Bandila, Martes, Setyembre 2, 2008
Bandila, Martes, Setyembre 2, 2008
09/02/2008 11:52 PM

Petron wala raw kooperasyon sa aksidente sa Bataan refinery
Hindi maisantabi ng pulis Bataan ang anggulo ng gas leak sa Petron refinery na ikinamatay ng engineer na si Anthony Jed Reyes kahapon at naglagay sa kritikal na kondisyon kay Engr. Nicolo Balonzo.

Naiulat na nakalanghap sina  Reyes at Balonzo ng hydrogen sulfide---isang nakalalasong gas na ginagamit sa pag-refine ng petrolyo. Pero agad iginiit ng Petron na hindi nagka-gas leak sa planta.

Idinadaing din ng PNP na nahihirapan sila sa imbestigasyon dahil hirap daw silang makuha ang kooperasyon ng Petron. Kaya sa Miyerkules, pormal nang susulatan ng PNP ang Petron para obligahin ang kompanyang magsumite ng statement ng mga tao nila.

Pero sabi ng Petron management, hindi totoong hindi sila nakikipag-cooperate sa PNP.

Pulis: Grupong Al Khobar may pakana ng pambobomba sa Digos
Kinumpirma ng Davao del Sur PNP na ang grupong Al Khobar ang may pakana ng pagpapasabog sa Metro Shuttle Bus sa Digos City terminal noong Lunes.

Pareho kasi ang ginamit na pampasabog sa naunang pambobomba sa Metro Shuttle Bus noong Hulyo 24 na kagagawan din Al Khobar group.

Lumalabas sa imbestigasyon ng Davao del Sur police na dalawang lalaki ang naglagay ng improvised explosive sa loob ng bus noong Lunes.

Bumaba ang dalawa ilang metro bago makarating ang bus sa Digos City terminal.

Operasyon ng military pinababawasan ngayong simula ng Ramadan
Pinababawasan na ang pambobomba ng militar sa ginagawang pagtugis sa tatlong MILF kumander na sina Bravo, Umbra Kato at Pangalian. Batay ito sa guidelines na inilabas ni AFP chief Alexander Yano bilang paggalang sa paggunita ng Ramadan ng mga Muslim.

Pero, nilinaw ng AFP na hindi ibig sabihin nito ay magkakaroon na rin ng tigil-putukan. Kung kailangan daw magkabombahan, gagawin pa rin ito ng militar para mahuli ang tatlong MILF commander.

Kaya naman, hindi kuntento ang imam ng Muslim Centre sa Quiapo sa solusyon ng militar. Para sa kanya, meron pang mas mainam na solusyon sa problema sa Muslim Mindanao. Ganito rin ang tingin ni UP professor Julkipli Wadi ng Institute of Islamic Studies.

Pero ngayon pa lang, tinabla na ng gobyerno ang panawagang ito. Sabi ni defense secretary Gilbert Teodoro, dapat munang mag-disarma ang MILF bago makipagnegosasyon ulit ang gobyerno.

May-ari ng baril na pinaglaruan ng bata, iimbestigahan
Hustisya ang sigaw ng pamilya ng 14-taong-gulang na si Ana Mae Agadang, na namatay nang aksidenteng mabaril ng kanyang kaklase sa Zamboanga City noong Linggo.

Nabaril ni Rose sa mata ang kaklase niyang si Anna Mae nang paglaruan niya ang baril na nakita nila sa cabinet ng ama ng isa pa nilang kaklase na si Winalyn Lapinig.

Menor de edad at hindi pwedeng kasuhan ang nagsisisi nang si Rose. Pero ayon sa Pro Gun Society, dapat panagutin sa nangyari ang ama ni Winalyn. Nalabag kasi nito ang batas sa tamang pagtatago ng baril.

Sa pamantayan ng mga gun society sa Amerika at iba pang bansa, dapat ikinakandado ang mga baril at inilalagay sa lugar na hind maabot ng mga bata. Hindi rin dapat ito kinakargahan ng bala kapag itinatago na. Ganito rin ang paninindigan ng ina ng biktima.

Multi-drug resistant TB, mas mahirap ang paggamot
Marami ang mga nagpapagaling sa Kasaka o Kabalikat Sa Kalusugan na ang may multi-drug resistant tuberculosis o MDR. Mas mahal na at madalang ang nabibilhan ng gamot para sa MDR.

Sa Tropical Disease Foundation, isang NGO, libre na ang lahat para sa mga pasyente, mula kwarto, gamot at hangang sa kanilang pagkain. Umaabot din ng hanggang P200,000 ang gastos ng foundation sa bawat isang pasyente. Pero wala pa ring katiyakan na matatalo nito ang Mycobacterium tuberculosis.

Seventy-five percent ang nakaka-survive sa mga MDR patients. Karaniwang nagkakaroon ng multi drug resistant TB dahil sa hindi tuloy-tuloy na pag-inom ng gamot.

Madaling makahawa ang TB, pero kung maagapan ay madali rin itong nagagamot ngayon. Kailangan lang na huwag ikahiya ang sakit na ito at regular na magpa-check-up sa duktor at uminom ng gamot.

101 patay na pawikan, nakumpiska sa Palawan
Patong-patong at patay na ang 101 pawikan nang makita ng otoridad. Mga endangered species na bawal hulihin, pero sa malas ay nabiktima sila ng 13 mangingisdang Vietnamese na hinuli din ng mga awtoridad ng Palawan kamakailan lamang. 

Nanghina sa galit at lungkot ang mga taga-Pawikan Conservation Project nang makita ang mga patay na pawikan. Hindi umano madaling magpalaki ng pawikan. Sa isang daang itlog, isa lang dito ang lumalaki at nagkakaanak. Dalawampu't lima hanggang 50 taon ang hihintayin bago marating ng pawikan ang kanyang sexual maturity. 

Sa kabila naman ng walang tigil na kampanya ng otoridad, walang tigil ang mga panghuhuli ng pawikan sa karagatan ng bansa.  Ang karne kasi nito ay kinakain ng mga dayuhan, ang shell naman ay ginagawang palamuti tulad ng suklay, purselas, hikaw at maging mamahaling jewelry case. Ang pinatigas na pawikan ay nilalako ng hanggang P30,000.

Pero kapalit naman ng kaunting kita ang nakakatakot na pagkaubos ng populasyon ng mga pawikan na nakakaapekto sa balanse ng kalikasan.

Gov. Padaca at CARD-MRI, wagi sa 2008 Ramon Magsaysay Awards
Dahil sa kanyang matagumpay na pagpursiging turuan ang mga kababayan na umahon sa kahirapan at mapakinggan ang kanilang boses, napili si Isabela Gov. Grace Padaca bilang 2008 Ramon Magsaysay Awardee for government service. Ang kanyang determinasyon na pakilusin ang kababayan para kumalas sa kontrol ng lumang pulitika ay hindi nabalewala.

Pinarangalan din ang Pinoy non-government organization na nagpapautang sa mahihirap - ang Center for Agriculture and Rural Development - Mutually Reinforcing Institutions o CARD-MRI.

Sina Padaca at CARD-MRI -- simbolo ng bagong pag-asa para sa maraming Pinoy na nagsisikap umangat sa buhay.