| Ulat ni Gigi Grande
Makailang beses nang gumawa ang The CORRESPONDENTS ng mga istorya tungkol sa katiwalian sa militar. Pero matapos pumutok ang anomalya sa katiwalian umano ni Maj. Gen. Carlos Garcia, muling binalikan ng grupo ang mga bahay ng matataas na opisyal, aktibo at retirado, sa AFP Officer's Village (AFPOV) sa Taguig, at iba pang subdibisyon ng mayayaman sa Kalakhang Maynila.
Mula sa tuktok ng mga gusali sa Makati ay matatanaw ang malalaking bahay ng mga heneral at ang magagarang mga sasakyan nila sa AFPOV. Matatagpuan ang subdibisyong ito ilang metro lang ang layo sa mga mansyon sa Forbes Park at malapit lang din sa mamahaling "condominium unit" at restawran sa The Fort.
Madali lang napasok ng The CORRESPONDENTS ang AFPOV dahil walang mga gwardya rito kumpara sa mga subdibisyon ng mayayaman.
Sa loob ng subdibisyon, makapal at matatayog ang mga talahib at lubak-lubak ang mga kalsada. Pero mayroon ding mga lugar na makikinis ang kalsada, isang senyales na papalapit na sa bahay ng isang heneral.
Ayon sa impormante ng The CORRESPONDENTS, ang mga kalsada sa loob ng subdibisyon ay ginawa umano ng Engineering Brigade ng AFP. Iyon din ang paliwanag ng AFP sa mga tanong kung bakit pawang mga kalsada lang patungo sa mga bahay ng mga heneral ang aspaltado.
Pinakasikat sa AFPOV ang bahay ni Angelo Reyes, kasalukuyang kalihim ng Interyor (DILG) at nagdaang estado mayor ng AFP.
Bunsod ng kalakihan ng bahay at kamahalan ng mga materyales, naging isyu kung papaano nakayanan ni Reyes na magpagawa ng ganitong uri ng pag-aari.
Samantala, itinuro ng mga residente sa The CORRESPONDENTS ang mga bahay ng iba pang mga heneral sa subdibisyon.
Naroon ang bahay ng isang dating hepe ng Hukbong Himpapawid (PAF). Ayon sa mga residente, ipinagawa ang bahay na iyon ng heneral isang taon bago siya magretiro sa PAF.
Kung titingnan sa labas ang bahay, simple lang ito. Pero sabi ng mga residente, sa loob ay mayroong "swimming pool" at magagarang sasakyan ang nakagarahe rito.
Samantala, kapitbahay ng dating heneral ng PAF ang nagretirong komandante ng Hukbong Katihan (PA).
Nagbakasakali ang The CORRESPONDENTS na makita roon ang dating heneral dahil dalawang sasakyang Pajero ang nakagarahe roon. Pero ayon sa katiwala ng bahay, bihira nang mapadaan doon ang dating heneral at kanyang pamilya.
Sabi ng katiwala, ang pagkakaalam niya ay mayroon pang ibang bahay ang kanyang amo.
Sa loob din ng subdibisyong iyon matatagpuan ang bahay ng isang dating hepe ng AFP. Nabatid ng The CORRESPONDENTS na bihira na ring umuwi sa bahay na iyon ang dating heneral dahil madalas siyang bumiyahe sa labas ng bansa upang katawanin ang pamahalaan sa bago niyang katungkulan.
Pero ang siste, pag-uwi sa Pilipinas ay sa ibang bahay pa rin tumutuloy ang dating hepe ng AFP at hindi sa bahay niya sa AFPOV.
Bahay-bahayan
Hindi lang sa AFPOV matatagpuan ang malalaking bahay ng mga heneral ng AFP, nabatid ng The CORRESPONDENTS. Ang siste, higit na malalaki at magagarang mga bahay ang ipinatayo ng ilan sa kanila sa exklusibong mga subdibisyon sa Kamaynilaan.
