Mag-asawa, nabubuhay sa latak ng rugby sa 'Kalye'Â
Hindi lang mga bata sa kalsada ang nabubuhay sa solvent o rugby. Ngayong Lunes ng gabi, Marso 2, kilalanin ang mag-asawang Ursula at Cesar Unabia na umaabot pa ng Bulacan makakuha lang ng tira-tirang rugby sa ulat ni Atom Araullo sa “Kalye: Mga Kuwento ng Lansangan."
Paglalatak ang trabaho ni Ursula at Cesar. Sa pagsimot at pag-ipon at hindi sa pagsinghot ng rugby sila nakakatawid ng gutom sa araw-araw.
Si Cesar ang siyang tagapagkolekta ng gamit na lata ng rugby mula Pateros patungong Taguig at Bulacan sakay ng kaniyang pedicab Samantalang si Ursula naman ang nagsasalin ng tirang rugby sa mga bote para muling ibenta. Araw-araw sa rugby umiikot ang buhay nila.
Sa kabilang dako, mga street sweeper mula sa “Out of School Youth Serving Towards Economic Recovery Program” o “OYSTER” ng Philippine National Police naman ang nakilala ni Sol Aragones sa kaniyang paglilibot sa Metro Manila.
Mahirap man ang kanilang trabaho, malaki ang pasasalamat nila sa programa dahil kahit walang natapos ay may hanapbuhay silang maituturing.
Pagbubuhat ng mga kilo-kilong gulay naman ang trabaho ni Carmen, isang lolang kargador na naksabay ni Anthony Taberna. Sa edad na limapu’t lima, tinitiis na lang niya at ng mga kasamahan ang hirap sa pagbubuhat ng mabibigat na gulay para dalhin sa mga puwesto ng mga tindera sa Balintawak.
Para makakain ang pamilya, hindi inda ng mga lolang kargador ang bigat na pinapasan nila.
Alamin ang iba’t ibang buhay ng mga tao sa lansangan kasama nina Anthony Taberna, Sol Aragones, at Atom Araullo sa “Kalye,” Lunes, Marso 2 pagkatapos ng “Bandila” sa ABS-CBN.