Bakit nga ba 'It's more fun in the Philippines' ?
Bakit nga ba 'It's more fun in the Philippines' ?
05/09/2012 11:11 PM

#ItsmorefuninthePhilippines!

A-treinta ng Abril nang masilayan ng mundo sa kauna-unahang pagkakataon ang TV commercial (TVC) ng Department of Tourism sa CNN.

Marami ang positibong reaksyon mula sa ating mga kababayan. Matagal na kasing walang komersyal ang Pilipinas sa mga international network samantalang bugbog ang mga TVC ng mga kakumpitensiya natin tulad ng Malaysia, Thailand at Singapore.

 

Si David Guerrero ang pinuno mg BBDO Guerrero na siyang gumawa ng slogan na #Itsmorefuninthephilippines. Tinalo ng BBDO ang pitong ibang advertising agencies na nagkompetisyon para sa paggawa ng kampanya para sa turismo ng Pilipinas.

Kuwento ni Guerrero sa akin, naisip niya ang mga kataga nang siya at ang anak niyang lalaki ay lulan ng isang bangka kasama ang maraming banyagang turista para mag-underwater diving.

Sabi ni Guerrero, lubhang matulungin at maasikaso ang mga Pinoy na dive master sa grupo. Kaya naman para sa isang baguhang diver, nagiging masaya ang karanasan.

Base kasi sa kuwento at karanasan ng maraming diver sa ibang bansa, hinahayaan lang ang mga turista na magbuhat at magsuot ng sarili nilang diving gear.

Kaya sa ilalim ng dagat, habang nag-e-enjoy, nabuo sa isip ni David Guerrero ang slogan ng Pilipinas. Nag-click sa kanyang isipan ang slogan isang linggo lang bago ang official pitch kay Tourism Secretary Mon Jimenez.

Ang mga litrato at video ng mga magandang tanawin sa ginamit sa komersyal ay "crowd-sourced." Ibig sabihin, galing mismo sa mga karaniwang tao.

Kakaiba ito sa mga karaniwang promo ng ibang bansa. Ang mga larawan kasi ay base sa tunay na karanasan at nanghihikayat sa lahat na ibahagi rin ang kanilang sariling mga kuha. Sa dulo kasi ng komersyal ay ang tanong, "What will you come up with? "

Sabi ni Guerrero, kahit salat sa budget ang Pilipinas sa pagbili ng airtime kumpara sa mga bansa tulad ng Malaysia at Indonesia, malaki ang potensyal ng social media tulad ng Facebook at Twitter para ikalat ang ating mensahe.

Dagdag pa niya, marami na kasing turista ngayon ang gumagamit at nagsasaliksik sa Internet bago magbakasyon. Kaya naman ang layon ng ating kampanya ay ang pagkalat sa Internet ng ating mensahe. At matutupad ito sa pamamagitan nating mga Pinoy at maging ng mga banyagang turista na siyang magbabahagi ng ating mga larawan at karanasan!

Sabi ni Guerrero, ang balakid ng pag-promote ng Pilipinas ay hindi ang negatibong pananaw sa atin, kundi ang "zero knowledge" tungkol sa Pilipinas. Layon ng bagong kampanya na maging bahagi ng global conversation ang Pilipinas, pag-usapan, magkaroon ng ‘buzz,’ ika nga. Tulad ng Thailand, halimbawa, na naging sikat na location na para sa mga pelikula ng Hollywood, matapos ang matagumpay na tourism campaign.

Pero higit sa lahat ang kalamangan ng Pilipinas ay tayong mismong mga Pinoy. Ang ating likas na hangaring pasayahin ang ating mga bisita. Ito ang x factor sa likod ng kampanyang #ItsmorefuninthePhilippines.