www.abs-cbnNEWS.com
Enero 10, 2003 Biyernes
 
Grupo ng mga holdaper nalambat

Nalambat ng pulisya ng Lungsod Quezon ang isang grupo ng kilabot na mga holdaper ng pampasaherong jeepney matapos matunton ang pinagtataguan nila sa Barangay Sauyo sa Novaliches, Huwebes ng gabi.

Nabatid ng ABS-CBN na bago nadakip ang mga suspek, isang jeep ang hinoldap ng mga ito bandang 11 p.m. sa kahabaan ng C-5 sa Sauyo.

Ayon sa pulisya, naabutan pa ng mga awtoridad ang tatlong suspek na naglalakad sa loob ng Richland Subdivision.

Nakatakbo ang dalawa pero nasakote si Redante Sanchez.

Ikinanta ni Sanchez ang iba niyang mga kasamahan kasunod sa ginawang ang paglusob ng awtoridad sa pinagtataguan nila.

Itinuro ni Sanchez si Tomas Camarines at tsuper ng jeepney na si Danny Flores na kasabwat din nila.

Rutang Monumento-Balintawak ang jeepney ni Flores subalit bumibiyahe ito ng Muñoz-Novaliches tuwing manghoholdap.

Nabawi naman ng mga awtoridad ang ilang gamit na nakuha ng grupo ni Sanchez sa kanilang mga biktima tulad ng pitaka at cell phone gayundin ang mga patalim na ginagamit ng grupo tuwing manghoholdap.


Ipadala ang inyong kurokuro o feedback sa newsfeedback@abs-cbn.com