Ex-cop namaril sa Maynila; 2 sugatan

Posted at 03/11/2010 7:37 AM | Updated as of 03/11/2010 7:37 AM

MANILA, Philippines - Dalawa katao ang sugatan sa pamamaril ng isang dating pulis sa Sta. Mesa, Manila Huwebes ng madaling araw.

Nagte-text pa habang naglalakad sa labas ng kanilang bahay si Nicolas Atienza sa Barangay 598 sa Sta. Mesa nang tamaan ng bala malapit sa kanang tainga.

Tinamaan naman ng bala ang isang menor de edad na babae sa pamamaril.

Kinilala ng pulisya ang suspek na si Roberto Tolentino alyas Berting, isang dating kawani ng Western Police District (dating tawag sa Manila Police District).

Mabilis na ini-report ni Atienza sa istasyon ng pulisya ang pamamaril lalo't kilala umano niya si Atienza dahil malimit niyang makita ang suspek sa kanilang barangay.

"Kilala ko siya. Nakikita ko siya sa barangay," ani Atienza.

Habang ginagamot ang mga biktima, naglunsad ang pulisya ng manhunt laban sa suspek na kaagad ding naaresto.

Nakuha kay Tolentino ang isang sumpak at balang ginamit sa pamamaril. May nakuha rin sa kanya ang mga pulis na marijuana at shabu.

Bukod sa pamamaril, kakasuhan din ang suspek ng kasong illegal possession of dangerous drugs at paglabag sa election gun ban. -- Ulat ni Francis Faulve, ABS-CBN News


Bookmark and Share