Bandila, Huwebes, Setyembre 4, 2008
Bandila, Huwebes, Setyembre 4, 2008
09/05/2008 12:26 AM

Jun Lozada, dismayado sa desisyon ng SC sa 'executive privilege'
Kung ano ang sigla ng testimonya noon ni ZTE star witness Jun Lozada  sa Senado, siya namang panlulumo niya nang malaman ang desisyon ng Korte Suprema na hindi na puwedeng pasagutin si dating NEDA secretary Romy Neri sa detalye ng usapan nila ng Pangulo sa kontrobersyal na ZTE broadband deal.

Sabi ni Lozada, hindi na malalaman ang katotohanan sa ZTE broadband deal. Pero, naniniwala si Lozada na hindi pa tapos ang laban at hindi nauwi sa wala ang kanyang mga sakripisyo.

Wala siyang balak umalis ng Pilipinas, itutuloy pa rin niya ang pag-iikot sa mga eskwelehan, at wala siyang balak gayahin ang kapuwa ZTE witness na si Joey de Venecia na nagbabalak kumandidato. Sabi ni Lozada, hindi siya magpapalamon sa sistema ng gusto nilang mabago.

Malimutan man daw siya at matabunan ang isyu, ang mahalaga: napatunayan niyang may kayang manindigan para sa katotohanan.

Rollback ng ‘big three’ tuloy na sa Sabado
Sumunod na rin ang “big three” sa pisong rollback kada litro ng petrolyo na inumpisahan ng maliliit na kumpanya. Biyernes ng hatinggabi uumpisahan ang pagbabawas ng presyo ng Petron, Shell at Caltex. Kapag naipatupad na, aabot na ng P5.00 ang ibinababa ng gasolina at diesel.

Pero bitin pa ang mga jeepney driver at operator. Sa susunod daw na makikiusap ng rollback ang Malacañang sa mga oil company, laki-lakihan at wag pa-piso-piso lang. Humihirit sila ng P9.00 bawas-presyo sa diesel.

Nagbabanta pa ang Piston ng nationwide na transport strike kapag hindi nagtuloy-tuloy ang rollback. Sabi nila, hindi pa kayang magbawas ng pasahe. Bukod daw kasi sa diesel, malaki na rin ang itinaas ng ibang gamit sa pamamasada.

Sabi naman ng LTFRB, magkakaroon lamang ng rollback sa pasahe kung may magpepetisyon. Kaya umapela na lamang sila sa konsensya ng mga bawat operator at driver ng jeepney.

Dagdag-singil sa kuryente, posibleng madagdagan pa
Bukod sa dalawang sentimong dagdag sa generation charge ng Meralco, posible ring ihabol ang dagdag-singil sa kuryente dulot ng nasira kasi ang substation ng TransCo kaya naipit ang daloy ng kuryente patungo sa Meralco kaya nagmahal ang presyo.

Sa paunang kwenta ng mga otoridad, piso kada kilowatthour ang magiging dagdag singil sa mga consumer ng Meralco. Sakaling maipatupad, P100 dagdag ito sa singilin ng mga gumagamit ng 100-kilowatthours kada buwan.

Sa tindi ng implikasyon, pinulong agad ng Department of Energy ang mga kinatawan ng TransCo, spot market, Meralco at iba pang eksperto. Aminado si Sec. Angelo Reyes na sapol dito ang mga consumer pero sisikapin daw nilang mabawasan ang naka-ambang dagdag-singil.

Kinumpirma ng Meralco na ipapasa nga sa consumer ang halagang mapagkasunduan na posibleng ikarga agad sa darating na bill ng kuryente ngayong Setyembre. Anuman ang mapagkasunduang halaga, kailangang aprubahan muna ito ng ERC.

Kongreso balak taasan ang pondo ng DOST
Kung may banta ang mga kongresista na tatapyasan ang hinhinging budget ng gobyerno, nagkakaisa naman sila na dapat dagdagan pa ng pondo ang DOST.

Nagulat ang mga kongresista na P5.4 billion lang ang budget na hinihingi ng DOST, mas lumiit kumpara noong isang taon at barya lang kung ihahambing sa budget ng ibang ahensya.

Kasama na dito sa pondo ang para sa Philvocs at Pag-asa na kailangan ng P200 milyon para mabigyan sila ng kakayahang maglabas ng weather bulletin kada tatlong oras, imbes na anim na oras, lalo na kung may bagyo.

Tanong ng mga kongresista, hindi ba't ibinibida ng Pangulong Arroyo kamakailan na dapat gawing prayoridad ang siyensa at teknolohiya?

Sa huli, nagkasundo ang mga kongresista na hindi dapat baratin ang DOST kung gustong nitong makipagsabayan sa mayayamang bansa.

4 na ABS-CBN talent arestado sa shabu session
Apat na sub-contractor ng ABS-CBN ang arestado habang nagsa-shabu session sa Quezon City.

Nahuli sa aktong nag sa-shabu ang apat na kalalakihan na nakilalang sina Teodoro Mejia, Salip Al-Ryan Pulalon, Rodolfo Sagum at Renzi de la Cruz. Napag alamang mga suspek ay sub-contractor ng ABS-CBN.

Timbog din ang may ari ng bahay na si James Cajigal.

Naglabas naman ng opisyal na pahayag ang ABS-CBN hingil sa insidente. Anila, hindi kontrolado ng network ang anumang gawain ng mga empleyado nito sa labas ng opisina at oras ng trabaho.

Nangako naman ang management na iimbestigahan ang insidente.

May paraan pa rin para makatipid ayon sa mga financial experts
Ayon sa ilang financial analyst, kaya pa nating makapag-ipon para maging masagana kahit papaano ang ating Noche Buena sa kabila ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin.

Sabi ng isang financial adviser, mayroon daw tayong hidden wealth na mapipiga pa rin sa ating kinikita.

Ilan sa paraan ng pagkuha ang hidden wealth ay ag pagtitipid sa pagkain sa pamamagitan ng pagbabaon. Pwede rin daw makatipid sa pamasahe sa pagsakay sa jeep imbes na mag-taxi.

Pero anila, mas maganda kung hindi lang tuwing magpapasko mag-iipon para may magagasta pag talagang nangailangan.