Winner, 2005 UNICEF Child Rights Award

"Bringing you an in-depth look at the lives of people as they are living it, as they are going through hardships, as they are celebrating their joys. It's journalism with a heart."

 

 
Mondays 11:30 pm
 

Selebrasyon sa ULTRA nauwi sa trahedya
"Trahedya sa ULTRA" itinanghal ng The CORRESPONDENTS
Lunes, Pebrero 6, 2006

Ulat ni Gigi Grande

Para sa napakaraming tagasubaybay ng programang "Wowowee," malaking bagay ang pagtatanghal ng ika-isang taon na anibersaryo nito.

Isang milyong piso ang papremyo sa maswerteng manonood. Bukod dito, mamimigay din ng bahay at lupa, taxi at pampasaherong jeepney ang programa.

Siyam na tao ang reregaluhan ng P50,000 bawat isa.

Bunga nito, marami ang umasa na suswertehin sila.

Kung hindi man, ayos na rin sa kanila na makita ang "host" ng programa, si Willie Revillame o kaya ay mapanood sila ng mga kamag-anak at kapitbahay sa telebisyon.

Isang linggo bago ang pagtatanghal ng anibersaryo ng Wowowee noong Pebrero 4, 2006, mayroon nang manonood na dumating sa Philsports Arena (dating ULTRA) sa Pasig.

Mayroon sa kanila na natulog sa mga bangketa sa gilid ng gusali ng ULTRA gamit ang mga diyaryo bilang kumot at pansapin sa malamig na semento.

Sa pagtataya ng pulisya, umabot sa 9,000 katao ang dumagsa sa ULTRA tatlong araw bago ang pagtatanghal para sa anibersaryo ng programa.

Karamihan sa kanila ay nakapwesto sa kalye ng Saint Martin habang tinatayang 5,000 katao ang nakapila sa Capt. Henry Javier sa harap ng ULTRA.

Bunga ng pagdagsa ng mga tao, nagpasya ang ABS-CBN Broadcasting Corporation na dagdagdan ang bilang ng mga ambulansya sa lugar. Mula sa dalawa, ginawa itong lima.

Ayon sa mga opisyal, halos 100 katao ang humingi ng tulong at "first aid" sa mga ambulansya ilang araw bago ang pagtatanghal. Karamihan sa kanila, matatandang babae na nahihilo at nanlalambot dahil sa pagod, puyat at gutom.

Samantala, patuloy sa pagdami ang mga tao sa paligid ng ULTRA . Sa pagtataya ng pulisya, mahigit 11,000 na ang nagtitipon.

Kasabay ng pagdami ng mga tao, nagpasya ang pamunuan ng programa na paghiwalayin ang pila para sa mga nais makapasok sa "covered area" at "bleachers" ng ULTRA.

Kasabay ng pagpapapila sa mga manonood, nagsimulang bumaho ang paligid. Ito ay dahil wala nang nais umalis sa pila. Dahilan nila, baka maagawan sila ng pwesto.

Doon na kumakain, umiihi at dumudumi ang mga manonood na nakapila.

Nabatid sa mga awtoridad na umabot na rin sa tinatayang 14,000 katao ang mga nagkumpol sa labas ng ULTRA.

Noong mga panahong iyon ay 11 katao na ang dinala sa Rizal Medical Center sa Pasig, kabilang ang isang misis na nanganak at isang tao na kinumbulsyon.

Bisperas
Samantala, nagpakalat ang pulisya ng 50 tauhan para awatin ang mga nag-aaway at tiyakin na walang madudukutan sa mga nakapila o maagawan ng gamit.

Ayon kay Robert Macapagal ng Aero-Med Medical Transport, "Ang dami ng trobol. 'Yung mga tao sinasabi, ' bakit ayaw n'yo pa kaming papasukin? Hirap na hirap na kami.' "

Sa puntong iyon, batid na nilang maiinit na ang ulo ng mga tao.

Bukod sa mga reklamo, sinabi ni Macapagal na mayroon nang mga tao na umaakyat sa bubuong at sumira ng mga barikada na itinayo ng pamunuan ng Wowowee.

