Pangingikil posible raw motibo sa pagsabog sa Digos
Bantay-sarado ngayon ang Digos City Terminal na isinara dahil sa pagpapasabog sa Davao Metro Shuttle 2:45 ng hapon Lunes.
Kararating lang ng bus sa terminal para magbaba ng pasahero nang sumabog. Anim ang namatay kasama ang isang buntis na namatay sa Davao del Sur Provincial Hospital. Dalawampu't pitong pasahero at mga by-stander ang nasugatan, na tinamaan ng shrapnel at nagtamo ng paso.
Sinisisi ng PNP ang driver at conductor ng pinasabog na bus. Galing sa Davao City ang bus, at tingin ng PNP, imposibleng makapagpasok ng bomba doon dahil mahigpit ang seguridad ng PNP sa terminal sa Davao City. May mga pulis ding nakatutok sa Digos terminal.
Kaya, hinala ng PNP, ang naglagay ng bomba ay pasaherong pinik-up sa daan. Ipinagbabawal na ito mula nang unang pasabugin ang Metro Shuttle bus noong Hulyo 24 kung saan dalawang pasahero ang namatay. Extortion o pangingikil ang pangunahing motibong kinu-konsidera ng mga awtoridad.
JDV-Villar sa 2010, niluluto na
Sa pagreretiro sa pulitika ni Pangasinan congressman Jose de Venecia sa 2010 elections, nagpahayag na ang kaniyang kampo na kungdi ang asawang si Gina de Venecia, ang anak na si Joey ang magmamana ng trono ni JDV sa pulitika.
Binatikos naman ni Gabriela party-list representative Liza Maza ang paglabas ng panibago na namang political dynasty.
Kumanidato man siya o hindi, ang tiyak ni Gina de Venecia: hindi na sila magiging magkakampi uli ni Pangulong Arroyo. Ang balak nilang suportahan: si Senate President Manny Villar. Dati nang panukala ni JDV ang kowalisyon ng Partido Lakas at Nacionalista Party para si Villar na ang maging pambato nila sa 2010 presidential elections.
Kanina, ibinunyag ng asawa ng Senate President na si Las Piñas representative Cynthia Villar na panahon na lang at magsasanib na ang dalawang partido, at, nagpahiwatig na rin siyang handa na sila para sa 2010 elections
TB, isa sa mga nangungunang sanhi ng kamatayan sa Pilipinas
Pumanaw na si Mang Pandoy, ang naging simbolo ng kahirapan noong panahon ni dating pangulong Fidel Ramos, sa sakit na tuberculosis. Sakit ng mahirap kung bansagan ang tuberculosis, at kahit simple lamang ang paggamot dito, isa pa rin ito sa itinuturing na top killer diseases ng mga Pilipino.
Mahigit 50 Pilipino ang namamatay sa sakit na TB araw-araw. Pang-anim ito sa killer disease sa Pilipinas, at sa bawat 1,000 Pilipino, apat ang may TB. Pang-siyam na ngayon ang Pilipinas sa 22 bansa sa buong mundo pagdating sa dami ng mga may TB.
Ayon kay Dr. Elizabeth Cadena ng Quezon Institute, hindi namamana ang tuberculosis at mali din daw ang mga paniwala kung paano nahahawa dito. Ang sobrang exposure sa Mycobacterium tuberculosis ay nagpapahina sa resistensiya, at mas madaling kumalat ito sa hangin.
Ayon sa Department of Health malaki ang naging pagtaas ng TB cases sa bansa. Banta ng mga eksperto kung hindi seseryosohin ang pagsugpo sa sakit na ito, bawat araw sampu ang pwedeng tamaan ng TB.
Malacañang, nilinaw ang dagdag-sahod ng mga kawani ng pamahalaan
Isinama sa panukalang budget para sa 2009 ang dagdag-sahod para sa mga kawani ng gobyerno. Maraming kritiko ang umalma sa bali-balitang madodoble rin ang suweldo ng Pangulo, pero nilinaw ito ng Malacañang.
Imbes na dagdagan ng suweldo dapat mag-soli sa kaban ng bayan ang Pangulo, ayon kay Senador Panfilo Lacson. May mga kongresista din na kumonkontrang bigyan ng umento ang Pangulo at iba pang matataas na opisyal. Insulto daw dito sa maliliit na empleyado.
Ipokrito naman ang tingin ni Sen. Joker Arroyo sa mga tumututol sa dagdag-sahod gayung kakarampot lang talaga ang kanilang sinusuweldo. At, ang talagang nakakainsulto, sa tingin niya, ay ang kakatiting na sahod ng Pangulo.
Sa Miyerkules na sisimulan ang debate sa 2009 budget, at, maraming nagsasabing dadaan ito sa butas ng karayom bago makalusot sa Kongreso.
"First Lady" ng radyo na si Tiya Dely, pumanaw na
Sumakabilang-buhay na ang tinaguriang First Llady ng Philippine radio na si Fidela Magpayo, na mas kilala ng mga tagasubaybay niya bilang "Tiya Dely." Halos 70 taon siyang namayagpag sa ere at naging takbuhan ng mga namomroblema sa buhay, sa pag-ibig man o sa pamilya.
Nang maibalik sa mga Lopez ang ABS-CBN pagkatapos ng EDSA revolution, isa si Tiya Dely sa mga batikang taga-radyo na sumahimpapawid sa dzMM. Pagkaraan ng ilang taon, bumalik siya sa himpilan kung saan siya nagsimula-- sa dzRH.
Nagawaran na ng prestihiyosong Pama-as Gintong Gai mula sa National Commission for Culture and the Arts, at ang Gawad Plaridel at Lifetime Achievement Awards mula sa Kapisanan ng mga Broadkaster ng Pilipinas at Rotary Club of Intramuros si Tiya Dely.
Kahit halos 87, patuloy siyang nakasalang sa mikropono. Noong Sabado, isinugod siya sa Manila Doctors' Hospital nang ma-stroke pagkatapos ng kaniyang programa. Pasado alas-sais ng gabi Lunes tuluyan nang nagpaalam si Tiya Dely.
Mga luto ng Pinoy master chef, patok sa mga atleta sa Olympics
Wala mang nakuhang medalya sa Beijing Olympics ang Pilipinas, kakaibang parangal naman ang iniuwi ng isang Pinoy dahil sa galing na ipinakita niya sa pagluluto.
Higit pa sa mga medalyang ginto kung idisplay ni chef Ryan Jaranilla ang sari-saring pin na uwi niya galing sa katatapos lang na Beijing Olympics. Bigay ito ng mga atleta mula sa iba’t ibang panig ng mundo na nabusog at natuwa sa mga pagkaing inihanda ni Jaranilla bilang senior executive chef sa pandaigdigang palaro.
Bukod sa pagkunsidera sa relihiyon at kaugalian ng mga atleta, isinaalang-alang din ng grupo ni Chef Ryan ang pangangailangang pang-nutrisyon ng mga atletang lumahok sa kumpetisyon. Sa lahat naman ng pagkaing inihanda ni Chef Ryan, panalo sa mga atleta ang kanyang adobong baboy, vegetarian pancit salad na may tofu, at ang kanyang inimbentong Philippine creme brulee na may sorpresang sangkap – mangga!
Sa susunod na linggo nakatakdang parangalan ng Senado si Jaranilla, na tubong Barotac Nuevo, Iloilo at nagtapos sa UP Los Baños.
02/14/2012 2:21 AM
02/14/2012 2:17 AM
02/14/2012 2:15 AM
02/14/2012 2:14 AM






