Ang problema sa edukasyon - Pat A. Sto Tomas

Posted at 06/21/2010 11:45 PM | Updated as of 06/21/2010 11:45 PM

Kung inyong nasubaybayan ang pagbukas ng klase noong nakaraang Martes marahil ay inyong nabasa sa mga pahayagan o narinig sa radyo at napanood sa telebisyon ang ilan sa mga problema na kinakaharap ng bansa sa larangan ng edukasyon. Ang mga problemang ito ay ang mga sagabal sa maayos na pag-aaral ng mga kabataan maging ito man ay sa elementarya, sa high school o sa kolehiyo.

Ang tatlong pinakamabigat dito ay ang pagtaas ng tuition lalo na sa mga pribadong paaralan at ang paniningil ng kung anong mga kabayaran sa public schools na ipinagbabawal naman ng Department of Education; ang kakulangan ng mga guro lalo na sa mga public schools; at ang kakulangan o di kaya’y mga sirang classrooms sa ating public school system. Sa dalawang panghuling problema sa tingin ko ay may magagawa ang ating mga OFWs.

Ang pagtaas ng mga tuition lalo na sa mga pribadong eskwelahan ay marahil mahirap maiwasan sapagkat ito ay dala naman ng pagtaas ng maintenance and operating costs ng mga paaralan katulad ng bayad sa elektrisidad at pasuweldo sa faculty at iba pang mga empleyado.

Ang pagmantini ng maayos na pasahod sa mga guro at iba pang staff ay mahalaga otherwise, ang eskwelahan ay magkakaroon naman ng shortage of good faculty and staff members dahil sa ang mga ito ay mahihikayat na lumipat sakaling may magbigay ng magagandang offer sa ibang schools.

Marahil sa ating mga OFWs ay hindi gaanong problema ang bagay na ito dahil sa may sapat tayong budget sa education ng mga bata subalit sa mga mahihirap na mga pamilya ito ay isang pabigat na kailangang harapin.

Kaya ang pamahalaan ay dapat ipagpatuloy ang pag-impose ng limit sa pagtaas ng tuition at tingnan ang maigi nitong pangungulekta ng mga public schools ng kung anu-anong fees sa kabila ng maliwanag na abiso ng DepEd na ipingababawal ang anumang pagsingil o pangungulekta sa mga estudyante. Dapat bigyan ang mga ito ng ibayong atensyon ng mga kinauukulan at ang mga school principals ay totoong disiplinahin ng DepEd sakaling mapatotohanan ang mga alegasyong ang kanyang eskwelahan ay nangongolekta ng kung anu-anong fees.

Ang kakulangan ng mga guro sa elementarya at kahit na sa high school lalo na sa mga eskwelahan sa mga liblib na lugar at may kalayuan sa bayan o lungsod ay lagi na lamang bumubulaga sa atin tuwing nagbubukas ang klase.

Kasi nga naman kung ikaw ay isang guro na may posibilidad naman na makapagturo sa bayan o sa lungsod at malapit sa iyong tirahan, bakit mo pa nanaisin na ma-assign sa isang barrio school. Maliban sa ikaw ay kailangang magbigay ng sapat na oras sa pagbibiyahe ikaw ay mamamasahe pa din ng malaki sa jeepney o sa habal-habal papunta doon at posibleng maglalakad ka pa sa rice paddies sa ilalim ng init ng araw o sa ulan.

Of course, mayroong opsyon na lumipat ng tirahang malapit doon sa eskwelahang pagtuturuan subalit posibleng ito ay hindi magiging kaaya-aya sapagkat maliban sa mapalayo sa pamilya at sa pagsubaybay sa mga anak na nag-aaral din posibleng mayroon ding problema sa seguridad na kaharapin. Kaya bakit nanaisin pa ng isang guro ang magpakahirap na magturo sa isang malayong baryo kung mayroon namang posibilidad na makakuha ng pagtuturuan na malapit sa tirahan at nasa sentro pa ng sibilisasyon, wika nga.

Maliban marahil kung may additional compensation o allowance na ibibigay ang pamahalaan para doon sa mga nagpapakahirap na manatili sa mga liblib na mga baryo upang gampanan ang pagtuturo sa ating mga kabataan. Marahil ito ay dapat tingnan ng ating mga bagong halal na mga pulitiko sa Kongreso at bigyan ng nararapat na atensyon kung talagang nasa puso nila ang pagmamahal sa bayan at sa kinabukasan ng ating mga kabataan.

Subalit kahit sa mga bayan at lungsod, problema pa rin ang kakulangan ng mga guro. Kaya parang normal na lang na ang isang klase ay mayroong mga 60 hanggang 80 na mga estudyante. Sa ganito kadaming mga bata na i-manage at turuan sa classroom, we can imagine kung ano ang epekto nito sa kalidad ng edukasyon at kung gaano kabigat ang challenge sa isang guro na maaaring mag-isip na lamang na huwag na magturo. Ang tanong tuloy ng marami, nasaaan ang ating mga guro at kinukulang ang dami nila?

