"Bringing you an in-depth look at the lives of people as they are living it, as they are going through hardships, as they are celebrating their joys. It's journalism with a heart."

 

 
Mondays 11:30 pm
 

Kapalaran ng mga 'trainee-yuki' sa Japan
'JITCO trainees' Itinanghal ng The CORRESPONDENTS,
Setyembre 26, Lunes, 11:30 p.m.


Ulat ni Aladin Bacolodan

Mula sa 19 na mga babaeng nakapanayam ng The CORRESPONDENTS noong Setyembre 5, 2005, nabunyag ang kontrobersya sa likod ng programang Technical Education, Skills and Development Authority (TESDA) at Japan International Training Cooperation Organization (JITCO) na siyang ugat kung bakit napunta sa Japan sina "Leny," "Cecille," "Lubay," "Wilma" (di-tunay na mga pangalan) at iba pa nilang kasamahan.

Noong 2002, ipinadala ng Green Life and Forest Foundation ang pangkat nina Leny sa Japan upang maging "trainee." Sila ay mga kabataan na katatapos lang ng high school habang ang iba ay pagod na sa mababang sahod sa kanilang pinapasukang trabaho.

Sa pamamagitan ng Green Life, nakakita sila ng oportunidad na dumayo sa Japan at makapaghanapbuhay.

Pero sa likod ng tawanan, kantahan at magandang samahan ay malaking eskandalo ang ibinunyag nina Leny matapos silang mapalayas sa Japan noong 2004.

Ayon kay Wilma, " Kaya po kami nagrereklamo hindi para sa amin kundi para sa mga susunod pa para maayos naman ang allowance nila. Kasi pagdating doon, hindi naman sila trainee kundi trabaho ng regular worker po ang ginagawa doon."

Ito ang himutok ni Wilma, isang taon matapos silang mapauwi sa Pilipinas. Sina Wilma ay bahagi ng Batch 17 na ipinadala ng Green Life sa Japan. Dapat ay tatlong taon sila sa ibayong dagat bilang trainee sa mga kompanyang Hapones.

Ngunit hindi sila nagtagal dahil 13 buwan lang ang mga kabataan sa Japan. Sa kanilang pagbabalik sa Pilipinas, nagreklamo ang mga kabataan sa Kanlungan Center for Migrant Workers bitbit ang samu't saring reklamo.

Hinaing ni "Anna," ang sabi sa kanila sa programa ay magkakaroon ng "technology transfer" pero pagdating sa Japan, pinagbubuhat umano sila ng mabibigat na bagay.

Sabi ni Cecille: "Nakaranas kami ng magtadtad ng sibuyas."

Ganito rin ang binanggit ni Leny at sinabing mababa umano ang tingin ng mga Hapones sa tulad nilang mga Pilipino.

Ang mga kwento ng tatlo ay walang ipinagkaiba sa karanasan ng iba pang mga Pilipinong naabuso sa ibang bansa. Ang ipinagkaiba nga lang nila, sila ay pawang mga kabataan na halos wala pang sapat na karanasan sa ganitong uri ng pagsubok sa buhay.

Berdeng buhay, bagong buhay?
Marahil ay ilan sa mga makababasa ng kwentong ito ay minsan nang naimbitahan ng Green Life. Kung hindi man, maaaring mayroong kaanak, kapitbahay o kaibigan ang nakabalita.

Totoong nakakalula ang mga pangako. Kailangan ay aplikanteng may edad 18 hanggang 24, tapos ng high school, handang matuto at desperadong kumita.

Kapag nasagot lahat ang rekisito, ang aplikante ay pwedeng maging trainee sa Japan. Walang gastos sa paglalakad ng papeles at kapag natanggap ang aplikante, siya ay kikita ng pitong "lapad" o P35,000 kada buwan.

Ito ay hindi sweldo kundi "allowance" kapalit ng pagiging iskolar o trainee sa iba't ibang mga kompanya.

Sino nga ba naman ang hindi kakagat? Wika nga, kikita ka na, matututo ka pa.

