Tanong ng Pilipino: Nasaan ang trabahong pangako?
 

'No vacancy'
Itinanghal ng The CORRESPONDENTS, Lunes, 11:30 p.m.

 
Ulat ni Ana Puod


Isang palasak nang kasabihan ang "nagtatrabaho ang tao para mabuhay, ang tao nabubuhay para magtrabaho." Pero papaano ang buhay ng mga tao na walang hanapbuhay?

Bakit nga ba kulang na kulang ang trabaho sa Pilipinas? Kung mayroon man, papaano matitiyak ng aplikante na siya ang mapipili para sa inaasam niyang hanapbuhay?

Isang araw nitong Nobyembre, sinadya ng The CORRESPONDENTS ang bahay pamahalaan ng Makati upang saksihan ang pagdagsa ng mga aplikante sa isang malaking "job fair" na itinaguyod ng sangguniang panlungsod.

Ang araw na ito ang umpisa ng isang mahabang araw ng kalbaryo para sa mga tao na matagal nang nakaistambay at naghahanap ng trabaho.

Kalbaryong maituturing ang paghahanp ng pag-asa sa mga job fair tulad sa Makati dahil maghapong nakabilad sa matinding sikat ng araw ang mga aplikante at nakikipagsiksikan sa walang katapusang pila.

Pero sa likod ng paghihirap, umaasa ang mga aplikante na makakatisod sila ng matinong trabaho at isang magandang kinabukasan.

Noong araw na masaksihan ng The CORRESPONDENTS ang job fair ng Makati, halos lahat ng mga aplikante ay suot ang pinakamagagara nilang damit.

Tangan nila ang isang sobre at ang lakas ng loob, magkakasama silang tinipon ng mga kawani ng sangguniang lungsod sa harap ng gusali ng bahay pamahalaan.

Dalawa ang pila ng mga aplikante: isa para sa mga may edad 18 hanggang 25 at ang ikalawa ay para sa may edad 26 pataas.

Kumpara sa karaniwang mga pila, madali ang pagpapasunod sa mga aplikante dahil wika nga, ang mga tao na nangangailangan ay madaling tumalima sa utos.

Reklamo lang ng ibang aplikante, bago nila makaharap ang mga kinatawan ng kompanya ay sira na ang kanilang porma dahil sa init at matinding sikat ng araw.


'Marami na kasi sila....'
Ayon kay Jimmy Bacamante, kawani ng pamahalaang bayan ng Makati, nagpasya ang mga awtoridad sa lungsod na maglunsad ng job fair dahil sa tumataas na bilang ng mga mamamayan na walang trabaho.

Sa buong Makati, pumapatak sa 14 porsyento ng mga mamamayan ang walang hanapbuhay. Malaki ito nang kaunti sa 11% "unemployment rate" sa buong bansa.

Bunga ng malaking bilang ng mga mamamayang walang trabaho sa Makati, dinagsa ng mga aplikante ang job fair ng lungsod. Lahat ng uri ng aplikante, bumuhos sa job fair.

Dinumog ng mga aplikante ang mga kinatawan ng mga "call center." Karamihan sa mga aplikante ay katatapos pa lang sa kolehiyo.

Bagama't marami ang mga posisyong iniaalok ng mga call center, una pa ring tinitingnan sa mga aplikante ay ang paaralang pinagmulan nila.

Namataan din ng The CORRESPONDENTS ang isang 60-anyos na babae na kabilang sa mga nakipagsiksikan sa job fair.

Anang babae na tumangging magbigay ng pangalan, balewala sa kanya ang siksikan at kahit maliliksi at kabataan ang kanyang kasabay sa paghahanap ng trabaho ay magpapatuloy siya sa paghahanap ng hanapbuhay.

Samantala, nagkusang loob na lumapit sa The CORRESPONDENTS si Alfredo Gutierrez, 51. Ayon kay Gutierrez, wala pang 7 a.m. noong araw na iyon ay dumating na siya sa Makati. Pero malapit nang pumatak ang 12 ng tanghali ay paikot-ikot pa rin siya sa paghahanap ng trabaho.

Kwento ni Gutierrez, nagsara ang kompanya na 20 taon niyang pinaglingkuran. Pero 1997 pa iyon at simula noon ay tanging ang kanyang misis ang bumubuhay sa kanilang pamilya.

Matapos ang matagal na panahon ng pagiging bakante, sa job fair na iyon nakahanap ng pag-asa si Gutierrez para magkatrabaho.

Ngunit ang ikinakatakot na marinig ni Gutierrez, sinabihan siya ng kinatawan ng kompanya na nakausap niya. Ayon sa opisyal ng di-nakilalang kompanya, sila na lang ang tatawag kay Gutierrez sa telepono.

Kilalanin si Waldy
Sa job fair na ito ay muling nakita ng The CORRESPONDENTS ang aplikante na itatago sa pangalang "Waldy." Isa si Waldy sa mga aplikante na kahit oras ng tanghalian ay wala pa ring tigil sa pagpupursige.

Ayon kay Waldy, isa sa pinakaiingatan niyang pag-aari ay ang pares ng sapatos na gamit niya sa paghahanap ng trabaho.

