Buhay sa lawa: Ang kwento ng Laguna de Ba'i
 

"Buhay sa lawa, lawa ng buhay"
Itinanghal ng The CORRESPONDENTS, Lunes, 11:30 p.m.

 
Ulat ni Aladin Bacolodan

Sa Pilipinas, ang lalawigan lang ng Laguna ang nag-iisang lugar na mayroong walong lawa. Pito nito ay matatagpuan sa Lungsod San Pablo.

Kilala ang mga lawang ito bilang "Seven Crater Lakes."

Pinakapopular sa pito ay ang lawa ng Sampalok. Ito ang pinakamalaki sa pitong lawa at siyang pinakamadaling marating.

Matatagpuan ang lawa na ito sa likod ng bahay pamahalaan ng San Pablo. Mayroong sukat na 104 ektarya ang lawa at may lalim na 26.7 metro.

Samantala, ang lawa ng Bunot ay malapit sa sentro ng lungsod. May lawak itong 29.6 ektarya at may lalim na 23 metro.

Sa di-kalayuan, naroon ang lawa ng Palakpakin, ang ikalawang pinakamalaki sa sukat na 47.98 ektarya pero pinakamababaw sa 7.7-metrong lalim.

Pinakamalayo ang lawa ng Calibato na bagama't hindi gaanong malaki sa sukat na 43 ektarya ay siyang pinakamalalim sa pito. May lalim itong 156 metro o katumbas ng isang 20-palapag na gusali.

Ang lawa ng Mohicap ay makikita sa bulubunduking bahagi ng San Pablo. May lawak itong 22 ektarya at lalim na 30.4 metro.

Pinaghahatian ng San Pablo at Nagcarlan, Quezon, ang lawa ng Yambu. May lawak itong 30.5 ektarya at 38 metro ang lalim.

Pinakamaliit sa pito ang lawa ng Pandin sa sukat na 24 ektarya at 61.75-metrong lalim.

Samantala, ang lawa ng Ba'i ang pinakamalaki sa buong Pilipinas. Sa lawak na 90,000 ektarya, napapaloob dito ang ilang bahagi ng Kalakhang Maynila, Batangas, Cavite, Quezon at ang malaking bahagi ng mga lalawigan ng Rizal at Laguna (CALABARZON).

Sa kabuuan, 12 lungsod at 49 mga bayan ang matatagpuan sa gilid ng lawa ng Ba'i. Dito napupunta ang tubig mula sa 100 mga ilog at sapa sa paligid nito at ito ang puso ng CALABARZON.


Pinakamalaking palaisdaan
Matatagpuan sa lawa ng Ba'i ang pinamalaking palaisdaan sa bansa. Dito nagmumula ang 70 porsyento ngmga tilapia at 50 porsyento ng mga bangus na iniluluwas sa mga palengke sa Kamaynilaan.

Isa si Maximo Pulay sa tinayanag 10,000 mga mangingisdang nakasalalay ang kabuhayan sa lawa. Katamtaman ang laki ng palaisdaan ni Pulay.

Pag-aari niya ang isang "fish cage" o pamalakaya kung tawagin sa Laguna.

Sa bawat pamalakaya, mayroon siyang alaga na 10,000 hanggang 30,000 isda.

Pero kumpara sa lawa ng Taal at iba pang lugar sa Pilipinas, ang mga isdang nabubuhay sa Ba'i ay hindi na pinapakain ng "feeds" o patuka dahil sa likas na yaman ng tubig at ang sustansyang dulot ng tubig-dagat mula sa Look ng Maynila.

Matatagpuan ang palaisdaan ni Pulay halos isang kilometro mula sa dalampasigan. Mula sa palaisdaan, tanaw na angmga bahay at industriyang nakapalibot sa lawa sa bahagi ng Kamaynilaan.

Ngunit kung gaano kalabo ang tubig sa lawa sa dalampasigan, ganito rin ang kalagayan sa palaisdaan ni Pulay.

Sa unang tingin, malayo ang kalidad ng tubig sa Ba'i sa iba pang lawa sa Pilipinas, tulad ng Taal.


Basura atbp.
Hindi lang basura at polusyon ang problema ng mga mangingisda sa lawa ng Ba'i. Napepeste rin ng mga "janitor fish" ang mga mangingisda.

Kung dati ay makikita lang sa mga "aquarium" ang mga isdang ito, ngayon ay nagkalat na sila sa lawa.

Pinaniniwalaang nagmula sa ilog Marikina ang mga janitor fish makaraang pakawalan ng mga nag-aalaga nito. Batay sa mga ulat, maaaring naanod ang mga isdang ito patungo sa lawa matapos bumagyo.

Mabilis ang pagdami ng isdang ito kaya sa ngayon, higit silang marami kaysa mga isdang maaaring pakinabangan sa lawa.

Ayon kay Benedict Jose ng Laguna Lake Development Authority (LLDA), wala pang nakikitang isda o hayop na siyang kakain sa janitor fish batay sa pamantayan ng "food chain."

