Bandila, Miyerkules, Setyembre 24, 2008
09/24/2008 11:20 PM
Mga warehouse at tindahan na nagtatako ng gatas mula China iinspeksyunin
Hindi pa tapos ang problema sa pagbabawal sa mga gatas at mga produkto mula sa gatas na made in China. Dahil dito, iisa-isahin na ang mga bodega para matiyak na walang mailulusot na maibenta.
Kahit banned na ang gatas at milk products mula China, nangangamba ang PNP na may mga pasaway na umangkat at magbenta pa rin ng mga ito kahit posibleng nahaluan ng nakalalasong kemikal na melamine. Posible raw itong mai-repack at ibenta.
Wala naman daw problema sabi ng mga tindera dahil pwede daw naman nilang ibalik ang mga ito sa kanilang mga supplier, pero pakiusap nila sa BFAD na maglabas ng listahan ng mga apektadong produkto.
Ayon sa BFAD, tinanggal na ang mga gatas at milk products sa malalaking supermarket at grocery stores. Ang isususnod naman ay raid sa mga bodega tulad ng ginawang pag-iinspeksyon noong namomroblema sa supply ng bigas.
Pero dahil napakarami ng mga tindahan lalo ngung maliliit at mga nasa talipapa, hinihikayat ng mga otoridad ang publiko na i-report ang mga hindi mapigil sa pagtitindi ng mga gatas at milk products na made in China.
Pagpapasuso sa mga sanggol dadami pa
Kung peligro ang nakikita ng marami sa mga gatas mula China, may nakikita rin namang buti ang mga nagsusulong ng breastfeeding.
Tantiya ng iba, dadami ang mga nanay na magpapadede ng anak. Pagkakataon ito para mamulat ang marami na wala nang gaganda at mas ligtas pa sa gatas ng ina.
Dahil dito, balak ng ilang mga ospital na dagdagan ang pinoproseso nilang gatas ng ina.
May bentaheng nakikita ang mga breastmilk advocates sa peligro ng mga gatas mula sa China na nahaluyan ng nakalalasong melamine. Tingin nila: mamumulat ang publiko na wala nang gaganda pa sa gatas ng ina.
Mga akusasyon sa double funding sa Senado lalong dumami
Hindi pa nga naiimbestigahan ang nadobleng pondo sa C-5 extension road project, may panibagong akusasyon na naman laban kay Senate President Manny Villar.
Kinulayan ni Sen. Jamby Madrigal ang motibo ni Villar sa pagtutulak ng mga proyektong C-5 road extension project. Ang tinutukoy ni Madrigal na makikinabang sa mga kalsada ang mga negosyong pabahay ni Villar.
Tinangka ng kapartido ni Villar na si Sen. Alan Peter Cayetano na busisiin ang mga akusasyon ni Madrigal, pero ayaw ng senador magpa-interpellate kaya’t binweltahan na lang ni Cayetano si Madrigal lalo’t tinawag siya nitong “attack dog” ni Villar.
Si Sen. Panfilo Lacson naman na unang kumwestyon sa isyu ng double funding. Napilitan tuloy sumagot bagamat nangako na ito noong hindi papatulan ang dating kaalyadong si Cayetano.
Dalawang oras ring nagbalitaktakan ang dalawang kampo kaya’t ubos na naman ang oras ng Senado. Inawat na sila ng iba pang senador.
DepEd nagsayang ng pera sa mga palpak na proyekto
Milyon-milyong piso ang nasayang sa pondo ng Department of Education, ito ang nadiskubre ng planning and budget department ng Kamara.
Marami raw kasing palpak na proyekto ang DepEd. Base sa pagsusuri ng Commission on Audit, kabilang sa mga proyektong ito ang pagbili ng mahigit P600 milyong halaga ng multimedia equipment na depektibo naman pala.
Nagwaldas din daw ang DepEd ng mahigit P5 milyon sa pagpapagawa ng mga school building sa mga lugar na hindi naman nangangailangan ng eskwelahan.
Pamumudmod ng pera sa mga kaduda-dudang NGO itinigil ng DA
Tigil muna ang pamumudmod ng pera ng Department of Agriculture sa mga NGO at mga foundation. Iimbestigahan muna kung bakit naibigyan ng malaking pondo ang mga grupong hindi naman makita.
Bukod sa hindi makita ng Commission on Audit ang pakinabang sa mga ibingay sa kanilang pera, hindi rin makita mismo ang mga foundation! Merong mga wala namang opisina, meron namang mga hindi nakarehistro sa Securities and Exchange Commission!
Tumataginting na P542 million ang kabuuang perang pinamahagi sa ibat ibang pundasyon nung nakaraang taon lamang.
Pagkatapos masabit din sa swine scam at fertilizer fund scam, aminado ang Palasyo na madaling magamit ang DA ng mga pulitiko. Sa susunod na linggo, inasahang matatapos ang imbestigasyong iniutos ng Malacañang.
Gulf of Aden sa Somalia ipapadeklara nang high-risk area para sa mga tripulante
Walang ban pero ipadedeklara na ng Pilipinas bilang high risk area ang Gulf of Aden. Ito ang lugar sa Somalia kung saan madalas may ma-hijack na barko.
Approved in principle na rin sa Department of Labor and Employment ang pagdodoble ng hazard pay ng mga Pinoy shipping crew na maglalayag sa Gulf of Aden.
Pwede na rin nilang kanselahin ang kanilang employment contract kung ayaw nilang mag-biyahe doon.
Siyamnapu't pitong Pinoy na ngayon ang bihag pa rin ng mga pirata sa Somalia.
Santiago irate over prosecutors anew
02/15/2012 2:01 AM
02/15/2012 2:01 AM
More Pinoys follow heart than mind – survey
02/15/2012 1:59 AM
02/15/2012 1:59 AM
Bicolanos bring smiles to quake victims
02/15/2012 1:55 AM
02/15/2012 1:55 AM
'Unofficially Yours' gets 'B' rating
02/15/2012 1:53 AM
02/15/2012 1:53 AM






