| Ang modernong mga sistema ng tren ay simbolo umano ng kaunlaran sa kahit saang bansa. Pero sa Pilipinas, ang nabubulok na mga tren ay isa na lang paalaala na napag-iwanan na ang mga Pilipino ng ibang bansa sa Asya.
Taliwas ito sa pangunguna ng "Strong Republic Transit System" sa listahan ng Pangulong Gloria Arroyo. Ang lahat ay gagawin umano ng pangasiwaang Arroyo upang matuloy ang proyekto, kahit sino pa ang masagasaan.
Sa katunayan, noong Setyembre ay nagtungo siya sa China upang umutang ng $400 milyon para gamitin sa rehabilitasyon ng napabayaang mga tren at riles ng Pilipinas.
Ang siste, sa Pilipinas lang makikita ang mga tren na patulis ang bubong. Hindi ito estilo o disenyo kundi depensa sa itinatapong mga basura ng mga residente sa gilid ng riles.
Ang tingin ng mga "home along da riles" sa mga tren ay mga trak ng basura kaya walang habas ang pagtatapon nila ng dumi rito. Pero sa isang banda, hindi rin masisisi ang mga residenteng karaniwan ay iskwater dahil ilang dangkal lang ay abot-kamay na ang mga tren.
Tulad sa bartolina
Bunga ng laganap na pagtatapon ng basura sa mga tren, wala sa mga pasahero ang nagnanais magbukas ng bintana sa biyaheng Tayuman-Calamba.
Mabagal ang takbo ng tren. Ang biyahe na dapat ay dalawang oras, umabot sa tatlo. Pahayag ng mga kawani ng tren, kung tutuusin ay mabilis na ang tatlong oras na pagbiyahe lalo kung walang problema.
Sa kabila ng mabagal na biyahe at mainit na tren, marami pa rin ang sumasakay dito. Karamihan sa kanila ay mga estudyante at manggagawa.
Ang ilan sa mga tren ng Philippine National Railways (PNR) ay donasyon ng pamahalaang Japan. Noong ipinagkaloob ng Japan ang mga tren, wala pa ang mga bintanang natatakpan ng mga rehas na pino. Ang mga rehas na ito ay proteksyon sa mga pasahero laban sa mga itinatapon ng mga iskwater tulad ng ihi, basura at dumi ng tao.
Sa kabila nito, marami pa rin ang tumatangkilik sa mga biyahe ng PNR. Sabi ng mga pasaherong nakapanayam ng The CORRESPONDENTS, totoong higit na mabilis ang bus ngunit mas mura ang pamasahe sa tren.
Anang pasaherong si Chris Agano, kapag sumakay siya ng bus ay gumagastos siya ng P120 sa dalawang biyahe araw-araw. Sa tren, P40 lang ang nagagastos niya.
Tagaktak sa pawis
Noon pang 2000 huling nagtaas ng pamasahe ang PNR sa halagang P0.15 lang.
Totoong napakamurang sasakyan ng tren at marami pa ang nakakalibre sa pamasahe dahil hindi magawang bantayan ng dalawang konduktor ang lahat ng mga sumasampa rito.
Sa pagtataya ng PNR, umaabot sa 30 porsyento ng mga pasahero ng tren ang nakakalibre bawat araw.
Bagama't siksikan sa loob, walang problema para sa mga pasaherong tulad ni Agano. Para sa kanila, higit na mahalaga ang makatipid.
Pero ang problema, sa bagal ng biyahe ay palaging gabi na siya nakakauwi sa bahay. Kaya kung tulog pa ang asawa at mga anak pag-alis niya ng bahay, mahimbing na rin ang pamilya sa kanyang pag-uwi.
Sa loob ng tren, kapansin-pansin na mayroong baon na kamiseta ang mga pasahero. Ayon sa kanila, madalas mambasa ang mga residente sa gilid ng tren.
Sa loob ng taon na ito, apat na beses nang nabasa ng tubig ang pasaherong si Jun Kitain. Nagpapasalamat siya na tubig lang ang naibuhos sa kanya pero nakaranas siya na nasabuyan ihi.
Naiinis si Kitain pero wala siyang magawa.
Dagdag ng makinistang si Jun Leano, galit din ang mga kawani ng PNR sa mga residente sa gilid ng tren dahil pinupukol nila ng bato ang mga pasahero.
Sa tingin ni Leano, galit ang mga iskwater sa PNR at sa mga tren dahil malimit na sila ang sisihin tuwing may masasagasaan.
Aminado si Leano na tatlong beses na siyang nakasagasa. Sa mga nasagasaan ni Leano, isa ang namatay at dalawa ang nasugatan nang malubha.
Sinabi ng kawani na hindi nagpabaya ang mga makinista pero matitigas talaga umano ang ulo ng mga iskwater.
Kalbaryo sa riles
Hindi maitago ang dilim ng nakakaawang kalagayan ng mga riles. Nakakaawa rin ang kondisyon ng mga iskwater sa gilid ng riles.
