Bandila, Huwebes, Setyembre 25, 2008
09/26/2008 12:02 AM
Milk importers, traders na lalabag sa 'China ban' dadakpin, kakasuhan
Marami raw pasaway at ayaw paawat sa pagtitinda kahit kahapon pa banned na ang mga gatas at milk products mula China. Kaya ang babala ngayon, kakasuhan na ang mga patuloy na mag-i-import at magbebenta.
Sa Divisoria, may mga nagbebenta pa rin ng White Rabbit Candy at Wafer Sticks na made in China. Ayon kay Health Secretary Francisco Duque, wala nang pata-patawad. Kakasuhan na ang mga magmamatigas.
Tinatapos pa ng BFAD ang listahan ng mga produktong ipinatitigil ibenta habang sinusuri kung nahaluan ng nakalalasong melamine o ligtas kainin. Pero simple lang ang payo ng Health Department: iwasan muna ang mga pagkaing mula China.
Tigil na rin muna pati pag-i-import ng mga gatas at milk products mula China. Hindi na mag-bibigay ng import permit ang BFAD. Kaya, ituturing na ang mga itong kontrabando ng Bureau of Customs. Kaya ang babala: kakasuhan ng smuggling ang mga pasaway.
Halos 99 percent ng gatas sa Pilipinas, imported. Base sa talaan ng Customs, sa mga naipaso mula noong Enero hanggang Agosto, dalawang milyon ang galing ng China.
Mga mamimili umiiwas na sa mga produktong gawang China
Kung may mga ayaw paawat sa pagtitinda, marami rin ang mga natatakot nang bumili, pati ibang produkto nadamay na! Napalala pa ang takot ng ibang mamimili ng mga kumakalat na text messages.
Bago lumabas ang direktiba ng BFAD, kumalat na sa e-mail at text ang listahan ng mga produktong dapat umanong iwasan ng mga consumer.
Kaya karamihan sa mga nag-go-grocery, ilag sa mga produktong nakalagay sa text, lalo pa nga't maraming sanggol na ang namatay matapos makainom ng kontaminadong gatas.
Pero hindi na lang sa gatas o produktong may sangkap na gatas nagiging maingat ang mga Pilipinong konsyumer. Sangkaterbang "food products" ang imported sa China kabilang na ilang klase ng de lata.
Aminado pati mga supermarket, natural lang na mangamba ang consumer sa mga may tatak na made in China
M/V Princess of the Stars, napasok na ng retrieval team
Napasok na ng salvage group na Titan at Harbor Star ang lumubog na M/V Princess of the Stars sa karagatan ng Romblon.
Binutasan ang harapang bahagi ng barko para may madaanan ang mga diver.
Pinag-aaralan pa kung paano maiaahon ang mga nakalalasong endosulfan at iba pang kemikal sa lumubog na barko.
Minamadali ang operasyon dahil sa pangambang muli itong matigil dahil sa parating na bagyo.
Nasasayang na pondo ng DepEd nakaapekto sa pagbaba ng achievement scores
Sa nasasayang na pondo ng Department of Education sinisisi ngayon ang pagbaba ng achievement scores ng mga estudyante.
Base kasi sa ulat ng Commission on Audit, mahigit P600 milyon ang ipinambili ng mga depektibong multi-media equipment, habang higit P500 milyon naman ang ipinagpagawa ng mga gusali sa mga lugar na hindi naman nangangailangan ng eskwelahan.
Ayon sa Teachers’ Dignity Coalition, dahil sa kakulangan sa pasilidad at gamit sa eskwelahan, bumababa tuloy ang achievement scores ng halos 60 % sa elementarya at 50% naman sa high school.
Inamin naman ng DepEd na may nasayang ngang pondo. Pero bago pa daw lumabas ang COA report, inaksyunan na nila ang mga ito.
