www.abs-cbnNEWS.com
Pebrero 24, 2003 Lunes

 
Tatlo dakip sa panghihipo at panggugulpi

Inaresto ng pulisya sa Lungsod Mandaluyong noong Linggo ang tatlong lalaki na nanggulpi at nanghipo umano sa loob ng isang bilyaran sa siyudad.

Lasing na lasing at hindi halos makapagbigay ng maayos na paliwanag sina Rene Aburdo, Eddie Ojano at Emil Francisco sa loob ng piitan.

Ayon sa imbestigasyon, nag-iinuman sa isang bilyaran sa Boni Avenue ang tatlo nang makatuwaang hipuan ang biktimang si "Letlet" (di-tunay na pangalan).

Hindi pumalag ang biktima dahil sa takot sa tatlong lalaki. Bunga nito, nalipat ang atensyon ng grupo kay Sander Mercado na kaibigan ng babae.

Pinagtulungang gulpihin ng tatlo si Mercado na nagresulta sa mga sugat at putok sa ulo nito.

Sa presinto, iginiit ng mga suspek na wala silang kasalanan. Anang mga lalaki, napagkamalan lang sila ng dalawa.

Sa kabila nito ay hindi pinalusot ng mga biktima ang pagsalag ng mga suspek sa bintang.

 


Ipadala ang inyong kurokuro o feedback sa newsfeedback@abs-cbn.com