Pero mula sa kwento ng mga kabataang nakapanayam ng The CORRESPONDENTS, malinaw na may mali sa sistema at mayroong mapagsamantalang mga tao na nakikinabang dito.

Nagsimula ang lahat kay Lubay sa pagdalo sa mga pulong na ipinatawag ng Public Employment Service Office (PESO) sa kanilang lugar sa Lipa City sa Batangas.

Dito niya nalaman na naghahanap ng trainee ang Green Life papuntang Japan.

Matapos pumasa sa pagsusulit, dumalo siya sa "orientation."

"Ang sabi sa amin, libre lahat at kikita ka na, matututo ka pa. Doon pa lang, maeengganyo ka na."

Kabilang sa rekisito ang kaalaman o hilig sa kursong electronics. Kailangan din ay tapos ng high school.

Sa kaso ni Lubay na nagtapos ng kursong education, wala siyang alam sa electronics. Pero dahil kailangang maghanap ng trabaho, sumubok pa rin siya.

Siya mismo ay nagulat nang matanggap pero katakot-takot na pamemeke umano ng mga dokumento ang kailangang gawin niya at ng mga kasamahan para makalusot sa rekisito ng TESDA at JITCO.


Trabaho, 'yun lang
Ano nga ba ang programa ng TESDA-JITCO at bakit naeengganyo ang mga kabataan dito?

Ayon kay Santiago Yabut, pangalawang direktor ng TESDA, ang nabanggit na programa ay pinagkasunduan ng pamahalaang Japan at Pilipinas para magkaroon ng paglilipat ng kaalaman sa teknolohiya mula sa mga kompanyang Hapones patungo sa mga trainee.

Ang JITCO ay samahan na ang layunin ay suportahan ang mga pangangailangan ng mga kompanya sa Japan sa pamamagitan ng mga trainee mula sa mga bansang China, Indonesia, Vietnam, Pilipinas, Thailand, Mongolia, Sri Lanka at iba pang mahihirap na bansa.

Simple lang ang layunin nito. Nangunguna sa teknolohiya ang Japan kaya nasa posisyon ito para makatulong sa mga trainee sa pamamagitan ng paglilipat ng kaalaman o pagtuturo ng teknolohiya sa lahat ng sumailalim sa pagsasanay para magamit sa pagbabalik sa sariling bansa.

Sa madaling salita, JITCO ang naghahanap at tumatanggap ng mga trainee.

Naaprubahan ng pamahalaang Japan ang programa noong 1992 pero 1994 na ito pinatulan ng Pilipinas.

TESDA ang ahensiyang inatasan ng gobyerno upang mangasiwa sa programa. Samantala, ang ginawa ng TESDA ay basbasan ang mga organisasyong magpapadala ng trainee sa Japan.

Napag-alaman ng The CORRESPONDENTS na aabot sa 29 mga organisasyon at institusyon ang lisensyado ng TESDA. Pinakaaktibo sa mga ito ay ang Green Life.

Ang organisasyon ito ang nagpadala kina Leny, Lubay, Cecille, Wilma at iba pang nilang kasamahan noong Hunyo 2003 sa Japan.

Sabi ng mga babae, pare-pareho ang kanilang kwento. Kung hindi sa PESO nila narinig ang programa, mayroong mga tauhan ang Green Life na naglibot sa kani-kanilang mga paaralan sa paghahanap ng mga trainee.

Sa mga talumpati na ginawa ng mga tauhan ng Green Life, sinabi nila sa mga aplikante kung ano ang aasahan sa programa.

Ayon kay Mary Ann Taburnal, "Sabi nila araw-araw daw may matutunan kami at may allowance. Habang nasa Pilipinas kami, mag-aaral din kami ng Nihonggo nang libre."

Kwento ni Leny, sinabi sa kanila ng mga tauhan ng Green Life na isasalang sila sa trabaho sa kompanya ng electronics. Pero ang problema, marami sa mga aplikante ay walang alam sa electronics.

"Kailangan daw, one year experience sa electronics at kailangan, may sending company kahit hindi ka totoong nagtrabaho roon," sabi ni Leny.


