Tubbataha: Kandidato Sa New Seven Wonders Of Nature

Posted at 04/02/2008 6:00 PM


Ni ABNER P. MERCADO
ABS-CBN News correspondent


Mula sa Puerto Princesa Palawan ang paglalakbay sa bangka o dive boat patungo ng Tubbataha Reef National Marine Park ay mahigit siyam na oras, depende sa hagupit ng hangin at kapag panahon pa ng habagat umaabot ng labingdalawang oras ang biyahe.


Noong March 26 alas otso ng gabi ay naglayag ako sakay ng Minerva ang research boat ng WWF Puerto Princesa Palawan patungo ng Tubbataha. Si Angelique Songco, ang Park Superintendent ng Tubbataha Marine Park ang nanguna sa ekspedisyon.


Inimbitahan ako ni Songco para matuklasan ang angking kaganadahan ng Tubbataha. Hindi ito ang unang pagkakataong nagtungo ako ng Tubbataha. Nooong 1997 nang una akong maglayag patungo ng Tubbataha.


Alas kuwatro ng umaga pagkatapos ng kalmadong paglalakabay narating namin ang Tubbataha. Naghintay pa kami ng pagbubukang liwayway, sa pangalawang pagkakataon narating ko ang ipinagmamalaking Mecca Diving Capital ng bansa. Matatagpuan sa pusod ng Sulu ang Tubbataha.


Sagana sa isda at corals


Jacks o TalakitokSagana sa pangisdaan ang Tubbataha nang sumisid ako sa ilalim nito at nakita ko ang mga kawan ng Jacks o Talikitok, Hump Head, may mga pawikan din gaya ng Olive Ridley at Hawksbill, marami ding rays na matatagpuan dito. Marami ding endangered na Napoleon Wrasse o Mameng, ito yong uri ng isda na ilegal na hinuli ng mga inarestong mangingisdang Tsino noong Disyembre 2006.


Malawak at makulay din ang mga corals na maaaring pumantay sa Great Barrier ng Australia. Noong 1993 idineklara ang Tubbataha ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization o UNESCO bilang World Heritage Site. Ngayon isa na naman ang talaan na nais nitong masungkit na maglalagay sa mapa ng mundo para mapabilang sa new seven wonders of nature.

Napoleon

Para sa lahat


"Isipin mo na lang ang prestige the whole world will hear, ano ba yang new seven wonders of nature, natural site. Isipin mo yong hatak niyan sa turismo," ayon kay Songco. Umaapela siya sa mga Pilipino na suportahan ang Tubbataha para mapabilang sa New Seven Wonders of Nature.


"To rally all Filipinos for a common cause kasi itong Tubbataha Marine Park ay hindi lang sa Palaweño but to all Filipinos and to all others to be able to protect marine are," sabi ni Governor Joel Reyes ng Palawan sa kaniyang pahayag nang makapanayam ko sa Kapitolyo sa Puerto Princesa bago ako tumulak ng Tubbataha.


Botohan sa Internet

Iboto ang Pilipinas

Online o sa Internet ang botohan, kailangang mag-log on sa www.new7wonders.com para makaboto. Kinakailangang maglista ng pito para mabilang ang boto.


Mahigpit ang mga katunggali ng Tubbataha tulad ng Mt. Everest sa Nepal, ang Grand Canyon sa United States of America ang ilan sa mga nangunguna sa talaan. Ang Tubbataha ay nasa ikadalawamput isang posisyon na. Samantalang dalawa pang natural sites ng Pilipinas, gaya ng Chocolate Hills sa Bohol at Mayon Volcano sa Kabikulan ang nasa short list din ng mga kandidatong mapabilang sa New Seven Wonders of Nature.


Makabubuting iboto ng mga Pinoy ang tatlong panlaban ng Pilipinas para maging malakas ang pag-asang makakapasok ang alinman sa tatlong natural sites ng bansa.


Kampanya para sa Tubbataha

Hawksbill turtle

Isang research boat na lulan ng mga dayuhang diver mula Amerika at Inglatera sa pangunguna ni Allan White, isang marine scientist, ang inakyat ko habang kami ay nasa Tubbataha. Ikinampanya ko ang Tubbataha para suportahan ito. Si White ay nakabase sa Honolulu at kasal sa isang Batanguenya na si Evangeline kaya hindi ako nagtaka na nasa puso nito ang pagsuporta sa Tubbataha.


"We’ve been passing out the vote cards to volunteer divers and I believe a number of them will vote for Tubbataha," pahayag ni White sa tanong ko kung makakaasa ako ng kanilang boto kahit sila’y mga dayuhan.

Humphead

Apat na araw ang inilagi ng aking paglalakbay sa Tubbataha bago muling nakabalik sa Puerto Princesa, mauga ang pakiramdam nang lumapag kami muli sa lupa, hindi agad mawala ang hilo dahil sa nagdaang apat na araw ay sa barko lang ng WWF kami natutulog.


Pero sulit ang paglalakabay. At hangad ko na mapabilang at maitala ang Tubbataha bilang New Seven Wonders of Nature. Sa 2010 pararangalan sa Lisbon, Portugal ang mahihirang na New Seven Wonders of Nature.