & Stitch' extra pa
Noong bumisita sa Pilipinas si Jasmin Trias, ang Fil-American na sumikat sa pamamagitan ng "American Idol," naglabasan sa Internet ang mga larawan ng karakter na si "Lilo and Stitch."

Magkamukhang-magkamukha sina Trias at Lilo, ang batang Hawaiiana. Ang Pangulo at ang karakter na si Stitch, parehong-pareho rin sa kulay asul na suot. Si Stitch ang alien na kaibigan ni Lilo.

Kung biro lang ang nabanggit na larawan, sa totoong buhay ay hindi katatawanan ang imahe ng Pangulo.

Sabi ni Rep. Gilbert Remulla, hindi lumalabas ang pagpapaganda ng karakter ng Pangulo bunsod ng problema niya sa imahe.

Isang halimbawa rito ang patalastas na may titulong "Ina ng Bayan" noong Marso 2002. Inilabas ito ng kampo ni Gng. Arroyo upang labanan ang malakas na panghatak ni Estrada sa mamamayan.

Ang tema ng patalastas, mahal ni Gng. Arroyo ang naaaping mamamayan. Sa patalastas na iyon, may papikit-pikit pa siya ng mga mata na mistulang nang-eengganyo sa mga kapanalig ni Estrada para lumipat ng suporta sa kanya.

Malayo iyon sa mataray na imahe ng Pangulo na ilang beses ding napanood sa mga balita sa telebisyon.

Mula nang maisahimpapawid sa telebisyon ang pagtataray niya, hindi na pumutok ang butse ng Pangulo.

Hindi na rin naulit ang mga palabas sa kanyang pagbabago at pagpapaganda ng anyo.

Noong kampanya sa eleksyon, gumamit na lang siya ng mga artista para hindi mapagbintangang sumosobra sa pagpapaganda ng anyo.

 

'Japorms'
Inamin ng isang tagapayo ng Pangulo na hindi nakatutulong ang pagpapakuha ng larawan ni Gng. Arroyo na mistulang pormang mayaman.

Ang problema, higit na napapalayo ang Pangulo sa ordinaryong mamamayan.

Kaya gumawa ng mga hakbang ang mga tagapayo ni Gng. Arroyo upang mapaganda ang kanyang imahe.

Bunga nito, iningatan na ang bawat pahayag ng Pangulo. Para sa mga mamamahayag, ipinagbawal na ang biglaang panayam sa daan.

Lahat ng mga tanong at sagot, dumadaan sa kanyang tagapagsalita.

Akma sa kanyang titulo bilang tagapagsalita si Ignacio Bunye para sa Pangulo.

Ayon kay Cerge Remonde, isa sa mga tagapayo ng Pangulo, si Bunye ay kalmado sa harap ng maiinit na isyu at tanong.

Bukod kay Bunye, nagsisilbi ring tagapagsalita si Remonde kapag kinakailangan.

Sina Bunye at Remonde ay kapwa miembro ng grupong nangangasiwa sa lahat ng uri ng komunikasyong patungkol sa Pangulo.

Ang isa pang miembro ng grupo ay si Undersecretary Rene Velasco.

Si Bunye ang tagapagsalita ng Pangulo pero lahat ng mga pahayag ay dumadaan kay Secretary Silvestre Afable, ang direktor sa komunikasyon sa Malacaņan.

Sila ang mga tugon sa bagsak na popularidad ni Gng. Arroyo.

Tungkulin nilang isalba ang sadsad na imahe ng Pangulo. Trabaho nila na pagandahin ang imahe ng Pangulo sa kabila ng masamang balita.

Mistulang may naisip nga ang grupong ito para sa Pangulo: isang kakaibang pagpapaganda ng imahe.

Ang proyektong ito ay tunay na kakaiba kaysa karaniwan.

Ang proyektong ito ay pinasukan ng walang iba kundi si Jose Miguel Arroyo, ang esposo ng Pangulo.

Ang tawag sa proyekto, "Bagong Ngiti para sa dating mga Nge-bu" (bungi).

Pero sa tingin ng iba, si G. Arroyo ang nagpapaganda ng imahe o nagpapapogi sa proyekto.

Ang proyekto ay nakatuon sa mga sundalo. Sabi ng mga kritiko, sinusuyo umano ni G. Arroyo ang mga sundalo para mapalapit kay Gng. Arroyo.

Ang simpleng proyekto na libreng pustiso, nagkaroon ng malisya.

Ang problema, bukod sa pagiging kontrobersyal ni G. Arroyo, itinuturing din siyang pabigat sa Pangulo.

Ang siste, lahat ng mga kalokohan sa pamahalaan, isinisi kay G. Arroyo.

Minsan nang sinabi ng Pangulo na para sa kanya, bayan muna bago ang kanyang esposo.

Kaya mungkahi ng isang tagapayo ng Pangulo, dapat ay magbakasyon muna sa Amerika si G. Arroyo para makaiwas sa intriga.