Pangako pa ng DepEd, magsisilbing hamon para sa kanila ang mga nadiskubre ng COA para maitaas ang kalidad ng edukasyon.
Umano’y ‘ghost foundation’ na pinopondohan ng DA, lumutang
Lumutang ang isa sa mga foundation na pinaiimbestigahan kahapon ng malakanyang dahil sa pondong nakuha mula sa GMA program ng Department of Agriculture, ang Antipolo Philanthropy Foundation!
Kaya raw nilang patunayang 80% ng P146 million napunta sa mga magsasaka. Mga lumang address daw ang nakuha kaya wala na talaga sila sa mga naturang lugar. Sila naman ang naghamon sa DA: kausapin mismo ang mga magsasakang natulungan ng foundation!
Gamit ang address na nakasaad sa kanilang SEC registration, sinubukang tuntunin ng ABS-CBN News ang address ng dalawa pang foundation na nakalista sa COA report na nakakuha din ng pondo ng GMA program, ngunit wala rin sa mga naturang address ang mga ito.
Inutos ng Malacañang noong Miyerkules na imbestigahan ang mga NGO at foundation na tumanggap ng pondo mula sa GMA program matapos lumbas sa CPA report na hindi makita ang pakinabang sa ibingay sa kanilang pera at hindi rin makita mismo ang kani-kanilang mga opisina.
Ama ni Gabby Concepcion, natupad ang isang hiling bago pumanaw
Bago binawian ng buhay noong Martes si Rollie Concepcion, ang ama ng aktor na si Gabby Concepcion, natupad ang isang bagay na matagal na niyang inasam-asam – ang makapiling muli ang anak.
Matagal nang iniinda ni Rollie Concepcion ang sakit niya sa puso, at batid na niya na anomang oras ay pwedeng mangyari ang kinatatakutan nila.
Ito rin daw marahil ang pumasok sa isip ni Gabby kaya bago mahuli ang lahat, umuwi na ang anak niya pagkatapos nang 13 taon.
Sa panayam ni ABS-CBN chief correspondent Korina Sanchez kay Rollie Concepcion ilang buwan na ang nakakaraan, maraming magagandang alaala ang ibinahagi niya tungkol kay Gabby. At kahit sa gitna ng mga gulong napasukan ni Gabby sa personal na buhay at career nito, nanatiling nasa likod niya ang ama.
Marahil, masaya nilisan ang mundo lalo't sa mga huling sandali niya ay nakasama niya ulit si Gabby.
Krisis pang-ekonomiya, ramdam na ng mga pamilya ng OFW
Nararamdaman na rin ng pamilya ng mga OFW ang epekto ng pandaigdigang economic crisis.
Kampante si Pangulong Arroyo na hindi maapektohan ng pandaigdigang economic crisis ang Pilipinas dahil sa remittance ng mga OFW. Sabi ng Bangko Sentral: mas mataas pa kaysa $14.44 million na remittance noong 2007 ang inaasahang ngayong Disyembre.
Pero duda rito ang grupong Freedom from Debt Coalition. Apektado raw ng krisis sa Amerika pati mga Pinoy doon. Sa survey ng POEA, sa US galing ang pinakamalaking remittance ng OFW. Pero ngayon, nanganganib rin pati kanilang kinikita.
Umaasa naman ang OWWA na malulusutan ng mga OFW ang krisis. Hindi raw kasi apektado ng bagsak ng ekonomiya ang medical and health care sa Amerika, isang sektor kung saan maraming mangagawang Pilipino.
Senate respects SC TRO on Corona dollar accounts
02/14/2012 2:21 AM
02/14/2012 2:21 AM
Quake victims traumatized
02/14/2012 2:17 AM
02/14/2012 2:17 AM
Love boosts immunity
02/14/2012 2:15 AM
02/14/2012 2:15 AM
Corona lawyers in hot water over bribery claim
02/14/2012 2:14 AM
02/14/2012 2:14 AM






