Paglubog ng ‘Princess’ isinisi sa kapitan ng barko
Suspendihin ang Sulpicio Lines -- ito ang inirerekomenda ng Board of Marine Inquiry sa kanilang report kaugnay ng imbestigasyon sa paglubog ng M/V Princess of the Stars. Sa nawawalang kapitan ng barko naibubunton ang sisi sa nangyaring trahedya.
Base sa resulta ng imbestigasyon, malinaw na nagkamali daw ng kalkulasyon ang nawawalang kapitan ng barko na si Florencio Marimon Sr. kaya lumubog ang barko sa karagatan ng Romblon. Naglayag ang barko sa pier ng Maynila kahit nakataas na ang public storm signal number 2 sa dadaanan nitong ruta papuntang Cebu. May papanagutan din umano ang mga opisyal ng Sulpicio dahil hindi nito napigilan ang kapitan na maglayag.
Sanhi ng pagbagsak ng C-130 sa Davao inaalam pa rin
Hindi pa alam kung ano ang sanhi ng trahedya sa pagbagsak ng C-130 cargo plane ng Philippine Air Force noong Lunes ng gabi. Puspusan ang paghahanap ngayon sa eroplano at sa mga lulan nito. Pero umaasa pa rin ang Air Force na may makikita pang mga palatandaan ng buhay.
Pero sa baybayin ng Barangay Lapu-Lapu sa Agdao, nakakuha ang ilang residente ng tila katawan ng tao na pinadpad sa baybay-dagat. Nang matagpuan ang mga nagkalasog-lasog na mga katawan, kabilang ang ilang ID ng Air Force, hindi na nagdalawang-isip ang mga residenteng nagmula ito sa bumagsak na C-130 plane.
MILF itinangging sila ang dumukot sa miyembro ng peace panel
Itinatanggi ng tagapagsalita ng MILF na mga kasapi nila ang pumatay sa dinukot na Sgt. Roger Emben na miyembro ng GRP-MILF peace panel. Sabi ni MILF spokesperson Eid Kabalu, imposibleng mga kasamahan niya ang pumatay kay Emben. Iginagalang daw ng mga miyembro nila sa Maguindanao si Emben. Pero para asawa ni Emben, mas importante ngayong mabawi na niya ang bangkay ng kanyang asawa.
Kumander Jakiri, arestado ng PNP
Tuloy rin ang pagtugis sa mga MILF kumander na may mga nakabinbing warrant of arrest, ayon sa PNP. Kinumpirma ng PNP na nahuli na si Kumander Ismael Akmad Jakiri na kilala rin bilang Saafar at alias Kumander Tiger Jakiri. Naaresto si Jakiri noong Lunes sa General Santos City. Wanted siya sa pagdukot sa Koreyanong si Jae Kwon Yoon at hotel owner na si Cesar Belonio noong Pebrero 2002. Walang inirekomendang pyansa para kay Jakiri.
Sanggunian Panlalawigan ng Pampanga suportado ang recall laban kay Gov. Panlilio
Suportado na rin ng Sangguniang Panlalawigan ng Pampanga ang recall petition laban kay Governor Ed Panlilio. Pero panawagan ni Panlilio, maghinay-hinay ang mga nananawagan para patalsikin siya sa pwesto at alamin muna kung ano ba talaga ang problema sa lalawigan.
Meralco: Pinag-iinitan kami sa isyu ng refund
Pinag-iinitan daw sila, ito ang tingin ng Meralco kung bakit kinasuhan pa rin ng Department of Justice ng syndicated estafa ang mga opisyal nila. Hindi lang naman daw kasi sila ang pinayagan ng Energy Regulatory Commission na maningil ng meter deposit noon. Isa pa, nakatakda na nilang i-refund ang deposito ng mga customer para sa pagpapakabit ng mga kuntador.
Mga atleta mula sa Olympics nagsiuwian na
Nagsimula nang magsiuwian ang mga atleta, opisyal at miyembro ng media mula sa Beijing Olympics. Naging mainit naman ang pagtanggap ng mga kababayan nila sa mga atletang sumabak sa Olympics.
Mga kabataang Pinoy nakasamang umawit si Jackie Chan sa China
Bigo man ang mga atleta nating makapag-uwi ng medalya mula sa beijing Olympics, isang grupo ng mga kabataang mang-aawit ang nagpatunay na pagdating sa kantahan, pang-Olympics pa rin ang mga Pinoy. Napili pa silang kinatawan ng Pilipinas sa "The World Sings for Olympics" concert kasama si international superstar Jackie Chan.
02/14/2012 2:21 AM
02/14/2012 2:17 AM
02/14/2012 2:15 AM
02/14/2012 2:14 AM






