Bandila, Lunes, Setyembre 8, 2008
Bandila, Lunes, Setyembre 8, 2008
09/08/2008 11:55 PM

State of calamity idineklara sa Maco, Compostela Valley dahil sa landslides
Nagdeklara na ng state of calamity sa bayan ng Maco, Compostela Valley dahil sa dalawang magkasunod na landslide doon. Labing-apat na ang namamatay at inirerekomenda nang lisanin ang isang barangay.

Pasado alas-tres ng hapon noong Sabado, gumuho ang bahagi ng bundok na na nasa barangay noong kalakasan ng ulan. Muling nagka-landslide noong Linggo ng madaling araw.

Gumamit na ng backhoe para mapadali ang paghuhukay. Magdamag pa ring naghahanap ang retrieval teams.

Inilikas na sa kapilya't mga eskwelahan ang mga tao. Inirerekomenda na ng social welfare office na abandonahin na ang barangay Masara. Sinisisi ng mga taga-rito ang talamak na small-scale mining sa trahedya.

ZTE ikinabit naman sa pagmimina sa Mt. Diwalwal
ZTE-Diwalwal scandal ang bansag ni UP law professor Harry Roque sa naungkat na kasunduan sa pagitan ng gobyerno at Tsina.

Ang tinutukoy niya: ang nilagdaan ni Trade Secretary Peter Favila at ng ZTE noong July 12, 2006, kung saan pinapayagan ang ZTE na magmina sa Mt. Diwalwal ng hanggang $1 bilyong na halaga ng ginto. Labag daw ito sa batas.

May dalawang kompanya nag-aagawan sa korte ang karapatang magmina sa Diwalwal nang lagdaan ang kasunduan sa ZTE. Ang masama, hindi inilathala ang aplikasyon ng ZTE na magmina gayung itinakda ito ng batas.

Nitong Sabado, itinanggi ni dating presidential chief of staff Mike Defensor na may nilagdaang kasunduan para makapagmina ang ZTE sa Mt. Diwalwal. Pero lumilitaw sa kopya ng kasunduang hawak ni Roque na pumirma pa bilang testigo si Defensor. Ang depensa ngayon ni Favila, hindi pa pinal ang kasunduan.

Kapag hindi siya nabigyan ng mga dokumento kaugnay ng kasunduan, balak si  Roque na dalhin sa Korte Suprema ang usapin.

Palasyo tiwala kay Chavit bilang deputy NSA
Naging malaking isyu ang pagpuwesto kay dating Ilocos governor Chavit Singson bilang Deputy National Security Adviser. May mga kumukuwestyon sa kwalipikasyon ni Singson at may nagsasabi pang bayad-utang na loob ito ng malakanyang sa isang kaalyado sa pulitika. Pero, tiwala ang Palasyo sa kakayahan ni Singson na magagampanan ang bago niyang trabaho.

Ipinagkibit-balikat naman ni National Security Adviser Norberto Gonzales ang mga balitang papalitan siya ni Singson kinalaunan. Ayon kay Gonzales, hindi man siya kinunsulta sa appointment ng kanyang bagong deputy, sinusuportahan niya pa rin si Singson. Katunayan, pinabibigyan na niya ito ng briefing tungkol sa national security.

Pati si dating national security adviser Roilo Golez naniniwala ring kaya ni Singson gampanan anng kanyang bagong tungkulin.

CHR: Sibilyan na damay sa bakbakan sa Mindanao, dumarami
Dumarami ang nadadamay sa patuloy na pagtugis ng militar sa grupo ni MILF Commander Umbra Kato. Limang bata at isang buntis ang namatay. Ang sinisisi: bomba ng militar.

Inamin ng Air Force na may pinalipad na OV-10 a lugar. Pero itinanggi nilang may dala itong bomba. Machine gun wala daw ang ginamit ng figther plane at mga tinutugis na MILF ang target at hindi ang mga sibilyan.

Dati nang nangako ang militar na iiwasang madamay ang mga sibilyan. Pero base sa record ng Commission on Human Rights, halos 50 na ang nadadamay sa mga bakbakan-- mga tinatamaan ng mga ligaw na bala at bomba. Dahil dito, iimbestigahan raw nila ang AFP at ang mga operasyon nito sa Mindanao.

Gulo sa Mindanao nagpapalala sa human trafficking
Ang giyera sa Mindanao ang tinuturong dahilan kung bakit laganap pa rin ang kahirapan doon. Daang libo ang bilang ng mga naipit sa bakbakan sa Mindanao na napilitang lumikas at umalis ng kanilang mga tahanan.

Kaso: may mga tumatakas sa giyera na nabibiktima naman ng mga human trafficker o yung mga nagpupuslit sa kanila sa ibang bansa nang walang kaukulang dokumento.

Ilan ang pumapayag na maging biktima ng human trafficking para kumita ng pera at makaiwas na rin gulo sa Mindanao.

Ayon sa head social worker ng Visayan Forum Foundation, marami ang mga biktima na kahit bata pa ay pinapatos na ang alok ng mga manlolokong recruiters para lang makaiwas sa giyera sa Mindanao.

‘Double appropriation’ sa C-5 extension kinuwestiyon
Lumilitaw na doble ang inilaang budget para sa C-5 extension road sa 2008 budget. Ito ang kinuwestyon sa Senado noong Lunes.

Galit na galit si Sen. Ping Lacson nang ungkatin kung bakit naglaan ng P200 million ang Department of Budget and Management  para sa President Carlos Garcia Avenue Extension, at meron pang ibinigay ang Kongreso sa 2008 budget na P200 million para sa construction ng C-5 gayong iisa lang ang kalsadang tinutukoy.

Pero pinawi agad ni Budget Secretary Rolando Andaya ang pangamba ni Lacson. Hindi raw nadoble ang pondo para sa kalsada.

Hamon ni Lacson sa Palasyo: kasuhan ang sumabit sa tinatawag na double appropriation. Binalak ng ibang senador na imbestigahan ito para matukoy kung sinu-sino ang may pakana ng tinatawag nilang tangkang panloloko.

Hair grower, inimbento ng Pinoy accountant
Isang dating CPA ang nakaimbento ng herbal hair grower para sa numipis na buhok ng kanyang misis. Anim na taong trial and error si Boy Valencia sa kanyang imbensyon hanggang maperpekto niya ito.

Certified public accountant noon si Valencia sa isang malaking kompanya. Nang magresign sa trabaho, nagnegosyo muna siya ng alahas. Pero, hindi naging maganda ang benta. Kaya makalipas ang 18 taon saka lang niya naalalang ilabas ang naimbentong hair grower.

Pinatest niya sa Research Institute for Tropical Medicine o RITM ang herbal hairgrower niya. Ang resulta? Positibong nakapagpapatubo ulit ito ng buhok.

Ine-export na rin ni Valencia sa Jamaica at Caribbean ang kanyang hair grower. Para kay Valencia, bukod sa pagkakaroon ng sariling negosyo, kaligayahan niyang makatulong sa pamamagitan ng kanyang mga imbensyon.