Setyembre 04, 2002 Miyerkules
 
Pulis-kotong dakip sa Maynila

Nahuli sa akto si Police Officer 2 Herminio Acosta matapos niyang tanggapin ang P300 marked money na ipinain sa kanya ng mga operatiba ng Counter Intelligence Special Unit (CISU) ng Pambansang Pulisya sa Maynila, gabi ng Martes.

Matagal nang inirereklamo ng mga tsuper ng tricycle na namamasada sa Sampaloc ang pangongotong ni Acosta. Anila, P300 sa bawat linggo ang hinihingi sa kanila ni Acosta.

Noong Martes, nagwakas ang raket ni Acosta nang damputin siya ng mga kagawad ng CISU matapos kunin niya ang pera.

Napag-alaman din na may ilan pang kasama si Acosta at agad naman na dinisarmahan ang mga ito.

Sa kabila nito, si Acosta lang ang dinala sa presinto at pansamantalang ipiniit dahil sa kanya nakuha ang markadong P300.


Please send your comments or feedback to newsfeedback@abs-cbn.com