Bandila, Miyerkules, Agosto 27, 2008
Bandila, Miyerkules, Agosto 27, 2008
08/28/2008 12:03 AM

Bumagsak na C-130 di pa rin makita
Hindi pa rin nakikita ang bumagsak na C-130 kahit maghapong nang sinuyod ang karagatan ng Davao.

Sa Pakiputan Strait, may nakita noong Martes na parang tagas ng langis mula sa bumagsak na C-130 kaya ginalugad ito ng Task Force C-130 noong Miyerkules. Pinasisid pa ang mga diver para hanapin ang bumagsak na eroplano pero nahirapan sila. Hindi kaya ng kanilang mga diving equipment ang mahigit 800-talampakang lalim ng dagat.

Dahil dito, nag-aerial survey na lang ang task force. Mula sa ere, naghanap ng bakas na maaring naiwan ng eroplano. Pero wala rin silang nakita. Kaya nagtanong-tanong ang mga taga-Air Force sa mga nakatira sa Barangay Limao sa Samal Island na nakakita nang bumagsak ang eroplano. Pero pagdating sa itinurong lugar, wala ding nakita.

Aminado na ngayon ang task force na posibleng walang nakaligtas sa trahedya. Masyado raw kasing malakas ang pagbagsak ng eroplano. Ang naghahanap na lamang daw sila ng labi ng bumagsak na eroplano. Sa Huwebes itutuloy ang paghahanap sa bumagsak na C-130.

Mga kaanak ng crew ng C-130, umaasang buhay pa sila
Tiniyak ng Air Force ang mga kaanak ng nawawalang crew nang bumagsak na C-130 ng Air Force sa Davao na hindi sila pababayaan.

Taga-Cebu ang karamihan sa crew, kaya sa Mactan Benito Ebuen Airbase sila nagtipon-tipon para makibalita. Si Air Force chief Lt. Gen. Pedrito Cadungog mismo ang nag-asikaso sa kanila.

Pero hindi napigil nito ang paghihinagpis ng mga kaanak ng nawawalang crew. Kaya kahit anumang tangkang pakalmahin sila, may naiiyak habang nagdarasal, may hinimatay. Isinailalim sila sa counselling ng Air Force psychiatrist.

Sa Nueva Ecija, malakas ang kutob ng kapatid ng pilotong si Ma. Manuel Zambrano na buhay pa ang kaniyang kuya. Bilib si Bernadette sa abilidad ng kapatid na batikang piloto ng Air Force. Kaya, nag-aasam pa siyang buhay pa si Major Zembrano.

Bansag na ‘widow makers’ sa mga eroplano ng PAF, di raw tama ayon sa militar
"Widow makers" at "flying coffins" -- nabuhay na naman ang mga bansag na ito sa mga eroplano at chopper ng Air Force. Bukod sa tatlong malalaking aksidente, nagtala pa ng apat pang minor accidents ang Air Force noong isang taon. Ang bumagsak na C-130 noong Martes ang tanging aksidenteng naitala ngayong taon.

Pero sa kabila nito hindi raw dapat sisihin ang mga sasakyang panghimpapawid ng Air Force ang nangyari. Bagamat aminado ang Air Force na may kalumaan na ang kanilang mga eroplano at helicopter, hindi naman daw ito problema kung inaalagaan lang ang mga ito.

Sa susunod na taon, bilang parte ng capability upgrade ng Air Force at upang palakasin ang kanilang air fleet na matagal nang napabayaan, nakatakdang bumili ng walong brand new utility aircraft at 14 na attack helicopter ang Air Force.

Suportado naman ng mga senador na bigyan ng karagdagang pondo ang Air Force para mapalitan na ang mga nasira at mga bumagsak nitong eroplano. Mahirap din daw siguruhin sa ngayon kung ano nga ba ang dahilan ng pagbagsak ng C-130.

Pero, hindi naniniwala si Sen. Juan Ponce Enrile na sinabotahe ito. Kaya, tingin ni Senador Rodolfo Biazon, mabuti pang hintayin na lang na matapos ang imbestigasyon.

Mga diplomat nag-aalala na sa kaguluhan sa Mindanao

Nag-aalala na rin ang diplomatic community sa bansa sa bakbakan ng MILF at militar sa Mindanao.

