Gusto mo ng DVD? Sa Quiapo marami...
 

'Pirata'
Itinanghal ng The CORRESPONDENTS, Lunes, 11:30 p.m.

 
Ulat ni Gigi Grande


Iba na ang hitsura ng Quiapo, Maynila, ngayon. Kung dati ay mga damit, sapatos, kagamitan sa bahay at pagkain ang mabibili rito, ngayon ay halos wala nang itinitinda kundi piniratang mga DVD.

Batay sa mga ulat, 90 porsyento ng mga DVD na ipinupuslit sa Pilipinas ay bumagsak sa Quiapo. Dito rin umano kumukuha ng panindang DVD ang mga tiangge, tindahan sa mga "mall" at bangketa.

Palihim na kinunan ng "spy camera" ng The CORRESPONDENTS ang mga tindahan ng DVD sa Quiapo. Nakamamangha dahil magkakatabi ang mga tindahan ng DVD sa mga gusali ng distritong ito.

Sa bawat gusali, mula sa bangketa hanggang sa pinakalooban ay patong-patong ang mga DVD na ipinagbibili.

Ayon sa mga tindero na nakapanayam ng The CORRESPONDENTS, mga negosyanteng Tsino ang may-ari ng mga gusaling pinagtitindahan nila.

Ngunit hindi mga Tsino ang nagtitinda ng mga DVD kundi karamihan ay mga Muslim.

Sabi ng mga tindero, ibinebenta ng mga sindikato sa malalaking negosyante ang piniratang DVD sa halagang P9 bawat piraso.

Ang malaking negosyante, ibinebenta ang DVD sa mangangalakal na bultuhan kung bumili na siyang nagbebenta sa mga Muslim.

Samantala, ang maliliit na tindero tulad ng mga Muslim ay nagbebenta ng DVD sa mga kostumer sa halagang P65 hanggang P100 kada piraso.

Kumpara sa ibang lugar at pamilihan, P65 lang ang isang piraso ng DVD sa Quiapo kaya hidni nauubusan ng kostumer dito.

Hindi lang mahihirap na kostumer ang naglalagi sa Quiapo dahil maging mayayaman ay dito nagtutungo.

Ligtas na raw sa Quiapo
Pahayag ng mga impormante ng The CORRESPONDENTS, hindi na nakakatakot maglibot sa Quiapo dahil maging ang mga kriminal ay nagbebenta na rin ng DVD.

Nitong Disyembre nang magtungo ang The CORRESPONDENTS sa Quiapo, palaboy-laboy lang ang mga pulis sa mga kalsada pero wala silang ipinasasarang gusali o tindahan na nagbebenta ng DVD.

Marahil, nakalimutan na nila na ilegal ang magbenta ng piniratang DVD.

Ang hinaharang lang ng mga pulis ay ang mga tao na tulad ni "Michael" (di-tunay na pangalan) na bumibili ng kahon-kahon na DVD. Sa pakilala ni Michael sa The CORRESPONDENTS, sinabi ng lalaki na isa siyang tindero ng DVD sa isang malaking pamilihan sa Lungsod Quezon.

Isang araw sa bawat linggo ay bumibili siya ng paninda sa Quiapo. Aniya, malimit siyang harangin ng mga pulis kapag sumasakay siya ng taxi habang dala-dala ang kahon ng DVD.

Banta ng mga pulis kay Michael, isusumbong siya sa Videogram Regulatory Board. Ngunit ayon sa negosyante, madali umanong kausapin ang mga pulis basta may nakahandang P500 o P1,000 na ipamimigay sa kanila.

Karamihan ng mga tindero ng DVD sa malalaking pamilihan sa Kalakhang Maynila ay tulad ni Michael. Hindi sila direktang nakikipagnegosyo sa mga sindikato kaya maliit lang ang kinikita nila.

Ang maliit na kita ay pumapatak lang sa P30,000 kada buwan, ani Michael.

Ayon sa negosyante, sapat lang ang kinikita niya upang buhayin ang asawa, siyam na anak at isang dosenang kaanak sa probinsya na umaasa sa kanya.

