Bandila, Huwebes, Agosto 28, 2008
Bandila, Huwebes, Agosto 28, 2008
08/29/2008 12:01 AM

Bakbakan tuloy kahit sa Ramadan, ayon sa Palasyo
Maraming nananawagan para sa isang ceasefire sa gulo sa Mindanao ngayong papasok na ang buwan ng Ramadan. Pero, sabi ng Malacañang, hindi ititigil ang labanan. Hindi raw hahayaang gamitin ng mga pasaway na MILF kumander ang Ramadan para matakasan ang batas, at bubuhusan na lang raw ng tulong ang mga naapektuhan.

Buwan ng pag-aayuno at paglilinis ng kaluluwa ang Ramadan para sa mga Muslim, at kadalasan ay nagkaka-ceasefire kung saan may gulo. Kaya, kinundena ng MILF ang desisyong ito ng Palasyo.

Nagbabala din ang Muslim scholar na si UP professor Julkipli Wafi ng UP Asian Center na maaring magbunsod ito ng jihad o holy war. Baka lalo lang raw maghinanakit ang mga Muslim dahil manhid ang gobyerno sa kanilang relihiyon.

Pero, hindi lamang ang mga MILF na sangkot sa karahasan ang pananagutin  ng gubyerno kundi pati mga vigilante groups na gaya ng Ilaga, na nagdeklarang gaganti sila. Labag raw sa batas na mag-armas ang sibilyan kahit pa may karapatan silang ipagtanggol ang sarili nila.
 

Sabotahe di dahilan ng pagbagsak ng C-130 sa Davao, ayon sa PAF
Tuloy ang search and retrieval operations para sa bumagsak na C-130 sa karagatan ng Davao. Natagpuan na ng Task Force Hercules ang fuselage o katawan ng eroplano sa lalim na 600 talapakan sa ilalim ng dagat.

Naghahanap na ng mga kagamitan para makuha ito at mapag-aralan. Wala pa ring linaw ang dahilan ng pagbagsak ng C-130 noong Lunes ng gabi. Pero tiniyak na ng Air Force na hindi sinabotahe ang C-130.

Tuloy naman ang pagdadalamhati ng mga kaanak ng nawawalang crew ng bumagsak na C-130. Ang iba'y patuloy na umaasang may nakaligtas pa. Ang iba nama'y hinihintay na lamang na mahanap ang labi ng kanilang mga mahal sa buhay.

Emosyonal din si Air Force chief Lt. Gen. Pedrito Cadungog nang humarap sa media . Masama raw ang loob niya sa ilang komentarista at kolumnistang nilalait ang Air Force. Hinamon niya pa ang sinumang magtatangkang tawagin ulit na flying coffins at widowmakers ang kanilang mga eroplano at chopper.
 

Mga ari-arian, sibilyan damay sa tangkang pagnakaw sa Makati
Nagtapos sa Mandaluyong ang engkwentro ng mga pulis at mga hinihinalang holdaper na manloloob sana sa isang bangko sa Makati. Ang siste, sa nangyaring palitan ng putok, may mga nadamay na inosenteng sibilyan at kanilang mga ari-arian.

Ilang kabahayan ang nagkaroon ng mga matinding sira dahil sa bakbakan ng mga pulis at mga suspek. Ang mga bata naman sa isang eskwelahan sa Reanto Lopez, nataranta at nagka-trauma dahil nagtago pa rito ang mga tinugis na holdaper.

Kanina, nagpunta sa Makati Police ang mga Pulis Cainta. Hinala kasi nila, ang mga nagtangkang mangholdap kanina sa Makati ay sila ring nangholdap naman sa isang armored van sa Cainta noong August 20.

Isang maroon na Tamarraw FX din daw kasi ang ginamit na getaway vehicle ng mga suspek noon na nakarehistro sa isang residente ng Imus, Cavite.  Inaalam rin na kung kanino nakarehistro ang mga ginamit na baril ng mga suspek.

 

Miriam tinawag na “utak pulgas” ang Comelec sa isyu ng political ads
Tinawag na “utak pulgas” ni Senador Miriam Santiago ang mga taga-Comelec. Hindi raw kasi ina-aksyunan ang petisyon niya kontra sa sa mga kakandidatong ngayon pa lang ay may mga advertisement na. Itinuturing niya itong maagang panga-ngampanya lalo't na't malayo pa ang 2010 presidential elections.

Sabi naman ng Comelec, wala silang nakikitang nilabag na batas ng mga pulitikong nag-mistulang modelo sa commercials at billboards. Sabi ng tagapagsalita ng Comelec, kahit na tinitira sila, wala silang sama ng loob sa senadora.

Kinukuwestyon na rin ni Santiago ang pag-tatalaga kay retired Justice Jose Melo bilang hepe ng Comelec. Sabi niya, mukhang nagkamali ang Pangulo.

 

Taumbayan maaaring sumalo sa gastos ng mga kandidato dahil sa bagong batas
Sa 2010 National Elections, posibleng magamit na ng mga pulitiko ang pera ng taumbayan sa pagtustos sa byahe ng kandidato, posters at banners, gastos ng headquarters pati bayad sa mga tauhan.

Ang dahilan: pumasa na kasi sa ikatlong pagbasa sa Kamara noong Miyerkules ang House Bill 3655, na layong palakasin ang political party system. Sa ilalim ng panukala, popondohan ng kaban ng bayan ang gastos ng malalaking partido pulitikal.

Pero umaalma ang ilang mambabatas ng oposisyon. Pangamba ng oposisyon, makikinabang na naman ang administrasyon dito. Mas malaking pondo kasi ang matatanggap ng partido na mas maraming myembro sa kongreso. Kaya sa 2010, mako-corner na naman daw ng mga maka-administrasyon sa kamara ang pondo.

Bwelta naman ng mga kongresista sa mayorya, huli na ang pagtutol ng mga taga-oposisyon dahil naipasa na ang panukala.

Sa Lunes hihingi ng reconsideration ang minorya sa kamara para bawiin ang pagpasa ng panukala. Dapat anila'y hindi ratsadahin ang panukala na maglalaan sa pera ng taumbayan para sa pangangampanya.

 

Mga Olympians pinarangalan ng kani-kanilang bansa
Instant celebrity ang atletang si Rohullah Nikpai ng Afghanistan. Siya ang kauna-unahang atleta na nakapag-uwi ng medalya para sa bansa. Naka-bronze medal si Nikpai sa taekwondo. Libu-libong Afghan naman ang dumagsa sa National Stadium para bigyan ng hero’s welcome si Nikpai.

Samantala, binigyan din ng Philippine Sports Commision at ng Philippine Olympic Committee ng welcome ceremony ang mga Pinoy athletes na sumabak sa Beijing Olympics.

Dumalo rin ang boksingerong si Harry Tañamor at ang wushu team sa pangunguna ni Willy Wang na naka-gold medal sa demonstration sport.