"Bringing you an in-depth look at the lives of people as they are living it, as they are going through hardships, as they are celebrating their joys. It's journalism with a heart."

 

 
Mondays 11:30 pm
 



'Marino'
Itinanghal ng The CORRESPONDENTS,
Lunes, 11:30 p.m.

Ulat ni Rose Eclarinal

ROTTERDAM, Holland - Sa lungsod ng Rotterdam sa Holland, The Netherlands matatagpuan ang pinakamalaking pantalan sa buong mundo.

Mahigit 300 milyong tonelada ng kargamento ang dumaraan sa Rotterdam Europort bawat taon.

Tinataya ring 1,000 marinerong Pilipino ang lulan ng mga barkong pumapasok at lumalabas sa pantalan.

Ayon kay Don Eliseo Prisno, isang Pilipinong iskolar na nakabase sa Holland, batay sa mga pag-aaral ay isang katlo (1/3) ng kabuuang bilang ng mga marinero sa buong mundo ay Pilipino.

Sa Rotterdam, ipinakilala ni Prisno ang The CORRESPONDENTS sa ilang marinerong Pilipino na bagong dating mula Pilipinas noong Pebrero 2005.

Sabi ng tripulanteng si Nomer Vito, balitang-balita sa Pilipinas ang insidente ng pagdukot sa isang bata na pinangunahan umano ng dating aktor at kongresistang si Dennis Roldan.

Puyat sa mahabang biyahe mula sa Pilipinas si Vito kaya sa kanyang kwarto ay nagkalat ang mga kagamitan. Nabatid ng The CORRESPONDENTS na 10 taon nang nagtatrabaho sa barko si Vito.

Pero kung inaakala ng mga kababayan nila na puro pagpapasarap ang trabaho sa barko, sinabi ni Vito na ang pagdating niya sa Rotterdam ay simula ng isang kalbaryo.

Ganito rin ang pahayag ni Chris Rojo. Aniya, kalbaryo nang maituturing ang pagkakalayo ng isang marinero sa kanyang pamilya at ang pagtitiis sa gitna ng karagatan.

Sa karanasan ni Vito, ang pagkukulong sa kwarto ay isang mabisang paraan para labanan ang kalungkutan. Aniya, mabuti na ito kaysa makipag-inuman ng alak at mambabae.

Unang-una, aniya, sa Rotterdam ay laganap ang sakit na AIDS sa mga babae kaya mabuti na ang nag-iingat.

 

Ubos-oras sa libangan
Noong makapanayam sila ng The CORRESPONDENTS, may dalawang araw pa ang ginugol nina Vito at Rojo sa pantalan bago dumating ang barko nilang "Dutch Mate."

Sa loob ng panahong iyon, inubos nila ang oras sa pagkukwentuhan tungkol sa mga pamilya na naiwan sa Pilipinas.

Ayon kay Vito, mahirap kung tutuusin ang pagiging marinero pero nasanay na rin siya.

Sa panig ni Rojo, siya lang ang inaasahan ng pamilya kaya walang magagawa kundi ang magtrabaho sa ibayong dagat.

Kapwa rin sinabi ng dalawa na bagamat nanunuot ang lamig sa Rotterdam at nangungulila sila sa laot, nagagawa nilang tiisin ang lahat para sa kapakanan ng pamilya sa Pilipinas.

Bukod kina Vito at Rojo, nakilala rin ng The CORRESPONDENTS sa Rotterdam si Felix Pulmano, isang enhinyero sa barko.

Sampung taon nang nagtatrabaho sa barko si Pulmano. Sa kasalukuyan, boluntaryo siya sa isang samahan na tumutulong sa mga marinerong Pilipino na napadpad sa Rotterdam.

Unang nakipagsapalaran sa Africa si Pulmano. Noong 1986, isinama niya ang asawa at tatlong anak sa bansang Liberia. Pero noong panahong iyon, sumiklab ang gera sa bansa kaya naipit sila sa digmaan.

Sa kabila ng pagkakaipit sa Liberia, nagawang makatakas nina Pulmano patungo sa karatig bansa ng Sierra Leone. Ngunit nagkaroon din ng digmaan sa Sierra Leone.

Isang barko na tumulong sa mga biktima ng gera ang nagdala kay Pulmano at sa pamilya niya sa Holland.

"Noong dumating ang barkong Mercy, hindi ko akalain kahit sa panaginip na mapapasama ako sa misyon," aniya.

Sa ngayon, tumatanaw ng utang na loob si Pulmano sa pagtulong niya sa mga kababayan.

"Noong panahon ng gera sa Sierra Leone, ang nagbibigay sa amin ng pera, mga marinerong Pilipino."

Aniya, habang siya ay nabubuhay, panata niya ang pagtulong sa pamilya ng kapwa mga Pilipino.

