Matandang lalaki patay sa bus sa Pasay

Posted at 03/16/2010 8:43 AM | Updated as of 03/16/2010 8:43 AM

MANILA, Philippines - Patay ang isang matandang lalaki matapos mabundol ng isang pampasaherong bus sa EDSA extension sa lungsod ng Pasay, Lunes ng gabi.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, pasampa na sa center island sa southbound lane ng EDSA extension, kanto ng Roxas Boulevard, ang matandang lalaki nang salpukin ng isang yunit ng Elena Bus Liner na may plakang TXF 971 bandang 11 p.m..

Nakilala sa pamamagitan ng kanyang senior citizen's ID ang biktima na si Efren Langrio, 60 anyos at residente ng Kalayaan Avenue sa Barangay West Rembo sa Makati City.

Walang pedestrian lane sa naturang lugar at bawal tumawid ang mga tao.

Ayon sa mga testigo, nakikipagkarera umano ang naturang bus sa isa pang pampasaherong bus nang maganap ang insidente.

Itinanggi ng drayber na si Sonny Bugayan na nakikipagkarera siya.

"Hindi totoo 'yan. Mabagal ang patakbo ko. Nagulat lang ako tumawid siya," ani Bugayan.

Sa lakas ng pagkakabundol, tumilapon ang biktima 10 metro ang layo mula sa bus. Patay na nang dalhin sa ospital ang matanda.

Kulungan ang bagsak ni Bugayan at sasampahan siya ng kasong reckless imprudence resulting in homicide.

Samantala, tatlong pasahero ng Don Mariano Transit Bus ang nasugatan nang tumagilid ang bus sa southbound lande ng Macapagal Boulevard sa Parañaque City nito ring Lunes ng gabi.

Rumampa sa railings ang bus at sinuyod ang barandilya ng tulay.

Aminado naman ang drayber ng bus na si Angelito Abobo sa kanyang kasalanan. Kwento niya, nakatulog siya habang nagmamaneho dahil 24 oras na umano siyang nasa kalsada. Ulat mula kay Dominic Almelor, ABS-CBN News at radio dzMM


Bookmark and Share

2 comments

walang disiplina

Maraming bus drivers ang walang disiplina, makasarili at walang pakialam sa ibang tao. minsan di pa nakakababa ang pasahero pinapatakbo na agad ang buds dahil sa pakikipag unahan sa pag pick up ng pasahero. kung mabagal ang takbo nya di titilapon ng ganon kalayo ang kawawang matanda, ke may predestrian lane o wala, dapat pahalagahan nila ang buhay ng ibang tao. dapat lang syang makulong!

blessed_wife

abusado

walang disiplina mga drayber ng bus. ang pagdradrayb ay di lang pagpatakbo ng sasakyan kundi "ETHICS" sa driving ang importante. Di na nakakapagtaka, bulag nga nakakakuha ng lisensya e. sampahan ng kaso at ikulong mga abusadong drayber.