Bandila, Biyernes, Agosto 29, 2008
Bandila, Biyernes, Agosto 29, 2008
08/30/2008 6:14 AM

Korte Suprema diniretso ng Palasyo
Diniretso na ng Malacañang ang Korte Suprema hinggil sa kanilang naunsyaming Memorandum of Agreement on Ancestral Domain sa MILF.

Kinumpirma na ng Palasyo ang sinabi ni Solicitor-General Agnes Devanadera sa Korte Suprema na hindi mapipirmahan ang nasabing kasunduan.

Nilinaw na rin ng Palasyo na hinihintay nila desisyon ng Korte Suprema at babaguhin na ang diskarte sa peace talks.

Nagpahayag naman sa pamamagitan ng telepono ang MILF na pag nagkataon ay posibleng mauwi ito sa gulo. Pinaninindigan nilang walang mali sa panukalang kasunduan at umaasa pa rin silang maiiwasan pa rin ang gulo.

Ayon sa MILF, iispin na lamang daw nila ang susunod nilang hakbang kapag pormal na silang napasabihan sa desisyon ng gobyerno.

Dahilan sa pagbasak ng C-130 ng PAF ‘di pa rin tiyak
Hindi pa rin tiyak kung ano talaga ang dahilan kung bakit bumagsak ang C-130 ng Philippine Airforce sa Davao Gulf noong Lunes. Hindi pa kasi nasisilip ang fusilage o katawan ng eroplano na iaahon pa mula sa dagat.

Nasa lalim itong anim na raan hanggang walong daang talampakan at hindi kaya ng kagamitan ng Armed Forces.

Sa Sabado, dadating na ang barkong USNS McDonnel ng Amerika. May gamit ito para masisid ang bumagsak na eroplano.

Nauna nang ni-rule out ng investigating team ang pananabotahe sa mga dahilang ng pagbagsak ng C-130. Isinantabi na rin nila ang environmental factor.

Dagdag nila, hindi raw kasi basta-basta babagsak ang C-130 kahit tamaan ng kidlat. Bukod dito walang bagyo noong Lunes.

Kaya naman anila, dalawang anggulo na lang ang iimbestigahan nila: human error o equipment failure.

Pag-amenda sa Konstitusyon ‘di daw dapat ikabahala
Hindi dapat ikabahala ang gagawing pag-amyenda sa konstitusyon sakaling natuloy ang pirmahan ng memorandum of agreement sa Malaysia noon. Ito ang sabi ng constitutionalist na si Fr. Joaquin Bernas sa isang forum tungkol sa MOA sa Ateneo Professionals School.

Sakaling natuloy ang pirmahan at kailanganging baguhin ang Konstitusyon para umakma sa MOA at international law gaya ng sinabi ni Justice Adolfo Azcuna sa Supreme Court oral arguments.

Sasalain pa rin ng kongreso ang pag-amyenda at posibleng mabaril pa ito.

Hindi na rin umano bago sa mga usapang pang-kapayapaan sa iba't-ibang bahagi ng mundo ang mga mungkahi na baguhin ang saligang batas ng isang bansa o lumabis dito para makamit ang kapayapaan sa isang bansa.

Sa huli, dagdag ni Bernas, ang MOA ay isa lamang papel na pwedeng seryosohin o pwede rin namang isantabi.


4 na sundalo kinuyog ng mga estudyante

Nabugbog ng mga estudyante ng PUP ang apat na intelligence officers ng AFP nang umano’y mahuli nila ang mga itong “nagmamanman” ng kanilang kasamahan. Tuloy, napasugod ang PNP-SWAT sa naturang unibersidad para sagipin ang mga sundalo.

Sa security office ng PUP, nandoon ang apat na military intel na sina Jacob Sta. Maria, Nestor Estoesta, Emmanuel Belmonte at si Jerry Alfon na nabugbog ng mga estudyante.

Nang maabutan ng mga pulis, nakabantay ang mga estudyante sa labas ng security office at tinututukan ang mga “huling” sundalo.

Anila, may rali daw sila kaninang umaga sa loob ng unibersidad nang mapansin nila ang apat na military intel na umaali-aligid sa kanila.

Nang kumprontahin daw nila, nagsipagtakbuhan ang apat kaya nila hinabol.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang kapitan ng Philippine Army na rumesponde para sa apat na sundalo.

Nagtangkang manloob sa UCPB hinihinalang Kuratong Baleleng-Ampang Colangco
Hinihinalang myembro ng Kuratong Baleleng at Ampang Colangco group na naka-base sa Ozamis City, Misamis Occidental ang mga nagtangkang mang-holdap ng UCPB branch sa JP Rizal, Makati noong Huwebes.

Ayon sa PNP, sila rin ang nasa likod ng pagtangay ng pera sa armored car ng China Bank Market Market Branch noong Hulyo, sa Cainta noong August 20, at panghoholdap ng UCPB E-Rodriguez Branch sa Quezon City noong isang taon.

May miyembro ang grupo na magmamanman ng bangkong hoholdapin. Kapag may natukoy na saka luluwas mula misamis ang mga titira sa bangko.

Napag-alaman ng PNP na lumuwas mula Ozamis ang napatay na suspek na ang tunay na pangalan pala ay Jimmy Espina na gumamit lang ng pekeng media ID.

Sa mga larawan, nadiskubre ng pulis na tadtad ng tatoo ng larawan ni Hesukristo at mga dasal sa wikang Latin ang katawan ni Espina. Nakuha rin sa kanya ang sari-saring anting-anting, orasyon at mga bato.

May anting-anting ding gamit ang mga holdaper dati na napatay ng Pulis Makati noong Hunyo.