| Nanindigan
nitong Lunes si Sen. Manuel Villar na dapat pag-aralang
mabuti ng pamahalaan ang pagpapadala ng tropang Ameriknao
sa Sulu upang makilahok sa Balikatan 03-1 kasama ng mga
sundalong Pilipino.
Ani
Villar, tagapangulo ng committee on foreign relations
sa Senado, lubhang mapanganib para sa mga Amerikano ang
tumuntong sa bahaging ito ng bansa.
Sinabi
ng mambabatas na tensyonado ang sitwasyon sa lugar dulot
ng napipintong digmaan ng U.S. at Iraq sa Gitnang Silangan.
Inihayag ng senador na bilang mananampalataya ng Islam,
itinuturing na kapatid ng mga Moro sa Mindanao ang mga
Arabo sa Gitnang Silangan.
Ang
pagdating ng mga Amerikano para sa Balikatan ay maaaring
isipin ng mga Moro na kaugnay sa digmaang ilulunsad ng
U.S. laban sa Iraq. Higit pa dito, ang anumang kilos ng
dayuhang pwersa ay pwedeng isipin ng mga Moro bilang kumakalaban
sa relihiyong Islam.
Iginiit
ni Villar na hindi siya naniniwala sa pahayag ng Malacañang
na magiging madali ang pag-atras ng mga Amerikano sakaling
maipit sa pagbuwelta ng mga rebeldeng Moro.
Para
sa mambabatas, malabo ang ganitong larawan tulad ng ipinipinta
ng mga tagasulong ng Balikatan.
Inilunsad
noong Linggo ang unang yugto ng Balikatan sa punong himpilan
ng Southern Command sa Lungsod Zamboanga. Dumating ang
unang grupo ng mga sundalong Amerikano na magsasanay at
maglilipat ng kaalamang militar sa mga kawal-Pilipino.
Inaasahang
tatagal ng anim na buwan ang ensayo na nakatakdang lumipat
sa lalawigan ng Sulu.
Kaugnay
nito, binanggit ni Villar na magiging problema ng bansa
kung saan kukunin ang pondo sakaling makihalo sa anumang
digmaang ilulunsad ng U.S. Anang senador, halos tuyo na
ang kabang-yaman ng bayan sa pondo.
Si
Villar din ang tagapangulo ng committee on finance ng
Senado.
Samantala,
nais ng senador na linawin ng pamahalaan ang terms of
reference ng Balikatan 03-1. Aniya, matagal nang hinihingi
ng Senado ang TOR upang mapag-aralan kung mayroong pahintulot
ang mga Amerikano na makilahok sa opensiba laban sa mga
rebelde.
Ngunit
hanggang ngayon ay naghihintay pa rin ang mga senador
sa pagadating ng dokumentong ito, pagtatapos ni Villar.
|