Bakit legal ang ilegal?
Batid ng mga tindero na ilegal ang pagbebenta ng piniratang DVD. Pero ani Michael, wala siyang magagawa dahil mahirap makakuha ng lehitimong trabaho lalo na kung ang aplikante ay Muslim.

Isa sa kanila si "Abet" na ilang taon ding nagtrabaho sa Saudi Arabia. Pero pagbalik niya sa Pilipinas, walang kompanya na nais tumanggap kay Abet sa kabila ng pagiging edukado niya.

Matapos ang isang taon na pagiging bakante sa trabaho, pinasok ni Abe ang hanapbuhay ng pagbebenta ng piniratang DVD.

Aminado si Abet na trabaho ang hinahanap ng libo-libong mga Muslim na nagtutungo sa Maynila. Noong mabalitaan ng mga Muslim sa Mindanao na malaki ang kinikita ng kanilang mga kababayan sa pagbebenta ng piniratang DVD, gumaya na sila.

Ngunit mayroon ding mga Muslim na bumiyahe sa Maynila dahil nagsawa na sila sa gera sa Mindanao.

Sa kwento ni Abs, sinabi ng binata na dati siyang rebelde sa Mindanao. Pero kung titingnan ay wala sa anino ni Abs ang dating mandirigma.

Maporma siya, mapagbiro at magaling makipag-usap at mang-engganyo ng kostumer.

Sa edad na 15 anyos, hindi na nakayanan ni Abs ang buhay-rebelde kaya kahit gipit ang pamilya ay ibinenta ang kaisa-isan ilang kalabaw upang makapunta siya sa Maynila.

Ngayon, tagumpay na si Abs sa kanyang negosyo at nabibili na niya ang lahat ng kailangan gayundin ng kanyang pamilya.

Sa totoo lang
Sa aminin at sa hindi ng mga Pilipino, maraming mga mamamayan ang naadik sa piniratang DVD.

Simple lang ang dahilan: bakit bibili ng orihinal na DVD ang isang tao sa halagang P1,000 kung makakakuha siya ng kopya na P80 lang ang isa?

Kung dati na pangit ang kalidad na piniratang DVD, ngayon ay mismong mga kilalang tao sa industriya ng pelikula ang nagsasabi na wala nang ipinagkaiba ang piratang kopya at orihinal.

Paulit-ulit na sinabi ng mga tindero sa Quiapo sa tropa ng The CORRESPONDENTS na maraming mga aktor, direktor at manunulat sa industriya ang bumibili sa kanila ng piniratang DVD.

Isa-isang tinanong ng The CORRESPONDENTS ang mga pangalan sa listahan pero iisa lang ang nagtapat sa kanila: si Jose Javier Reyes na kilalang direktor sa telebisyon at pelikula.

Aminado si Reyes na bumibili siya ng piniratang DVD.

Anang direktor, mahalaga para sa kanya na manood ng mga pelikulang banyaga. Ang problema, bihira sa mga pelikulang ito ang ipinalalabas sa mga sinehan sa Pilipinas. Bihira rin ang orihinal na kopya ng mga ito sa DVD at nakapakamahal kung bibilhin sa pamamagitan ng Internet.

Pero mayroong limitasyon si Reyes sa pagbili niya ng piniratang DVD. Aniya, hinding-hindi siya bibili ng pekeng kopya ng DVD kung ito ay pelikulang Pilipino.

Dahilan ni Reyes, naghihingalo na ang industriya. Kung mga pelikulang banyaga ang pumapatay sa artistang Pilipino, siya ang papatay sa mga industriya ng mga banyaga.

Sa kasalukuyan ay libo-libong mga kawani ng mga kompanya ng pelikula ang nawalan ng trabaho dahil sa pagbaha ng mga pelikulang banyaga.

Mula sa mahigit 150 noong 1999 ay 40 pelikula na lang ang ginawa ng mga kompanyang lokal nitong 2004. Katumbas ito ng P4 bilyong nawala sa industriya ng pelikulang Pilipino.