Sa loob lang ng sampung araw na bakbakan sa pagitan ng militar at MILF sa Mindanao, 187 na ang naiuulat na namamatay! Mahigit 300,000 na ang lumikas at nagsisiksikan ngayon sa mga evacuation center. Marami sa mga evacuees ay nagkakasakit na.

Kaya naman, pati ang mga embahada at mga international organization dito sa bansa, nababahala na rin. Tanong ng mga diplomat: kailan matatapos ang labanan? Nangangamba sila para sa mga nadadamay.

Nagpaliwanag naman sa international community ang gobyerno. Uubusin daw muna nila ang grupo nina Kumander Umbra Kato, Bravo at Pangalian na sinaabing nagpasimuno ng gulo. Sila ang itinuturong nagmasaker ng walang-kalaban-labang mga sibilyan at nanunog ng mga bahay.

Ang nilinaw ni Gen. Alexander Yano: walang "all-out-war" laban sa MILF.  Masyado raw magastos ito at maaring abutin ng P1 bilyon.

PGMA binatikos ang media, pero nangakong tutulungan ang media killings
Kinundena ni Pangulong Gloria Arroyo ang pagpatay sa mga mamamahayag, pero binatikos niya muna ang tinatawag niyang pang-aabuso ng mga taga-media sa press freedom.

Sa pagdalo ni Pangulong Arroyo sa ika-100 arnibersaryo ng Philippine Free Press, ‘di niya naiwasan na ikumpara ang media ngayon at ang media sa panahon ng kanyang amang si dating pangulong Diosdado Macapagal.

Kung noon raw ang media na tulad ng Philippine Free Press ay tumutulong pa sa pagsusulong ng kanyang ama ng kontrobersyal na land reform, sa panahon niya ngayon bugbog siya ng batikos ng malayang media. Hindi rin maiwasan ng Pangulo na magpasaring sa mga aniya’y tila umaabuso sa kalayaan sa pamamahayag.

Kahit naman idinadaing ng Pangulo ang tila "unfair treatment” sa kanya ng media, kinokondena naman niya ang pagpatay sa mga mamamahayag. Inutos din ng Pangulo na isama sa Witness Protection Program ang mga testigo na magtuturo ng mga utak sa pagpatay ng mga mamahayag.

Kakulangan sa pondo isyu sa bigong paglaban sa Olympics

Kulang sa pondo -- ito ang isa sa itinuturong dahilan ni Philippine Sports Commission chairman Butch Ramirez kung bakit wala man lang naiuwing medalya ang mga atletang Pinoy na sumabak sa Beijing Olympics.

Ayon sa batas, limang porsyento ng gross income ng Pagcor ang dapat mapunta sa PSC. Kaso, ilang taon na itong hindi nangyayari. Magkaiba raw kasi ng computation ang PSC at Pagcor sa kung magkano talaga ang dpat mapunta sa sports program.

Kaya nasisiyahan ang PSC sa balak ng Senado na imbestigahan ang naging performance ng RP Team sa Olympics. Sabi ni Ramirez, kung gusto natin ng world champions, dapat bigyan ng world class training ang mga atletang Pinoy.

Ngunti kahit walang naiuwing medalya mula sa katatapos na Beijing Olympics, dapat pa rin salubungin bilang mga bayani ang ating mga atleta. Wala ring sinisisi si Ramirez at inaako ang pagka-bigo nilang makapag-uwi ng medalya.

Tambalan sa TV at libro, binuhay sa ‘Sagala ng mga Sikat’

Bilang pagunita sa buwan ng pambansang wika, naiibang sagala ang itinanghal sa Ateneo de Manila University-- ito ang Sagalahan ng mga Sikat! Sa pamamagitan daw ng sagala ay maimumnulat ang mga kabataan sa kahalagahan ng ating wika.

Naiiba ang sagala na tinampukan ng mga kilalang tauhan sa panitikan at telebisyon. Ang tema ngayong taon: mga sikat na tambalan! Karamihan sa mga umeksena sa sagala ay mga karakter mula sa ibat-ibang palabas sa telebisyon.

Naroon din ang mga kilalang tauhan sa mga librong Pilipino gaya nina Malakas at Maganda at Donya Consolacion at Victorina ng Noli me Tangere.

Sumali din sa sagalahan ang TV host-actress na si Rica Peralejo at ex-PBB teen housemates Robi Domingo at Mikee Lee. Nagkakaisa sila na mahalaga ang papel ng mga kabatan para masigurong hindi makalimutan ang wikang Pilipino.