Winner, 2005 UNICEF Child Rights Award

"Bringing you an in-depth look at the lives of people as they are living it, as they are going through hardships, as they are celebrating their joys. It's journalism with a heart."

 

 
Mondays 11:30 pm
 

Teknolohiya at buhay-DH sa Hong Kong
"Hong Kong" itinanghal ng The CORRESPONDENTS
Nobyembre 21, 2005

Ulat ni Karen Davila

HONG KONG - Sanggol pa lang si Alexandra Corpuz nang mawalay sa ina. Dalawang buwan pa lang siya noon nang nangibang bayan muli ang inang si Amy para magtrabaho.

Siyam na taong gulang na si Alexandra ngayon at naninirahan sa South Cotabato sa Pilipinas at malayo pa rin sa piling ng ina.

Tuwing hapon, nagpupunta siya sa isang Internet café na nagsisilbing tulay sa kanyang ina na nagtatrabaho bilang "domestic helper" (DH) sa Hong Kong.

Sa Hong Kong, emosyonal si Amy habang binabasa ang liham ni Alexandra. Pakiramdam niya ay nasa tabi lang ang anak sa kabila ng napakalawak na dagat sa pagitan nila.

Labindalawang taon nang nagtatrabaho sa Hong Kong si Amy. Maituturing na siyang beterano rito.

Tulad ng maraming "overseas Filipino workers" (OFW), matinding pangangailangan ang nagdala sa kanya rito.

" 'Yung parents ko may sakit na, kailangan ko ng malaking pera," aniya.

Magkaibang mundo ang probinsya ng Cotabato sa modernong Hong Kong, sabi ni Amy. Aniya, kahit papaano ay nakasanayan na niya ang buhay rito.

Namamasukan si Amy sa isang lugar ng mayayaman sa Hong Kong. Mayaman ang amo niya at itinuturing na rin siyang kapamilya.

Nag-iisang katulong lang si Amy sa bahay ng amo. Wika nga "all-around" siya sa paglalaba, pagluluto, paglilinis ng bahay at maging ang pag-aalaga ng bata.

Aminado si Amy na kapag gabi ay naaalala niya ang pamilya. Batid niya na dahil sa kanyang pagtatrabaho sa Hong Kong, may pera ang kanyang pamilya pero iba pa rin umano na naroon ka at kapiling sila.

"Ayokong umiyak. Noon nagi-guilty ako pero sinasabi ko sa anak ko, pinag-aaral ko siya sa magandang school, 'yan lang ang kaya kong ibigay sa kanya."

Ito ang buhay-DH. Kinailangan niyang iwan ang sariling anak para mag-alaga ng anak ng iba. Tulad ng ibang magulang, ipinagmamalaki rin ni Amy ang mga alaga.

Tulad ng isang ina, tinutulungan niya sa "homework" ang mga alagang sina Darron at Michelle. Binabasahan din niya ang mga bata ng libro para mahasa ang pagsasalita nila ng wikang Ingles.

Samantala sa Cotabato, tiyahin ang karaniwang tumutulong kay Alexandra sa kanyang homework.

Lumaki sa lola si Alexandra. Kapwa mga magulang niya ay nasa ibang bansa. Ang kanyang ama ay nasa Hong Kong habang ang ama ay nagtatrabaho sa Saudi Arabia.

Para kay Alexandra, pagkakawalay sa piling ng mga magulang ang kapalit ng isang magandang kinabukasan.

Masakit ang mangulila pero walang hinanakit o sama ng loob si Alexandra sa ina.

Kamakailan ay tumanggap ng medalya si Alexandra sa eskwelahan. Wala si Amy doon. "Lola lang niya (Alexandra) ang naroon. Kasi may sarili akong goal, it's a sacrifice," sabi ni Amy.

"Hindi ko maibibigay ang lahat kung wala ako rito," dagdag niya.

Sa kabila ng kanyang mga ngiti, hindi biro ang sakripisyo ni Amy. Hindi niya nakikitang lumakaki ang anak. Hindi niya nakakapiling ang bata sa mahahalagang sandali.