Karanasan sa Japan
Kung ang Green Life ay "sending organization," kailangan nito ng "sending company." Ibig sabihin nito, dapat ay may trabaho sa Pilipinas ang trainee upang magtugma ang kompanyang papasukan niya at ang pagmumulan sa Pilipinas.

Ito ang idea ng paglilipat ng teknolohiya dahil kung ano ang matutunan ng trainee sa Japan, magagamit niya ito sa trabahong babalikan sa Pilipinas.

Pero kadalasan, ang mga umaalis ay walang kompanyang pinagtatrabahuhan. Para matanggap, namemeke sila ng dokumento at mismong ang Green Life pa umano ang tumutulong para makakuha ng pekeng sertipiko sa trabaho.

Kwento ni Wilma, limang taon na siyang regular sa trabaho bago naging aplikante sa Green Life. Sa kabila ng magandang trabaho, sinabi ng babae na nasilaw siya sa oportunidad kaya nagbitiw at naghanap ng kunwaring kompanya na susuporta sa kanyang mga "kakayahan at kaalaman" sa electronics.

Ngunit aniya, hindi lang ang kompanyang "pinaglilungkuran" ang pinepeke. Nagtataka rin si Wilma dahil marami sa mga aplikante ay walang alam sa trabahong pinapasukan pero nakakalusot sa pagsusulit ng TESDA.

Rekisito rin kasi ang pagpapakita ng kaalaman sa electronics bago payagan na maging trainee. Ang pagsusulit na ito ay sinusukat ng TESDA.

Noong 2003, puno ng pag-asa ang grupo nina Leny nang dumating sa Japan. Tatlong buwan din nilang pinaghandaan sa Pilipinas ang biyahe.

Sa Japan ay sinalubong sila ng kompanyang Nippon, ang kompanyang magsasanay sa kanila.

Malugod ang pagtanggap ng kompanya sa mga trainee. Itinira ang mga trainee sa mga dormitoryo na may kapasidad na 60 katao, pawang lahat ay nagmula sa iba't ibang bansa.

Walang reklamo sa tinitirhan sina Leny. Ang reklamo nila ay ang trato ng kompanyang pinaglingkuran.

Sa kaso nina Leny, napunta sila sa kompanyang Nitto Denko na gumagawa ng telebisyon.

"Di ko po akalain na ilagay ako sa paglilinis ng banyo. 'Yung una naglilinis ako ng pasilyo. Hindi ko inasahan na ganoon kasi akala ko sa electronics ako mapupunta."

Sagot ng mga opisyal ng kompanya kay Leny, sa paglilinis muna siya inilagay dahil wala pang bakante sa mismong pagawaan ng telebisyon sa pabrika.

Para masulit ang allowance, sinabi ng mga opisyal ng kompanya na paglilinis muna ang trabahong gagawin ng mga trainee.

Pero sa loob ng isang buwan, nailipat din ang mga babae sa pagawaan ng telebisyon bilang mga inspektor. Hindi bababa sa walong oras ang trabaho nila mula Lunes hanggang Sabado.

Ang allowance nila, pitong lapad o katumbas ng P35,000 kada buwan kasama ang libreng pabahay.

Ang problema, araw-araw ay iyon at iyon din ang ginagawa ng mga trainee. Anila, hindi ito ang inaasahan nilang matututunan sa Japan.

Sa kabila ng iba't ibang reklamo, nabatid ng The CORRESPONDENTS na ang ugat ng pag-aalboroto ng mga babae ay ang pagkakaudlot ng kanilang tatlong taon na kontrata.

Nakaugat ang problema sa pag-uutos sa kanila na pumasok nang "overtime" (OT) sa kompanya.

"Alam po namin bawal ang OT pero ginawa rin namin kasi kailangan daw," sabi ni Leny.

Sa ilalim ng programa ng TESDA at JITCO, bawat ang overtime dahil ang trainee ay hindi dapat ginagawang regular na trabahador.

Ngunit hindi rin makaayaw ang mga tulad nina Leny dahil dagdag na kita rin ang OT .

Kapag may OT, kikita rin sila ng tatlong lapad o P15,000.