Bagama't lilinawin ng The CORRESPONDENTS na hindi nagmula sa nakaw na yaman ang ipinagpatayo ng mga bahay na ito, mula nang pumutok ang kontrobersya kay Garcia ay awtomatikong nakatutok ang atensyon ng lahat sa mga heneral at kanilang mga pag-aari.
Samantala, mula nang sumiklab ang anomalya ni Garcia ay natigil ang pagpapagawa ng isang bahay niya sa kilalang subdibisyon ng mayayaman sa Lungsod Quezon.
Kung totoo ang lahat ng mga isyu na lumitaw laban sa heneral, mangangahulugan na mayroon pa siyang ibang bahay.
Ayon sa impormasyong nakalap ng mga mamamahayag, bukod sa mga bahay sa Pilipinas at halos 50 sasakyan, mayroon din umanong daan-daang libong dolyar na mga deposito sa bangko at mga bahay sa Amerika ang pamilya Garcia.
Tulad ng nararanasang atensyon ni Garcia, nagdaan na rin sa kontrobersya ang nagretirong si Gen. Manuel Mariano.
Inimbestigahan din ng Office of the Ombudsman si Mariano at sumalang din sa korte militar bagama't nalinis ang pangalan niya kinalaunan.
Bunga ng pinagdaanan, hindi nahiya si Mariano nang imbitahan ang The CORRESPONDENTS upang ipakita ang malaki niyang bahay sa Green Meadows Subdivision sa Lungsod Quezon.
Sabi ni Mariano, wala siyang itinatago dahil ang lahat ng kanyang kayamanan ay nakuha sa malinis na paraan.
Aniya, swerte siya at nakatagpo ng asawa na mautak sa pera. "Sabi ng asawa ko, hindi isyu kung magkano ang sweldo mo. Ang mahalaga ay kung magkano ang naiipon mo."
Ang lahat sweldo ng mag-asawa, ibinili ni Gng. Mariano ng mga lupain kahit hulugan lang ang pagbabayad ng mga ito.
May pera raw sa lupa
Sa kaugnay na usapin, lupa rin ang dahilan kung bakit maraming mayaman sa mga opisyal ng AFP.
Noong 1965, pinirmahan ng dating pangulong Diosdado Macapagal ang proklamasyon na lumikha sa AFPOV. Sa ilalim ng deklarasyon, inilaan ng AFP ang isang bahagi ng Fort Bonifacio para sa pabahay ng mga opisyal.
Noong 1986, sinimulang ibenta sa mga opisyal ang mga lupa sa subdibisyon. Anim na libong piso ang halaga ng bawat 400 metro kwadrado na lote.
Pero ngayong maganda na ang AFPOV at primera klase na ang mga lote, ang P6,000 na lupain noong 1986 ay umakyat na sa P4 na milyon.
Naglalaro lang sa P29,000 hanggang P33,000 ang sweldo kada buwan ng isang heneral at di hamak na maliit kaysa kinikita ng isang simpleng tagapangasiwa ng pribadong kompanya.
Pero ayon kay Maj. Gen. Edilberto Adan, ikalawang estado mayor ng AFP, hindi limitado sa maliliit na sweldo ang isang sundalo.
"Mayroong mga pagkakataon na nakakapag-aral ang mga sundalo at 'yung iba, nagkakaroon ng negosyo sa labas habang naglilingkod sa militar," aniya.
Mayroong kasabihang laganap ngayon: sa likod ng marangyang pamumuhay ng isang heneral ay ang kanyang maybahay. Wika nga, swerte ang opisyal na mayroong misis na matinik sa negosyo.
Sa kabila nito, sinabi ni Adan na hindi rin maitatanggi na mayroong mga heneral na nakatagpo ng maybahay na maabilidad sa salapi.
" 'Yung pamamaraan para kumita ng dagdag, mayroong wasto at disenteng landas iyan. Mayroon din namang maanomalya," sabi ng heneral.
|