Iba't ibang kaalaman

Tuwing araw na walang trabaho ay makikita si Amy sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Center sa Hong Kong. Dito lang niya nakakapiling ang anak na naninirahan sa Cotabato.

Kamakailan, natuto si Amy na gumamit ng "computer." Malaking bagay ang "e-mail" sa buhay ng mag-inang Amy at Alexandra.

Isang beses lang kada taon umuuwi ng Pilipinas si Amy at nagtitipid na rin siya sa pagtawag sa telepono.

Katatapos lang ni Amy sa libreng kursong ibinibigay ng OWWA sa Hong Kong noong Oktubre.

Isa siya sa unang 74 na DH na nakakuha sa libreng Microsoft Computer Program ng OWWA.

Sa pamamagitan ng programang "Tulay" ng OWWA at kompanyang Microsoft, nasaksihan ng The CORRESPONDENTS ang teknolohiya para matuto ang mga DH sa paggamit ng mga "computer software" tulad ng "Word," paggawa ng "spread sheet," paggamit ng Internet at kung papaano magpadala ng e-mail sa mga kamag-anak sa Pilipinas.

Malaking bagay ito para sa mga DH. Karamihan sa kanila ay ngayon pa lang humawak ng computer. Karamihan sa kanila, nakapagtapos lang ng "high school" sa Pilipinas.

Noong magtungo ang The CORRESPONDENTS sa Hong Kong, paggawa ng "resumé" ang pinag-aaralan ng mga "estudyante" sa klase.

Para sa iba, marahil ay madali lang ito. Pero isa itong malaking paghamon sa para isang tulad ni Juvy Telebrico.

Aniya, hindi siya nakapagtapos ng high school kaya isinusulat pa niya sa kwaderno ang mga "command" sa computer.

Isa pa, hirap na hirap din siya sa pagtitipa sa "keyboard."


Kumpara sa karaniwang estudyante, malaking tulong na matuto sa compter ang isang DH sa Hong Kong.

Bukod sa mas mura kumpara sa pagtawag sa telepono, nakakatulong din ang pagkatuto sa computer sa mga tulad nina Leonida Francisco at Nanette Franco.

Si Francisco ang pinakamatanda sa klase sa edad na 47. Sampung taon na siyang DH at aniya, pagod na pagod na siya. Sa pamamagitan ng kurso sa computer ay umaasa si Francisco na bagong buhay ang makakamtan niya.

Imbes na magbaraha siya tuwing walang pasok sa trabaho, narito siya sa OWWA Center at nagtitiyaga sa harap ng computer.

Mabagal si Francisco pero pinagtitiyagaan siya ng kaibigang si si Franco na edad 30 at nakapagtapos ng kursong Accounting sa Pilipinas.

Malaking tulong
Kauumpisa pa lang ng programa sa Hong Kong pero matindi na ang pila. Sa kasalukuyan ay 700 na Pilipinang DH ang naghihintay na makapasok sa programa.

Pero dahil 70 lang ang makakaya ng OWWA sa isang kurso, mahaba ang hihintayin ng maraming aplikante.

Sa ngayon ay may anim na tanggapan ang OWWA para sa mga kurso tulad ng computer. Dalawa sa mga ito ay nasa Pilipinas, tig-iisa sa Hong Kong, Taiwan, Malaysia at Singapore.

Ito rin ang inaasahang katapusan ng kwento ng buhay ng unang mga nagtapos ng programa.

Pero para kay Merhz Bauat, nagsilbing libangan ang programa para malimutan niya ang mga problema sa buhay.

Hiwalay na ngayon sa asawa si Bauat. Wala siyang naipon sa apat na taon sa Hong Kong dahil sugarol ang mister sa Pilipinas.

Sa pamamagitan ng pakikipagkwentuhan sa pamamagitan ng "chat" sa Internet, natutulungan ng mga kaibigan si Bauat.

"Malaki ang naitutulong kasi kahit sulat lang, mapapatawa ka nila, malaki ang naitutulong," aniya.

Dagdag ni Bauat: " Napakahira talaga, akala nila siguro madali lang magtrabaho rito. Hindi nila iniisip na halos buong buhay mo nakatayo, 'yun ang hindi nila alam."

   
>>> Previous Episodes