"Pinalalabas na lang nila na meal allowance 'yung OT namin," sabi ni Leny.

Ang hindi alam ng mga Pilipina, ang OT nila ang siyang nagpahamak sa kanila.

"Isinumbong kami ng mga Brazilian [na trainee]," sabi ni Wilma.

Matapos mahuli ng mga opisyal ng gobyernong Hapones ang ipinapagawa ng kompanya sa mga trainee, pinauwi sa Pilipinas ang Batch 7 at Batch 19 ng mga trainee.

Hindi na rin pinalawig ang kanilang visa para sa programa.


May reklamo?

Paniwala ng grupo, napagkaitan sila ng pagkakataon.

Bunga ng pagkakaputol ng kontrata na hindi nila kasalanan, nagsampa ng kaso laban sa Green Life ang grupo. Nakahanap sila ng kakampi sa Kanlungan Center for Migrant Workers para isulong ang kaso.

Sa tingin ni Loida Bernabe ng Kanlungan, ilegal ang pag-aalok ng kontrata sa mga trainee. Bukod dito, inabuso rin umano ng mga kompanyang Hapones ang mga trainee.

Nauna nang dumulong sa Kanlungan si Melvin Atalia. Siya at mahigit 10 pang iba ay bahagi ng Batch 13 na ipinadala ng Green Life sa Japan.

Sa mga kasapi ng Batch 13, mayroong napauwi at sadyang umuwi dahil hindi na rin matiis ang panggagamit sa mga kabataang Pilipino sa ilalim ng nabanggit na programa.

"Nagiging maskara ito para sa murang pasweldo, iwas sa benepisyo at lahat ay nagmumukhang legal," aniya.

Sa mahigit 10 na nagsampa ng reklamo, si Atalia na lang ngayon ang hindi pa bumibigay kahit natalo sa kasong illegal recruitment na isinampa sa Makati Regional Trial Court laban sa Green Life

Kasama ni Atalia si "Glen" na umuwi mula Japan. Aniya, nagkasakit siya habang nagtatrabaho bilang trainee.

Dati, malusog ang pangangatawan ni Glen. Pero kung gaano siya kalusog noon, payat na siya ngayon dahil sa paglaki ng puso.

Naniniwala si Glen na nagmula ang sakit niya sa bigat ng trabaho sa Japan. Pero tulad ng ibang kasamahan, nakipag-areglo na lang si Glen sa Green Life at nabayaran ng higit sa P200,000 para umurong sa kaso.

"Wala akong magagawa. Kailangan ko ng pampagamot," sabi ni Glenn.

Aminado ang Green Life na bukas sila sa mga kabataang wala pang karanasan sa pagtatrabaho. Pero hindi umano sila kasabwat sa pamemeke ng mga sertipiko sa trabaho na siyang kailangan para matanggap ang trainee sa programa.

"Kahit walang skills, pwede naman na mag-attend ng orientation para pumasok sa programa," sabi ni Celso Ariaga ng Green Life.

Samantala, sa isyu ng pagpapapirma ng blangkong tseke sa mga trainee, sinabi ni Ariaga na kailangan ito dahil bahagi ng programa ang pagtitiyak na babalik sa Pilipinas ang mga kabataan matapos ang kontrata sa Japan.

Sa karanasan umano ng Green Life, ani Ariaga, nasa 70 sa mahigit 1,000 mga trainee ang naging "TNT" o "bilog" sa Japan.

Ayon kay Ariaga, garantiya nila ang blangkong tseke para hindi maging TNT ang mga trainee. Dagdag niya, alam ng TESDA ang gawaing ito.

Pero sa panayam ng The CORRESPONDENTS sa opisyal ng TESDA na nakakaalam sa programa, sinabi niya na hindi nila binabasbasan ang pagpapapirma ng blangkong tseke sa mga trainee.

Walang problema
Sa kabila ng samu't saring problema ng Green Life, mayroon ding maipagmamalaki ang ahensiya.

Ilan sa kanila ay sina "Ramil," "Abner" at "Marlon."