Kaya ang resulta, mainit ang labanan sa daang bakal. Sa kabilang panig, ang mga pasahero. Sa kabila, ang mga residente sa gilid ng riles.
Pero giit ng mga residente, sila umano ang inaapi.
Kalbaryo ang paninirahan sa gilid ng riles dahil sa dami ng mga insidente ng pagkakasagasa ng tren sa mga residente.
Malimit masagasaan ang mga matatanda pero mayroon ding kaso na kinaladkad ng tren ang mga bata.
Isa na rito ang paslit na pamangkin ni Lito Arellano. Aniya, isa't kalahating taon pa lang ang pamangkin nang masagasaan ng tren. Sa tinding sagasa, nabiyak ang ulo ng bata. Sa kabila nito, naisugod sa ospital ang biktima at nailigtas ng mga doktor.
Galit na galit si Arellano sa nagmamaneho ng tren dahil hindi man lang umano tumigil upang humingi ng paumanhin.
Kasaysayan ng 'home along da riles'
Taon ng 1892 nang unang bumiyahe ang tren mula himpilan nito sa Tutuban sa Maynila, patungo sa Dagupan sa Pangasinan.
Samakatuwid, panahon pa ang mga Kastila ay tinitirhan na ang gilid ng mga riles ayon sa mga larawang ipinakita ni Prop. Leonardo Liongson ng Unibersidad ng Pilipinas.
Ngunit noong mga panahong iyon, ani Liongson, hindi mga barong-barong ang nakatirik sa gilid ng mga riles kundi ordinaryong mga bahay.
Pagdating ng panahon ng mga Amerikano, madalang pa rin ang mga bahay sa gilid ng riles. Noong mga panahong iyon, tinatayang may limang metro ang pagitan ng bahay at riles. Mayroon ding mga tanggapan ng pamahalaan na nakatayo sa gilid ng riles, ayon sa mga larawan ni Liongson.
Pagsapit ng dekada '70, dumami ang mga bahay sa gilid ng riles. Sa himpilan sa Tayuman sa Maynila, maging ang kinakalawang na mga tren ay ginawa nang bahay.
Kasabay ng pagdami ng mga bahay sa gilid ng riles ay napabayaan din ang mga tren. Higit na nagbuhos ng pondo ang pamahalaan sa pagpapagawa ng mga kalsada kaysa pagpapabuti ng serbisyo sa mga riles.
Bunga ng kapabayaaan, dumami nang husto ang mga iskwater sa gilid ng mga riles.
Kung tawagin sila'y 'promdi'
Karamihan ng mga iskwater sa gilid ng riles ay nagmula sa mga lalawigan. Isa sa kanila si Rey Ablay na nagmula sa Negros Occidental at dumating sa Maynila, noong 1978.
Aminado si Ablay na walang kinabukasan sa paninirahan sa gilid ng riles. Aniya, siya at ang kanyang pamilya ay maituturing na "isang kahig, isang tuka."
Aniya, delikado ang manirahan sa gilid ng riles pero wala siyang magagawa kundi magtiis para lang makaipon ng salapi na ilalaan sa magandang kinabukasan.
Mahirap mamuhay sa gilid ng riles pero ang natuto nang makuntento ang mga tao. Karamihan sa mga residente ng riles ay doon na ipinanganak, nagbinata, nagdalaga, nagkaroon ng asawa, nagkaanak at naging lolo at lola.
Pero marami na rin ang namatay dito.
Sa halos 35 taon na paninirahan ni Melencio Musa sa gilid ng riles sa Alabang, higit 12 mga kaibigan at kaanak na niya ang namatay o nasugatan sa sagasa ng tren.
Hindi masisi ni Musa ang mga tren. Bagama't minsan, aniya, salbahe ang mga makinista dahil huli na kung bumusina.
Inamin ni Musa na karamihan sa mga aksidente ay likha ng katigasan ng ulo ng mga residente na hindi marunog tumabi kapag dumarating na ang tren.
Umalma si Musa nang marinig ang kwento na galit umano sa mga pasahero ng tren ang mga residente sa gilid ng riles. Aniya, ang totoo ay sila pa ang ninanakawan ng mga pasahero ng sinampay na mga damit.
Ayon kay Musa, may mga pagkakataong nakakatuwaan ng mga pasahero na tutukan ng kutsilyo ang mga residente nadaraanan ng tren. Kung minsan, nandudura umano ang mga pasahero at mayroon ding nagnanakaw ng gamit sa mga barong-barong.
Kaya tuwing dumadaan ang mga tren, nagbabawian ang magkabilang kampo.
Ngunit sa laban na ito, nagdesisyon na ang pamahalaan kung sino ang talo at sino ang panalo.
Inihayag ng Pangulong Arroyo na alinsunod sa pagpapatupad ng Strong Republic Transit System, ililipat ang mga barong-barong ng mga iskwater upang hindi makasagabal sa proyekto.
Mayroon nang nakalaan na lupa ang pamahalaan para sa mga residente ng Alabang na apektado ng proyekto. Ngunit ang hindi ba batid ng mga residente ay kung kailan sila paaalisin sa kanilang tinitirhan.
|