Pero sa layo ng kanyang nilalakad sa araw-araw sa paghahanap ng trabaho, hindi alam ni Waldy kung sino ang unang susuko, ang lakas ng kanyang loob o ang swelas ng sapatos niya.

Bago namataan ng The CORRESPONDENTS sa job sa Makati si Waldy, nakilala na siyang grupo sa Lungsod Quezon. Tulad sa Makati, naghahanap din ng trabaho sa isang job fair sa Quezon Avenue si Waldy.

Noong una siyang makilala ng The CORRESPONDENTS, papunta ng Quezon Avenue si Waldy pero bumaba siya sa Cubao at nagsimulang maglakad. Aniya, P54 na lang ang kanyang pera sa bulsa at nangangamba siyang hindi na makauwi sa kanilang bahay sa Cavite.

Noong araw na iyon, bago magtungo sa Quezon Avenue ay nagpasa na rin ng "resumé" sa iba't ibang kompanya sa Ayala Avenue sa Makati si Waldy.

Ayon kay Waldy, dati siyang OFW pero umuwi sa Pilipinas dahil sa pag-asang makapiling ang asawa at anak.

Pero ang problema, pagdating niya sa kanilang bahay ay wala na ang kanyang mag-ina maging ang mga ari-arian na kanyang naipundar.

Larawan ng kalbaryo ang pangangatawan ni Waldy at ang lahat ng paghihirap ay makikita sa kanyang mga kilos.

Kung noon, aniya, naglalaro sa 38 hanggang 40 ang sukat ng kanyang baywang, ngayon ay 30 na lang. Hindi rin humihinto sa panginginig ang kanyang mga kamay na dulot ng mga araw na nalilipasan siya ng gutom.


Isa sa bawat 10 Pinoy ay tambay

Ayon sa estadistika ng DOLE, 11 % ng 30-milyong pwersa ng manggagawa sa bansa ay walang trabaho. Sa madaling salita, 1 sa bawat 10 Pilipino na dapat nagtatrabaho ay nakaistambay sa ngayon.

Sa kabila ng nakalulungkot na datos, inihayag ng DOLE na dapat nang magalak ang lahat dahil "lumiit" umano ang bilang ng mga Pilipino na walang hanapbuhay.

Kumpara noong 2003 na mayroong 12.6 % ang walang trabaho, nitong 2004 ay 11.7 % na lang ang Pilipino na nakaistambay.

Sa kanyang panunumpa para sa ikalawang termino, nangako ang Pangulong Gloria Arroyo ng 6 na milyong trabaho para sa Pilipino o 1 milyong hanapbuhay para sa bawat taon ng kanyang panunungkulan mula 2004 hanggang 2010.

Sa pananaw ng DOLE, hindi mahirap maabot ang plano dahil kung tutuusin ay 1.1 milyong mga trabaho ang nalikha umano ng pamahalaan sa nakalipas na tatlong taon.

Pero ayon sa IBON Foundation, mali ang mga numerong ipinagyayabang ng DOLE.

Mali ito dahil naglabas ng bagong panuntunan ang National Statistics Office at DOLE sa paggamit ng kahulugan ng "may trabaho" at "walang trabaho." Hinango ang bagong mga kahulugan mula sa International Labor Organization.

Batay sa bagong pamantayan ng pamahalaan, limitado ang mga tao na mapapaloob sa kategoryang "unemployed."

Ayon sa DOLE at NSO, ang mga tao na hindi kasali sa kategoryang ito ay ang mga "discouraged worker" o mga indibidwal na walang gana na maghanap ng trabaho.

Gayundin, kabilang sa kategoryang ito ang mga tao na nagtatrabaho pero walang sweldo at mga indibidwal na isang oras kada linggo lang kung maghanapbuhay.

Hindi pabor ang IBON sa pamantayang ito. Ayon sa grupo, ang pamantayang ito ang dahilan kaya malaki ang ipinagkaiba ng datos ng IBON sa bilang ng mga Pilipinong walang trabaho sa impormasyong inilalabas ng DOLE at NSO.

Batay sa datos ng IBON, 33% ng mga Pilipino ay walang trabaho. Ayon sa NSO at DOLE, 11.7% lang sa mga mamamayan ang walang hanapbuhay.

Kung ang kanilang datos ang pagbabasehan, giit ng IBON, tatlo hanggang apat na Pilipino sa bawat 10 ang walang trabaho.

Sabi ni Arnold Padilla ng IBON, totoong may mga hanapbuhay pero tumitindi ang problema sa kontraktuwalisasyon ng mga empleado. Gayundin, aniya, dumarami ang mga trabaho na "seasonal" o mga hanapbuhay na susulpot lang tuwing may okasyon o malaking pagdiriwang tulad halimbawa ng Pasko.

Sagot ng DOLE, maraming mga trabaho ang naghihintay sa mga Pilipino. Ang problema nga lang, hindi alam ng kwalipikadong mga empleado na mayroong hanapbuhay na naghihintay para sa kanila.

 
                                  ARCHIVE
   
  www.abs-cbnNEWS.com