Bandila, Lunes, Setyembre 29, 2009
Bandila, Lunes, Setyembre 29, 2009
09/29/2008 11:59 PM

Dalawang minero, maayos ang kundisyon matapos ma-trap sa minahan ng pitong araw
Nang marami na ang nawawalan ng pag-asa, may naligtas pa. Dalawang minero na pitong araw na-trap sa gumuhong tunnel sa Itogon, Benguet ang himalang nailigtas at patuloy na bumubuti ang kalagayan.
 
Wala halos sugat sina Jose Panio Jr. at Antonio Pagulayan, ang dalawang minerong nailabas mula sa gumuhong minahan sa Itogon. Maayos ang kanilang kundisyon pero inoobserbahan pa rin sila ng mga doktor matapos pitong araw silang na-trap sa tunnel
 
Sa level-700 o sa pinakamalalim na bahagi ng minahan na-rescue ang dalawa. Ayon sa kapatid ni Panio na kasama sa search and rescue team, nahirapan silang maghanap sa tunnel. Sobra kasing dilim at halos wala nang makita.
 
Ayon sa mga rescuers, natukoy na rin ang kinaroroonan ng tatlo pang minerong na-trap sa tunnel. Kaya, kung dati'y itinitigil ang search and rescue operation bago dumilin, patuloy pa rin ito ngayong gabi.
 
 
Mga guro pinangakuan ng Kongreso ng dagdag-sahod sa loob ng 5 taon
Sumugod hanggang sa loob ng Batasan ang mga public school teachers na humihingi ng umento. 
 
May 3,000 mga guro sa pampublikong eskwelahan ang sumugod sa Kongreso at nagmartsa hanggang sa plenaryo, at tila hindi naman nasayang ang pagsugod nila.
 
Matapos ang privilege speech ni Cong. Teofisto Guingona III ng Bukidnon tungkol sa salary increase, naipasok agad ito sa Committee on Appropriation. Sa katunayan, wala ni isa mang congressman ang kumontra.
 
Sa ilalim ng panukala ni Guingona, ang dagdag na P10,000 sa sahod ay ibibigay sa loob ng limang taon. P2,000 dagdag sa bawat taon hanggang sa makumpleto ang P10,000 salary increase.
 
Yun nga lang, nasa committee level palang ito at marami pang dadaanan. Pero nabuhayan na ng loob ang mga teacher.
 
 
Paglaan ng kita sa text sa edukasyon at kalusugan, sinuportahan
Marami ang sumuporta sa panukalang ilaan sa edukasyon ang parte ng may P2 bilyong nakukulekta mula sa text. Sa dami ng text addict, tinatayang 20 porsiyento pa lang ng kita malaking luwag na para mapunan ang kakulangan sa classroom, sweldo ng mga guro at iba pang pangangailangan. 
 
Sa panukala ni Sen. Richard Gordon, bubuo ng Health and Education Acceleration Program Corporation na ang pondo ay magmumula sa mga kita sa text. Hindi raw kailangang magtaas ng singil sa text.  Suportado naman ni Speaker Prospero Nograles ang panukala ni Gordon. Pabor din ang ilang kinatawan ng mga guro sa ideya. 
 
Pero di nawawala ang pangambang ipapasa lang ng mga telco sa publiko ang anumang kita na mawawala sa kanila. Ayon sa kanila, pag-aarala nila ang panukala, pero hindi raw ba pwede na kusa nalang silang mag-donate?
 
 
Koneksyon ng milk scare sa pagkakasakit sa bato ng mga bata, malalaman ngayong linggo
Ngayong linggo malalaman ng Department of Health kung kunektado sa mga kontaminadong gatas mula China ang pagkakasakit ng mga batang may kidney stones sa tatlong public hospital sa Maynila.
 
Kapag napatunayang mga milk formula ang pinagmulan ng sakit nila, ito ang pagbabasehan kung sa pagba-ban ng mga gatas.
 
Ayon kay Dr. Eric Tayag, tatlo ang pagbabatayan kung may kinalaman ito sa kemikal na melamine sa gatas: edad, petsa ng pagkakaospital, at kung pinainom ito ng milk formula o pinasuso ng ina.
 
Tutulong naman ang samahan ng mg ospital sa DOH. Magpapalabas ang Philippine Hospitals Association ng memorandum sa mga ospital na tulungan ang DOH sa pag-imbestiga.
 
 
Bakbakan muling sumiklab sa Maguindanao
Walong sundalo ang sugatan sa panibagong bakbakan sa pagitan ng MILF at militar sa Datu Piang, Maguindanao.
 
Depensa ng militar, napapanahon ang opensiba dahil natukoy na nila ang kinaroroonan ni MILF kumander Umbra Kato na nagtatago umano sa Barangay Nimao.
 
Dinamdam naman ito ng mga residenteng Muslim na nagdiriwang ng Ramadan. Habang kaliwa't-kanan naman ang putukan, nagmamasid na lamang ang mga residenteng tila sanay na sa bakbakan.
 
Giit ng MILF, hindi sila maglulunsad ng opensiba kahit patapos na ang Ramadan, pero lalaban daw sila kung sila'y uunahan.
 
 
Limang Pinoy seamen napalaya na sa Somalia
Pinalaya na noong Sabado ang 41 crew ng Malaysian tanker na M/V Bunga Melati 5  na binihag ng mga pirata sa Somalia noong pang Agosto .
 
Kinumpirma ito ng Department of Foreign Affairs.
 
Kasama sa pinalaya ang limang tripulanteng Pinoy na sina Eduardo Lasprillas, Aldrin Palomo, Manuel America Jr., Rhageb Salabao at Ulyseise Magsulog.
 
Tiniyak naman ng DFA na nasa mabuting kalagayan ang limang Pinoy at inaayos na ang pagbabalik nila ng Pilipinas.