Noon ay Biyernes, Pebrero 3.

Pagsapit ng Sabado, araw ng pagtatanghal, kanya-kanya nang pagbabantay ang ginawa ng mga nakapila sa kanilang mga pwesto.

Sa pagtataya ng pulisya, umabot sa 30,000 katao ang nasa labas ng ULTRA noong mga oras na iyon. Tinatayang 19,000 ang nakapila sa St. Martin habang 11,000 naman sa Javier.

Inanunsyo ng pamunuan ng Wowowee na magsiuwi na ang mga tao na hindi nakapila. Anila, ang unang 17,000 katao lang ang papasukin sa ULTRA dahil ito lang ang makakayang ng ULTRA.

Ngunit bilang pampalubag-loob, ang mga nakapila na hindi makakapasok sa ULTRA ay pinasulat ng pangalan at tirahan sa isang papel para ihulog sa tambyolo.

Ang 30 pangalan na mabubunot ay bibigyan ng P5,000 bawat isa.

Tumalima agad ang mga hindi nakapila at isinulat ang kanilang mga pangalan at tirahan. Pero walang umuwi sa kanila.

Pasado 6 a.m. noong Sabado, unti-unting pinapasok sa ULTRA ang mga manonood na nasa wastong pila. Sa kabuuan, 9,000 katao ang nakapasok sa ULTRA nang magsimula ang "stampede" sa Javier.

Noong mga oras na iyon, 23 mga gwardya ng Goldlink, ang kompanyang kinontrata ng ABS-CBN, ang nakabantay sa tarangkahan ng ULTRA sa Javier. Mayroon ding mga barikadang bakal dito para tumulong sa pagkontrol ng pila.

Anang mga gwardya, biglang sumugod patungo sa tarangkahan ang libo-libong tao at natumba ang mga barikada. Mayroon ding mga tao na umakyat sa bakod para makapasok sa ULTRA.

Ang mga tao na pinakamalapit sa mga barikada ay nadaganan ng mga nasa likod.

Magkakaiba ang bersyon ng mga saksi sa pangyayari.

Ayon kay Antonio Medina, " 'Yan, nakita mo ang bubong na 'yan? Bumagsak 'yan kasi nagsampahan sila diyan."

Sabi ng saksi na nakilala lang sa pangalang "Evelyn," umakyat sa bubong ang mga tao at nasira ang pinagkakabitan ng yero.

Dagdag ng iba pang saksi, hindi iisang stampede ang nangyari kundi magkakasunod na mga insidente.

Anang testigong si "Kirk," "Etong mga nasa kalye, nagsasamantala, umakyat sila sa bakod para mapasok. 'Yung iba naman, nagsisigawan, nagmumurahan kasi di sila pumayag kasi magdamag sila na pumila."

Pag-sa
Pitumpu't apat katao ang namatay noong umagang iyon ng Sabado. Sa bilang na ito, halos kalahati ay matatandang babae na may edad 50 pataas.

Isang paslit na apat na taong gulang din ang namatay. Anim na raan at dalawampu't pito ang nasugatan.

Bago sumapit ang tanghali, nagbigay ng mensahe si Charo Santos-Concio, executive vice-president for entertainment ng ABS-CBN.

Tiniyak niyang tutulungan ng ABS-CBN ang mga biktima ng trahedya.

Kinalaunan ay hinarap din nina Santos-Concio, Revillame at Bise-President Noli de Castro ang mga manonood na nakapasok sa loob ng UTLRA.

Sinabi nilang pansamantalang kakanselahin ang selebrasyon. Humingi sila ng pang-unawa at panalangin para sa mga nasugatan at namatay.

Maayos nagsiuwian ang mga manonood. Mayroong mga dismayado dahil wala silang maiuuwing premyo. Pero sa puso nila, batid ng lahat na swerte pa rin sila noong araw na iyon.

Matapos ang stampede, nadatnan ng The CORRESPONDENTS sa labas ng ULTRA ang daan-daang tao. Hindi sila makauwi dahil walang pamasahe.

