2 patay sa pamamaril sa QC
MANILA, Philippines - Dalawa katao, kabilang ang isang babae, nang pagbabarilin ang sinasakyan nilang tricycle sa Barangay Pinyahan, Quezon City, Martes ng gabi.
Kinilala ni Police Officer 3 Joselito Gagaza ng Quezon City Police District (QCPD) ang mga nasawi na sina Mary Ann del Rosario, 16 at Joel Acaya.
Ayon kay Gagaza, pasahero si Del Rosario habang backrider naman si Acaya ng tricycle na minamaneho ng kaibigang si Manolito Murillo.
Ihahatid sana nina Acaya at Murillo ang babae sa isang botika nang pagbabarilin sila ng hindi pa nakikilalang salarin sa kahabaan ng Malakas Street.
Agad na namatay ang dalawang biktima at sugatan ang driver na si Murillo at isang tambay.
Sinabi ng mga nakakita sa mga imbestigador ng QCPD na sakay ng isang motorsiklong may plaka na IT 1744 ang salarin.
Hinihinala naman ng mga imbestigador na si Acaya ang malamang na puntirya ng salarin dahil sa umano'y matinding atraso ng biktima, na itinanggi namang idetalye ng mga pulis.
Inaalam na ng mga awtoridad kung kanino nakarehistro ang motorsiklong gamit ng salarin. -- Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News