Bukod na napakatigas na balat, walang laman ang janitor fish kaya hindi siya maaaring hulihin at kainin.

Nabuhuhay sa pagkain ng dumi ang janitor fish kaya hindi sila kabilang sa isdang hinuhuli ng mga mangingisda.

Bagama't nagkalat ang mga "fish pen" o ekta-ektaryang palaisdaan sa Ba'i, ang polusyon umano sa lawa ang dahilan kung bakit kailangang maghintay ng walo hanggang 10 buwan bago makaani ng isda. Dati, limang buwan na pag-aalaga lang ay ayos na.

Ito ang kwento ni Sabino Sangana, isang katiwala sa palaisdaang may 50-ektarya ang sukat. Aniya: "Sobra na ang basura rito at kapag sumisid ka, hanggang tuhod na ang basura."

Ang polusyon at mga basura sa lawa ang pangunahing problema ni Casimiro Ynares III, tagapangasiwa ng LLDA. Walong buwan palang sa pwesto si Ynares at pasan niy aang responsibilidad upang matiyak na mananatiling buhay ang lawa.

Mayroong laboratoryo ang LLDA na regular na nagsasagawa ng pag-aaral sa dumi na pumapasok sa lawa at ang epekto nito sa kalidad ng tubig.

Ayon kay Jocelyn Santa Ana, isang experto sa larangan ng pagsusuri sa kalidad ng tubig, pawang mga bahay ang pinanggagalingan ng polusyon sa lawa.

Aniya, sa madaling salita, ang lawa ay isa nang malaking tambakan at poso negro.


May pag-asa pa
Sa kabila ng suliraning ito, determinado ang mga pamahalaang lokal sa gilid ng lawa. Halimbawa na lang ang proyekto ng pamahalaang lungsod ng San Pablo.

Sa loob ng dalawang taon, nais ng lokal na pamahalaan na wala nang dapat naninirahan sa gilid ng lawa.

Pagmamalaki ni Alkalde Vic Amante, hindi pa man tapos ang demolisyon ng mga bahay, mayroon nang malaking pagbabago sa lugar.

Sa kasalukuyan, 10 maliliit na liwasan at pasyalan na ang naitayo kaya ang mga bisita at ordinaryong residente ay mayroon nang napapasyalan.

Ang lawa na dati ay nababalot ng kadiliman, magandang tanawin na kahit sa araw o gabi.

Ayon sa mangingisdang si Pando Espallardo, kapag malinis na ang tubig sa lawa ay mabilis na magsisilaki ang kanyang mga alaga. Kapag nangyari ito, aniya, higit na magkakaroon ng pagpapahalaga sa lawa ang kapwa niya mga mangingisda.

Pero sa kaso ng lawa ng Bunot, mayroong iisang problema ang mga mangingisda. Dumami nang husto ang mga palaisdaan. Kaya ang resulta, mabagal ang paglaki ng mga isda.

Dagdag na problema rin ang polusyon sa lawa ng Sampalok na nakakaapekto sa palaisdaan ni Espallardo.

Bukod sa Bunot, apektado rin ng polusyon ang lawa ng Calibato.

Bunga nito, nagsimula nang magtulungan ang mga mangingisda para linisin ang Bunot sa pag-asang hindi ito matulad sa sinapit ng Sampalok.

Pero ayon sa mga mangingisda, dapat ay tulungan sila ng pamahalaan.

* * *

Sa pitong lawa ng San Pablo, tatlo na lang ang hindi apektado ng polusyon.

Sa Mohicap, iilan lang ang naniniahan sa gilid ng lawa. Sa Yambu, bagama't iilan lang din ang mga residente sa dalampasigan ay problema ang di-nalilinis na mga palaisdaan at dumaraming "water lily."

Sa Pandin, malinis ang tubig at maaaring inumin. Sapat lang din ang dami ng mga palaisdaan at mangilan-ngilan lang din ang mga residente.

Kung ganito nga lang ang kalagayan ng lahat ng lawa sa Pilipinas at kung mapapanatili ang ganda at yaman ng mga ito, hindi lang ang kasalukuyang henerasyon ang makapagtatampisaw dito kundi maging ang mga susunod pa.

Batid ng mga mamamayan sa paligid mga lawa sa San Pablo at Ba'i na ang kanilang mga buhay at kabuhayan ay nakasalalay sa mga katawang tubig na ito.

Dinidiktahan ng lawa ang kanilang kinabukasan.

Iisa lang din ang malinaw: hawak ng mga residente ang sandata sa patuloy na kaligtasan at pananatiling buhay ng lawa. Gayundin, kailangang umaksyon ang pamahalaan upang matiyak na patuloy ang pagdaloy ng buhay para sa mga mamamayan na namumuhay sa gilid ng lawa.

 
                                  ARCHIVE
   
  www.abs-cbnNEWS.com