Anila, ang kakarampot na pera na laman ng kanilang mga pitaka ay nawala sa gitna ng kaguluhan.

Nawala din ang mga "cellular phone" ng ilan kaya hindi sila makatawag sa mga kaanak. Maging ang mga tsinelas at sapatos, hindi na rin nila makita.

Sa harap ng lahat ng ito, kasama ang ilang manonood na ayaw magpaawat kahit may nangyaring trahedya. Ayaw pa nilang umuwi at iginigiit na maaaring may mapanulan pa silang premyo.

Patunay dito ang pagbibigay ng ilang manonood sa The CORRESPONDENTS ng mga piraso ng papel. Ang mga papel umano ay para sa "raffle" na maaaring magbigay sa kanila ng P5,000 bawat isa.

Paliwanag ng The CORRESPONDENTS, hindi na tiyak kung maihahabol ang mga pangalan sa raffle. Nakiusap ang mga tao na subukan na lang.

Samantala, habang naghihintay ang mga tao sa labas ng ULTRA ay nagsimula nang dumating ang mga bangkay sa Medical City sa Pasig. Karamihan sa 74 na tao na namatay ay mga ina at lola.

Kinalaunan ay dumating din ang kanilang mga kaanak.

Kanya-kanyang dahilan
Kumalat agad ang mga kuro-kuro at opinyon. Sabi ng ilan, ang mga biktima ng trahedya sa ULTRA ay ang mga tao na gustong maging "instant" milyonaryo at umaasa na lang sa libreng mga bagay sa halip na magsumikap at magtrabaho.

Pero hindi ganoon kadali ang manghusga.

Isa sa mga umasa noong araw na iyon ay si Joanna Castillo, tindera ng embotido sa Bicol. Aniya, kahit gaano karaming embotido ang maibenta niya, hindi ito sapat para makabili ng "artificial leg" para sa anak na dalagang putol ang paa.

Ito ang dahilan kaya siya nakipagsapalaran, sabi ni Castillo.

Hindi nagsisi si Castillo sa pagpunta sa ULTRA. Ang pinagsisihan niya, naisama niya ang kanyang bunso.

Samantala, ang magkapatid na Kirk at "Lisa," nanggaling sa Taguig at kapwa nasaktan sa stampede. Pero hindi rin sila nagsisisi na sinubukan nila ang swerte.

Anang magkapatid, nais lang nilang makapagbahagi ng premyo sa kanilang ina na malapit nang mawalan ng trabaho.

Kahit hindi natupad ang kanilang mga pangarap noong araw na iyon ng Sabado, umaasa ang magkapatid na balang-araw, magkakatotoo ang mga ito.

May kwento rin ang mag-asawang Edgar at Myrna Longanilla.

Ayon sa mga saksi, naiakyat sa bubong ang anak nilang si Apple noong magkatulakan pero nang makita ni Myrna ang apat na taong ulang na bata, tumalon na ang paslit sa nagkakagulong mga tao at tuluyang nadaganan.

Sabi ng mag-asawa, si Apple ang nagyaya na pumunta sa pagtatanghal ng Wowowee, hindi para sumali sa mga palaro. Nais ng bata na maging modelo o mang-aawit at inisip niyang pagbibigyan siya ni Revillame.

Hindi kasama si Edgar sa ULTRA nang mangyari ang trahedya. Aniya, nasa trabaho siya noon at nakiusap sa isang kasama na ihatid sa ULTRA para damayan ang mag-ina.

Sa panig ni Myrna, inamin ng ginang na tanging pag-asa nila si Apple. "Siya ang inaasahan namin. Gusto niya mag-apply kay Willie apra magkapera, ang sweldo niya, ibibigay sa akin."

Pero ang pangarap ng paslit, tulad ng iniisip ng libo-libong dumagsa sa ULTRA, ay naglaho na. Maaaring magkakaiba ang dahilan nila sa pagpunta sa ULTRA pero lahat, iisa ang hangarin: matupad ang mga pangarap na biglang nabago at ngayon ay napakahirap nang makamit.

   
>>> Previous Episodes