| Itinaas
ng Pambansang Pulisya (PNP) nitong Lunes ang alerto sa mga
pulis ng buong Mindanao makaraan ang serye ng pambobomba
ng rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) noong
nakaraang linggo.
Ayon
kay Chief Supt. Edgardo Aglipay, deputy director for operations
ng PNP, partikular na inilagay sa pinakamataas na alerto
ang Lungsod Cotabato sa Maguindanao. Si Aglipay rin ang
hepe ng Task Force Mindanao ng PNP.
Nilinaw
naman ng opisyal na tanging Mindanao lang ang nakapailalim
sa pinakamataas na alerto. Pinawi niya ang pangamba ng
mga residente ng Kalakhang Maynila na posibleng kumalat
dito ang karahasan sa Mindanao.
Ani
Aglipay, nakahanda ang pwersa ng National Capital Region
Police Office sa anumang banta ng kaguluhan ng mga rebelde
sa Kamaynilaan.
Hinggil
sa pagtataas ng alerto, inihayag ni Aglipay na nakatanggap
ng impormasyon ang PNP na Cotabato ang susunod na lulusubin
ng mga rebelde.
"Mayroon
kaming nasagap na impormasyon na nakatakdang sumugod ang
MILF sa Cotabato," anang opisyal.
Sa
tulong ng Sandatahang Lakas at mga residente, magtatayo
ng mga checkpoint ang pulisya sa mga daanan papasok ng
Cotabato, dagdag ni Aglipay. Ito ay upang mapigilan ang
mga grupo na magtatangkang maghasik ng gulo sa lungsod.
Niyanig
ng sunod-sunod na pagsabog ang tatlong lalawigan sa Gitnang
Mindanao noong nakaraang linggo matapos masakop ng militar
ang Barangay Buliok sa Pikit, Cotabato.
Kasunod
nito, ginulantang naman ng mga insidente ng pambobomba
ang mga tore ng National Power Corp. sa mga lalawigan
ng Maguindanao at Cotabato. Noong Huwebes, isang bomba
ang pinasabog sa paliparan ng Cotabato at pamilihan sa
Koronadal South Cotabato.
Isa
katao ang nasawi sa pagsabog sa paliparan ng Awang samantalang
limang tao ang sugatan sa pambobomba sa Koronadal.
Umamin
ang bandidong Abu Sayyaf na kagagawan nila ang pagsabog
sa paliparan ngunit naniniwala rin ang mga awtoridad na
MILF ang nasa likod nito.
|