Ayon kay Vincent del Rosario ng Viva Films, bagama't nagtatrabaho pa rin ang mga artista sa pelikula, telebisyon, ang apektado ng pagkawala ng trabao ay ang mga maliliit na trabahador tulad ng mga kawani at ordinaryong tauhan ng mga kompanya.

Bukod dito, unti-unti na ring tumitiklop ang maliliit na sinehan at lehitimong tindahan ng DVD at VCD sa buong bansa.

Isa na rito ang ACA Video na nagpasyang isara ang mahigit 100 tindahan nito. Sa kabuuan, mahigit 3,000 mga empleado ng nabanggit na negosyo ang nawalan ng trabaho.

Sinisi ng pamunuan ng ACA ang pamimirata ng pelikula sa pagtiklop ng negosyo.

'Hindi kami, sila nagkulang'
Walang linggong lumipas na hindi sinasalakay ng Optical Media Board ang mga tindahan ng DVD sa Quiapo. Pumalit ang OMB sa VRB sa pagmamatyag at pagsugpo sa bentahan ng pekeng kopya ng DVD, VCD at CD.

Bukod sa Quiapo, binabantayan din ng OMB ang Dumaguete, Cebu, Olongapo at Floridablanca sa Pampanga.

Tuwing sasalakay ang mga awtoridad, tral-trak na pekeng kopya ng mga DVD ang nakukuha nila sa mga lugar na ito.

Ngunit kung titingnan ay bihasa na ang mga tindero sa mga awtoridad.

Hindi na nasosorpresa ang mga tindero tuwing sasalakay ang mga operatiba ng OMB. Sa katunayan, tuwing magkakaroon ng salakay ang OMB ay bibilang lang ng isa hanggang dalawang araw at namamayagpag muli ang negosyo ng pekeng DVD.

Ayon sa mga awtoridad, ang pinakamalaking hadlang sa pagresolba ng problemang ito ay hindi ang mga sindikato o tindero. Hindi rin nakatuon ang problema sa mga opisyal ng pulisya at pamahalaan na nagbubulag-bulagan tuwing ipinupuslit sa bansa ang piniratang mga DVD.

Sabi ni Victoria Benedicto ng OMB, ang problema ay matatagpuan sa mga mamamayan na walang pakialam sa pagsugpo ng ilegal na gawain at patuloy sa pagtangkilik sa piniratang produkto.

Aniya, walang pakialam ang ordinaryong mamamayan sa epekto ng pagbili nila ng pekeng produkto basta ang mahalaga ay masaya sila sa kanilang napapanood at ginagawa.

Lingid sa kaalaman ng ordinaryong kostumer ng pekeng DVD, nababahala na ang pamahalaang Amerika sa problemang ito dahil 89% ng mga DVD na ibinebenta sa Pilipinas ay pinirata.

Bunga nito, nakalista na ang Pilipinas sa mga bansa na minamatyagan ng Amerika dahil sa pagiging pugad ng piniratang mga produkto.

Kapag hindi pa ito inaksyunan ng pamahalaang Pilipinas, mapupunta ang bansa sa listahang "talamak sa bentahan ng pekeng produkto" at parurusahan ng Amerika.

Ang parusa ay ipapataw sa pamamagitan ng higit na mataas na buwis para sa mga produktong iniluluwas ng Pilipinas sa Amerika.

Kapag nangyari ito, hiindi lang industriya ng pelikulang Pilipino ang apektado dahil damay din ang lahat ng negosyo na nagluluwas ng produkto sa Amerika tulad ng damit at agrikultura.

Ngunit sa dakong huli, magtatanong pa rin ang mga mamamayan: papaano mababawasan ang pagtangkilik ng Pilipino sa piniratang DVD? Kung sa ilalim ng batas, ilegal ang magbenta nito, bakit hindi bawal ang pagbili ng pekeng produkto?

 
                                  ARCHIVE
   
  www.abs-cbnNEWS.com