 

Tanging libangan
Sumapit na ang Mahal na Araw sa Rotterdam. Sabado de Gloria noon nang isama ni Pulmano ang The CORRESPONDENTS para mag-organisa ng isang pagtitipon para sa mga marinerong Pilipino.

Aniya, kailangang mag-organisa ng pagsasaya dahil kapag matagal na ang isang marinero sa barko, karaniwang dumaranas ng pagkabugnot.

Bilang paggunita sa Mahal na Araw, sinimulan ang pagtitipon sa pamamagitan ng isang misa.

Matapos ito, nagbigay ng mga panuntunan si Pulmano tungkol sa karapatan ng isang marinero sa kanyang trabaho. Itinuro rin dito ang mga paraan para makaiwas sa sakit tulad ng AIDS.

Makaraan ang mga panuntunan, inuman na. Sa ganitong paraan nilulunod ng mga marinero ang lungkot na kanilang nararamdaman.

Bihira mangyari ang ganitong uri ng pagtitipon. Kaya nakisaya na rin ang ilang mga Pilipino na naninirahan sa Rotterdam.

Karaniwan sa ganitong pagtitipon, mayroong mga babaeng bayaran na dumarating. Kung hindi sa Rotterdam, nagmumula ang mga babae sa ibang lugar ng Europa na mura ang bayaran sa serbisyo.

Upang lubos na maunawaan ang ganitong uri ng hanapbuhay, sinamahan ni Prisno ang The CORRESPONDENTS sa lungsod ng Amsterdam. Katangi-tangi sa lugar na ito ang isang museo ng prostitusyon.

Ayon kay Prisno, maraming mga turista ang nagtutungo sa museo dahil makakapulot ng mga aral dito.

Pagsapit ng dilim, nagtungo ang The CORRESPONDENTS sa pangunahing lugar ng prostitusyon sa Amsterdam.

Sa buong mundo, maituturing na pinakamaluwag ang Netherlands pagdating sa prostitusyon. Bukod dito, maluwag ding makakabili ng marijuana sa mga bahay-aliwan.

Legal ang prostitusyon at mayroong karapatan ang bawat isa sa pribadong gawain.

Sa labis na pagiging legal ng prostitusyon, nakatayo na ang mga babae sa eskaparate at mistulang paninda.

Kapag tipo ng kostumer ang babae, maaaring kumatok sa kwartong kinalalagyan at makipag-usap sa presyo.

Ang presyo ng isang babae, hindi maaaring bumaba sa 50 euro o katumbas ng P3,500.

Pero ayon kay Prisno, bagamat legal ang prostitusyon ay mahigpit ang batas sa Amsterdam kaugnay ng trabahong ito.

"Maliit lang ang pagkakataon na makakuha ng sakit sa babae ang kostumer kumpara sa ibang bansa na ilegal ang prostitusyon."

Aniya, bunsod ng pagiging legal ng prostitusyon, may buwis na binabayaran ang mga babae at nakatimbre rin sa mga pulis ang mga kostumer na matitigas ang ulo at ayaw gumamit ng proteksyon.

Sa kabila ng proteksyon, hindi pa rin nakatitiyak ang mga marinero na ligtas sila sa sakit. Batay sa mga pag-aaral, halos 40 porsyento ng mga migranteng manggagawa mula Pilipinas na mayroong AIDS at HIV ay pawang mga marinero.

Hindi na ito nakapagtataka dahil buwan ang binibilang ng trabaho ng marinero sa barko. Ito ang uri ng trabaho na malayo ang tao sa pamilya at asawa at malapit sa tukso.

 

Telepono, text
Kapag walang trabaho sa barko, higit na gusto ng mga marinero na magtungo sa Seaman's Center. Dito, higit na mura ang tawag sa telepono patungong Pilipinas.

Noong magtungo ang The CORRESPONDENTS sa Rotterdam, nakita ng grupo ang maraming marinero sa Seaman's Center dahil ayon sa mga ulat, isang linggo ang pagdidiskarga ng mga barko ng mga kargamento sa pantalan.

Sa bawat sulok ng Seaman's Center, nagkanya-kanya ng pwesto ang mga marinero sa pagtawag sa kanilang asawa at kasintahan.

Matapos ang telepono, kantahan ang libangan ng mga marinero.

Ayon kay Emer Cuaresma, isa sa mga tripulanteng nakapanayam ng The CORRESPONDENTS, kung siya ang tatanungin ay higit niyang nais na manatili sa Pilipinas.

Pangalawang sakay pa lang niya ng barko kaya pangako ni Cuaresma, sa 2006 ay pakakasalan na niya ang nobya.

"Kasi ang inaalala ko, ayokong tumagal nang mahabang panahon sa barko. Gusto ko ring magabayan ang mga anak ko."

Aniya, iba na talaga kapag magkakasama ang pamilya.

 

   
>>> Previous Episodes