 

Bawal si Mike
Sinunod ng Pangulo ang payo. Sa katunayan, noong eleksyon, hindi pinalitaw si G. Arroyo sa mga kampanya. Hindi na rin naulit ang eksena ng mag-asawang Arroyo nang magsayaw sila sa entablado noong kumandidato sa pagkabise-presidente si Gng. Arroyo noong 1998.

Kung inakala ng lahat na hindi na mababanggit ang pangalan ni G. Arroyo, nagkamali sila.

Noong Abril, hinabol muli ng masamang balita si G. Arroyo sa pagkakahukay ng isyu sa jueteng.

Ang isyung nagpabagsak kay Estrada, pilit iniugnay kay G. Arroyo at sa Malacaņan.

Kung kontrabida o hindi si G. Arroyo, hindi siya ang pakay ng masasamang balita kundi ang kanyang esposa.

Ang lahat ng akusasyon ay pahaging sa katiwalian sa administrasyong Arroyo.

Ito ang akusasyong binitawan ng isang pangkat na lumantad ilang araw bago ang Pandaigdigang Araw ng Paggawa.

Nagpakilala ang grupo bilang "Movement for National Salvation" na hayagang naghamon sa taumbayan na pabagsakin ang pamahalaan.

Ayon sa retiradong heneral na si Fortunato Abat, nais niyang magkaroon ng isang junta na pamumunuan ng mga sibilyan. Nais din ni Abat na buwagin na ang Kongreso.

Bukod sa mga ito, ipinababasura ni Abat ang lahat ng sangay ng pamahalaan at kapalit nito ay itatatag ang isang konseho ng rebolusyon.

Nais din ni Abat na ipagliban ang halalan.

Hindi pinatulan ng pamahalaan si Abat.

Bagama't lumitaw sa bandang huli na walang ngipin ang paghahamon ni Abat, naunang lumitaw sa sarbey ng Pulse Asia na dumadami ang mga tao na handang sumuporta sa sinumang magpapabagsak sa pamahalaan. Pumalo ito sa 12 porsyento noong Marso, ayon sa sarbey.

Pero sa tingin ni Osmeņa, hindi pa napupuno ang mga mamamayan. Sa paningin niya, hindi magtatagumpay ang anumang hakbang para pabagsakin ang pamahalaan.

Sang-ayon dito si Tabunda. Aniya, kinakaya pa rin ng mga Pilipino ang buhay kahit pahirap ito nang pahirap. Aniya, "Matiisin ang mga Pilipino."

Totoong matiisin ang mga Pilipino pero maaari rin silang sumabog.

Dalawang bagay ang magsisilbing mitsa nito. Una, isang malakas na lider ng oposisyon at ikalawa, isang bagay na labis na ikagagalit ng mga mamamayan.

Nangyari na ito noong nakaraan. Noong EDSA 1, nag-ugat ang lahat sa dayaan sa eleksyon. Noong EDSA 2, nagsimula ito sa eskandalo sa jueteng na kinasangkutan ni Estrada.

 

Ano ba talaga?
Pero kung mahina ang imahe ng Pangulo sa ngayon, higit na mahina ang oposisyon.

Wala itong tumatayong lider na malakas. Patuloy na nakapiit si Estrada at hindi na rin ganoon kalakas ang kanyang popularidad.

Namayapa na rin si Fernando Poe Jr.

Pero kung may maituturing na lider ng oposisyon na may taglay pang lakas, siya ay ang biyuda ni Poe, ang aktres na si Susan Roces.

Batay sa mga ulat, noong Disyembre ay isusugod dapat sa Malacaņan ang martsa para sa libing ni Poe. Hindi umano pumayag dito si Roces dahil ayaw niyang magpagamit sa mga pulitiko.

Ang siste, may hinahanap na tipo ng lider ang mga mamamayan kay Gng. Arroyo o kahit sa sino pang ibang pinuno.

Apat na pangulo na ang dumaan mula sa panahon ni Ferdinand Marcos pero sa tingin ng marami, higit pang naghihirap ang buhay at umuurong ang bansa.

Sa tingin ng iba, maging ang imahe ni Marcos ay mabango para sa kanila kumpara sa kasalukuyang lider ng bansa.

Mula rito, maipipinta ang isang larawan ng krisis para sa bansa.

Pero hindi lang ito krisis para sa Pangulo kundi kahihiyan para sa buong Pilipinas na nakataya sa bawat pagdaan ng mga araw.

Buong mundo ang natuwa noong 1986 nang ipauso ng Pilipinas ang payapang rebolusyon sa pamamagitan ng EDSA 1. Sa katunayan, ginaya ito ng ibang bansa.

Pero ngayon, batay sa larawan ng Pilipinas, ay masasabing napapailing na lang ang ibang bansa dahil sa kalagayan ng mga Pilipino, ang pamahalaan at lider na namumuno.

   
>>> Previous Episodes