Well, kung ating titingnan mukhang sapat naman ang dami ng mga nagtatapos sa pagtuturo at pumapasa sa Teachers Board Examination. Ang problema, mukhang marami sa mga ito ang nae-engganyo na pumasok sa ibang trabaho katulad halimbawa sa mga Call Centers o di kaya ay sa office work. Kasi nga naman, maliban sa pareho lang naman ang suweldo o di kaya ay baka mas mataas pa, lesser ang challenges sa oras at sa kaisipan na dapat ibubuhos sa mga ganitong trabaho kaysa pagtuturo.

Bilang teacher, ang responsibilidad ay hindi nagtatapos sa paglabas ng classroom sapagkat nandiyan lagi ang pressure bilang modelo ng tama at maayos na pamumuhay na dapat ipakita sa komunidad. Kaya nararapat lamang na ating bigyan ng tamang kabayaran ang ating mga guro sa pamamagitan ng pagbigay ng mas mataas na pasuweldo na angkop sa level ng paghihirap na ibinibigay ng mga ito bilang isang teacher.

Nabanggit natin ang pagtaas ng suweldo bilang solusyon sa kakulangan ng mga guro. Nararapat lamang kung ating ninanais pigilan ang marami nating mga teacher na umalis ng bansa upang maging OFWs.

Sa akin okay lang ang pagiging OFWs ng mga teachers kung sila ay mangingibang bansa upang magturo din. Subalit ang mangibang bansa upang maging isang domestic helper - at marami tayong kaso ng mga teachers na nagre-resign sa pagtuturo upang maging domestic helper sa ilang bansa - ay isang napaka-demeaning na desisyon.

Of course, malaki ang kikitain kung ikukumpara sa sahod ng isang public teacher dito sa atin subalit malaki din naman ang risgo na magkaproblema. Mahirap tanggapin na ikaw na nagsi-sigaw-sigaw sa mga estudyante ay siyang sinisigaw-sigawan ng iyong dayuhang amo at lalo na kung ikaw ay gawing laruan sa kama ng mapagsamantalang head of the family.

Sa records ng DOLE the vast majority ng mga OFWs na nagkakaroon ng problema overseas lalo na iyong mga naglalayas sa trabaho at na-stranded ng matagal na panahon na hindi kanais-nais na mga sitwasyon ay mga domestic helpers. Kaya sa ating mga teachers, pwede ang mag-OFW, but please huwag naman bilang isang domestic helper. Hindi lang naman pera ang nagbibigay kahulugan sa ating buhay.

Ang pangatlong mabigat na problema sa edukasyon ay ang kakulangan ng mga classrooms o ang pagpapaayos ng mga nasirang classrooms dahil sa mga kalamidad. Mahirap ang mag-aral sa ilalim ng puno ng kahoy o sa mga tent at ni walang blackboard. Kulang na nga sa mga libro at ilang pang mga pasilidad ay lalo pang pinasisidhi ng kawalan ng maayos na classrooms.

Lagi na lamang, taon-taon ang problemang ito na nagbibigay ng hindi magandang impression sa ating bayan at sa uri ng ating pamamahala. Sana ang mga pulitiko ay bigyan ng tunay na pagpapahalaga ang problemang ito at ang kanilang mga CDFs at iba pang mga pondong hawak ay ilaan sa pagpapatayo ng mga classrooms lalo na sa mga rural areas.

At sana ay huwag ng pagkaperahan pa ang pagpapatayo ng mga classrooms at nang marami ang maipatayo kahit na ba limitado ang pondo.

Noong ako ay nasa Department of Labor and Employment pa, nagkaroon kami ng classroom-building program sa tulong ng ating mga OFWs at ilang mga local organizations ng mga businessmen. Kami ay nakapagpatayo ng marami-rami ding classrooms sa mga probinsya and at a cost lower than what the government normally spends per classroom. At ang aming mga naipatayo ay may mga toilets pa.

Marahil, ang ating mga tagasubaybay na mga OFWs ay maisipang mag-umpisa ng classroom-improvement o building programs sa kanilang mga probinsya. After all, mayroon naman tayong mga overseas organizations o mga samahan habang nasa ibang bansa na kadalasan ay base sa ating lengguwahe o dialect o di kaya ay sa probinsyang ating pinanggalingan.

Other than just the social activities we go into, pag tayo ay nagi-get together, bakit hindi natin bigyang emphasis ang ating komunidad sa Pilipinas at ang mga pangangailangan nito katulad ng kakulangan ng mga classrooms.

We know our kids are in good schools because we can afford the tuition, subalit papaano naman iyong mga bata na walang classrooms at hindi nakakapag-aral ng maayos. At ang ilan dito ay mga anak ng ating mga kamag-anak at mga kaibigan. Let’s think how we can help improve the classrooms in our respective towns and barrios.

Maraming salamat sa inyong patuloy na pagsubaybay.