Pagdating ni Bolante sa Pilipinas, inaabangan ng maraming kampo
Marami nang nag-aabang na makabalik si dating agriculture undersecretary Joc-joc Bolante, lalo na ang mga mambabatas na gusto siyang gisahin tungkol sa fertilizer fund scam.
Inaasahan pa nga lang na pababalikin na siya ng Pilipinas sa loob ng tatlong buwan matapos ibasura sa ikatlong pagkakataon ng Court of Appeals ng Amerika ang petisyon niya para sa asylum.
Bukod sa mga pasabog na maaaring ilabas niya sa imbestigasyon sa fertilizer fund scam at sa swine scam, may nagsasabing lalakas ang anumang impeachment complaint laban sa Pangulo kapag nagbigay ng testimonya
Binabalewala naman ito ng Palasyo, at hindi pa sumusuko ang kampo ni Bolante. Balak pa nilang iapela ang petisyon niya sa korte sa Amerika na tatlong beses nang natatabla.
DOE, hinikayat ang mga motoristang magpagasolina muna sa ibang kumpanya ng langis
Hindi pa sumusunod ang tinatawag na “big three” sa rollback ng maliliit na kumpanya ng langis.
Kaya, panawagan ng samahan ng mga driver: i-boykot ang tatlong higanteng kumpanya. Ayon sa mga transport groups, kung kaya ng mga maliliit na player na magtapyas ng presyo walang dahilan kung bakit nagpapatumpik-tumpik pa ang Shell, Caltex, at Petron.
Giit ng mga motorista, sa malinaw na paghupa ng presyo sa world market, mahiya naman daw ang mga dambuhalang kumpanya ng langis kung di pa nila tatapyasan ang presyo ng petrolyo.
Suhestyon naman ng Department of Energy – magpagasolina muna ang mga motorista sa mga kumpanyng nag-rollback na habang inaabangan kung may balak pa ang “big three” na mag-rollback.
Pagsibak kay Esperon hiniling ng ilang mambabatas
Hindi raw sapat ang pagbuwag ng Pangulo sa GRP peace panel ni presidential adviser Hermogenes Esperon, na sinisisi ng iba sa kaguluhan sa Mindanao. Sa katunayan, may humihiling na sibakin si Esperon! Pero sabi ni Esperon hindi pa tapos ang kaniyang trabaho.
Iginagalang naman ni MILF peace panel chairman Mohagher Iqbal ang pagbuwag sa government peace panel. Pinawi niya ang pangambang magbubunod ito ng panibagong paglusob ng MILF.
Sabi ng Palasyo, hindi nila tuluyang isusuko ang peace process sa Mindanao. Kailangan lang daw nila bumuo ng peace panel na mas nakakaramdam ng tunay na pulso ng mga maapektuhan.
Pulis hinihinalang pulitika motibo sa ambush kay Batanes Gov. Castillejos
Pulitika ang tinitingnan motibo ng mga pulis sa tangkang pagpatay kay Batanes Governor Telesforo Castillejos.
Kinokondena ng pamilya Castillejos ang pananambang sa gobernador Wala raw kasi sa kultura ng mga Ivatan ang pagiging marahas. Katunayan, isa sa ipinagmamalki ng Batanes ang kanilang zero crime rate.
Pero ayon sa PNP, kahit zero crime rate sa Batanes, mainit naman ang politika sa lalawigan.
Dahil sa insidente, todo higpit na ang seguridad sa ospital kung saan naka-confine ang mga biktima, pati na rin sa bahay ng pamilya Castillejos sa Parañaque.
Gov. Panlilio, nakakuha ng suporta mula sa labas ng Pampanga
Kung pinepetisyong matanggal ng mga kababayan niyang pulitiko si Pampanga Governor Ed Panlilio, dinadamayan naman siya ng mga namumuno sa ibang 1probinsya.
Kasama sa kanila sina Ramon Magsasay awardee at Isabela governor Grace Padaca at Mayor Sonia Lorenzo ng San Isidro, Nueva Ecija. Ipinagmalaki ni Governor Panlilio na marami pa ang darating.
Kinokontra ng mga supporter ni Panlilio ang petisyon para sa recall electon. Pero banat ni Candaba mayor Gerry Pelayo: hindi dapat nakikisawsaw sa usapin sa Pampanga ang mga local officials ng ibang probinsiya.
Sabi pa ni Gov. Padaca, aalamin nila kung paanong paran ang makakatulong kay Gov. Panlilio para sa pagharap niya sa pinaplanong recall elections.
Kakulangan ng budget, dahilan ng patuloy na paglaganap ng TB
Mahigit sampung taon na ang nakalipas at imbes bumaba ang bilang ng mga may TB, dumoble pa ang bilang nila. Ayon kay dating Department of Health secretary Jaime Galvez-Tan, ang maliit na budget sa mga nakalipas na taon ang salarin.
Ngayong taon lumaki ng 45 percent ang kabuuan budget ng DOH. Mula P12 billion ay naging P25 billion na ang budget sa kalusugan. Para sugpuin ang sakit na TB malaki rin ang inilaang pondo para dito.
Taong 2015 pa ang target ng DOH para bumaba o tuluyang masugpo ang TB sa Pilipinas.
Sampung libong guro, balak kunin ng DepEd
Sampung libong bagong public school teachers ang kukunin ng para sa susunod na pasukan, at balak pang itaas ang kanilang mga suweldo. Pero duda dito ang mga estudyante ng edukasyon, dahil na rin sa kakulangan ng budget ng DepEd.
Sa ngayon, mas mababa pa ang P12,000 na suweldo ng public school teacher sa sahod ng call center agent na kumikita ng P15,000 hanggang P20,000, o ng domestic helper sa Hong Kong at Singapore na kumikita ng P18,000.
Kahit na mababa ang sahod, may mga gusto pa rin na maging teacher. Kaya kung walang gagawin ang gobyerno para mahikayat ang mga magti-tiser, baka maubos ang mga nagtuturo sa mga pampublikong paaralan.
02/14/2012 2:21 AM
02/14/2012 2:17 AM
02/14/2012 2:15 AM
02/14/2012 2:14 AM