Umuwi si Ramil noong Abril 2005 at ngayon, may sarili na siyang bahay at sapat na naipon para sa kinabukasan ng pamilya. Ang lahat ng ito ay utang niya sa programa ng TESDA at JITCO.

Samantala ang pitong lapad na buwanang sweldo ni Marlon ay inipon niya at matapos ang tatlong taon, bahay, lupa, puhunan sa negosyo at tulong sa magulang at kapatid ang kanyang maipagmamalaki.

Ang lahat ng ito, katas ng pagiging trainee.

Sa laki ng utang na loob ni Marlon sa Green Life, nagtatrabaho na siya ngayon sa ahensiya bilang guro sa welding sa mga aplikanteng naghahanda sa pagtungo sa Japan.

Si Abner naman, inirekomenda ang kapatid na sumailalim din sa programa. Aniya, ito ay dahil patunay ang karanasan niya sa Joan para masabing tagumpay ang programa.

Pero para kay Melvin na minsan nang sumubok at hindi natagalan ang pagiging trainee sa Japan, bagamat may natutuwa at nakikinabang sa programa ay mali pa rin ang sistema.

Aniya, mas hamak na mababa ang sweldo ng trainee gayong ang trabaho nila ay kasimbigat lang ng mga regular na empleado.

Bukod dito, kumbinsido rin si Melvin na nakikinabang dito ang mga organisasyong tulad ng Green Life.

Ito ang pinabulaanan ng Green Life. Wala umano silang sabwatan sa mga kompanyang tumatanggap ng mga trainee. Hindi rin umano nila ibinubulsa ang salapi na natitipid ng mga kompanya sa Japan sa sahod na nakalaan sa mga trainee..

Kung may kinikita man ang Green Life, nilinaw ng kompanya na mula ito sa donasyon ng mga ahensiya sa Japan na tumatanggap sa mga trainee. Hindi kinakaltas sa sweldo ng trainee ang anumang natitipid na ito, giit ng Green Life.

Depensa ng TESDA, hindi lang mga trainee na Pilipino ang nasa pitong lapad ang sweldo kahit regular ang trabaho na ginagawa sa pabrika.

Lahat umano ng mga trainee sa programa ng JITCO ay ganito rin ang pasahod.

Bintang ng Kanlungan, sinadya ng JITCO at gobyernong Japan na idisenyo ang programa para makatipid gayong ang totoong layunin nito ay makahanap ng manggagawa.

"Kung makikita mo, kunwari tinutulungan pero nangyayari sa trainee, mano-mano na trabaho. Dapat din kilalanin sila bilang regular na empleado, hindi trainee," ani Bernabe.

Ito ang ipinaglalaban nina Leny, Cecille, Wilma at Lubay. Anang mga babae, hindi ito para sa kanila kundi para sa mga kabataan na susunod pa at aasa sa pangakong hindi naman umano totoo.

Abangan...
Samantala, umaksiyon ang TESDA. Bunsod ng reklamo sa Green Life, sinuspinde ng pamahalaan ang pagpapadala ng mga trainee sa Japan sa loob ng tatlong buwan. Nagsimula ito noong Hulyo.

Pero ayon sa impormasyong nakalap ng The CORRESPONDENTS, mistulang walang epekto ang pagbabawal dahil patuloy sa pagtanggap ng aplikante ang Green Life.

Maging ang embahada ng Japan sa Maynila, iniendorso ang programa.

Para kina Abner, Ramil at Marlon, patuloy nilang ipagtatanggol ang programa dahil maaaring ito ang makatulong sa mga kabataang Pilipino na wala na halos mapasukang trabaho.

Pero ang Batch 7, walang balak tumigil. Sa katunayan, naidulog na nila sa matataas na opisyal ng pamahalaan ang isyu.

Sa kasalukuyan ay iniimbestigahan na ito ng Committee on Labor sa Senado sa pamumuno ni Sen. Jose "Jinggoy" Estrada.

Dumulog na rin ang pangkat sa Kamara ng mga Representante. Bukod pa ito sa dalawang kaso na nakabimbin sa korte.

   
>>> Previous Episodes