Bandila, Biyernes, Setyembre 26, 2008
09/27/2008 1:05 AM
56 produktong gatas susuriin ng BFAD
May 56 na produktong may gatas ang susuriin ng Bureau of Food and Drugs (BFAD) kaugnay ng China milk scare. Kabilang dito ang produkto ng ilang kilalang brands.
Kasama sa listahan ang apat na variant ng Anchor Milk, Anlene, dalawang variant ng Anmum, Dutch Lady, dalawang variant ng Jollycow, isang variant ng Klim at M&M, dalawang variant ng Meiji, dalawang variant ng Mengniu, lahat ng milk chocolate bars at candies na gawa sa China, Milkboy, anim na variant ng Monmilk, apat na variant ng Nestle, apat na variant ng Nutri-Express, pati na ang Prime Roast Cereals, Pura Fresh Milk, Snickers, Strawberry Sorbet, dalawang variant ng Wahaha products, pitong variant ng Yili at pati na ang Yinlu Milk Peanut.
Maaari pang madagdagan ang 56 na produktong susuriin ng BFAD. Partial list pa lamang ito.
Mga distributor ng gatas nagbigay-linaw
Nilinaw naman ng Nestle Philippines na hindi ibinebenta sa Pilipinas ang Nestle brands na sinusuri ng BFAD kagaya ng Carnation Calcium plus Nonfat Milk, Chocolate Flavor Ice Cream Cone, Dairy Farm Pure Milk, at Vanilla Flavor Ice Cream Cone.
Tiniyak naman ng Fonterra na siyang namamahagi ng Anmum, Anlene at Anchor na ligtas ang kanilang mga produkto. Gawa raw ang mga ito sa mga sangkap galing sa New Zealand.
Ipinahayag ng Mars Philippines na mataas ang kalidad ng kanilang mga produkto pati na ang M&M's, Snickers, at Dove na ginagawa sa China.
WHO: China nagpabaya sa kaso ng milk scare
Naging pabaya ang China, ayon sa World Health Organization (WHO). Ito raw ang dahilan kung bakit lumala ang ang China Milk Scare.
Disyembre pa lang may mga nagrereklamo na sa Sanlu Group ng China tungkol sa mga gatas nila. Pero walang ginawa ang kumpanya, ayon sa gobyerno ng China
Tingin ng WHO, kung inaksyunan ito agad, naiwasan sana ang pagkalat ng gatas na kontraminado ng nakalalasong kemikal na melamine.
Romblon walang dapat ikabahala sa ‘M/V Princess’
Walang dapat ikabahala ang mga taga-Romblon na nakatira malapit sa pinaglubugan ng M/V Princess of the Stars. Ito ang tiniyak ng task force ng Department of Transportation and Communication.
Base kasi sa paunang survey, nasa maayos na kondisyon pa ang kargamento ng nakalalasong endosulfan sa lumubog na barko. Hindi na muna itutuloy ang paglilikas sa mga taga-Sibuyan.
Bukod sa pag-ahon ng mga kemikal, prayoridad din ang pagkuha sa iba pang bangkay ng mga pasahero.
Isa pang bangkay nakuha sa minahan sa Itogon, Benguet
Narekober na rin ang bangkay ng isa sa dalawang minerong nakita sa gumuhong minahan sa Itogon, Benguet.
Nailabas ng tunnel dakong alas-kuwatro ng hapon ng Biyernes ang bangkay ni Vincent Himmayon.
Hindi pa rin nakikilala kung kanino ang bangkay na narekober naman noong Huwebes.
Ilang bahagi ng Rizal peligroso sa landslide
Sa geo-hazard mapping ng Mines and Geoscience Bureau, natukoy ang mga bulubunduking bahagi ng Rodriguez, San Mateo at Antipolo ay kasama sa mga pinakapeligroso sa landslide, lalo kapag tag-ulan.
Nagbabala rin ang geologist na nag-survey ng lupa sa Barangay Sto. Nino na mas malaking pagguho pa ang pwedeng mangyari sa lupang kinatitirikan ng mahigit 100 bahay doon.
Ayaw naman lumikas ng mga residente dahil saw ala raw silang malilipatan.
Golez ginisa si Bayani sa budget hearing
Ginisa ni Parañaque Rep. Roilo Golez si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Bayani Fernando sa budget hearing ng MMDA sa Kamara.
Kinwistiyon ni Golez ang umano'y nawawalang pondo ng MMDA para sa flood control program ng Metro Manila pati na rin ang mga nakakalat na poster ni Fernando.
Napikon naman si Fernando nang payuhan pa siya ni Golez na hindi nakakatulong sa ratings niya ang pagpapagawa ng poster.
Ayon kay Fernando kabastusan ang ginawa ni Golez.
Tensyon tumaas sa Rizal provincial landfill
Nabalot ng tensyon ang Rizal provincial landfill matapos magkagirian ang mga pulis at mga residenteng hinarangan ang daanan ng mga trak ng basurang magtatambak sana sa landfill.
Galit na pinagtutulak ng mga taga-Rodriguez, Rizal na nagbarikada ang mga pulis na nagtataboy sa kanila. Ilang araw na kasi nilang hinaharang ang mga trak ng basura na magtatambak sa landfill.
Pati ang mayor ng bayan ng Rodriguez na si Mayor Pedro Vuerpo, sumakay sa ibinalandrang trak para hindi na ito matanggal ng mga pulis. Ayaw na ng munisipyo na patapunan ng basura ang landfill.
Anim na taon na daw kasing nalalson ang kanilang bayan.
Pangulong Arroyo humingi ng tulong sa ‘developing nations’
Ipinangako na ni Pangulong Arroyo sa United Nations na mapupuksa ang kahirapan sa Pilipinas pag dating ng 2015.
Gayunpaman, sinabi niyang kakailanganin niya ang tulong ng mga “developing nations” para maisakatuparan ito.
Kasama ang Pangulong Arroyo sa mga pumasok sa kasunduan noong taong 2000 kung saan ikinatha ang tinatawag na Millennium Development Goals.
Puno't dulo nito, ang pagbibigay ng marangal na pamumuhay sa kanilang mahihirap na mamamayan.
Senate respects SC TRO on Corona dollar accounts
02/14/2012 2:21 AM
02/14/2012 2:21 AM
Quake victims traumatized
02/14/2012 2:17 AM
02/14/2012 2:17 AM
Love boosts immunity
02/14/2012 2:15 AM
02/14/2012 2:15 AM
Corona lawyers in hot water over bribery claim
02/14/2012 2:14 AM
02/14/2012 2:14 AM






