Tatlong minero buhay, dalawa patay sa rescue ops sa minahan sa Itogon
Nailabas ng tunnel ang bangkay ni Juan Himmayod at ang kapatid niyang si Rudy. Sila ang pangatlo at pang-apat kumpirmadong mga namatay sa binahang tunnel ng Goldfield Poblacion sa Itogon, Benguet.
Mas masuwerte sina Gilbert Nattem, Mario Annayasan, at Rudy Boling Jr. Buhay pa silang nakuha kahit siyam na araw sa malamig na tunnel nang walang pagkain.
Karamihan nga sa mga miyembro ng rescue team ang mga nagkakasakit na. Pati ilang miyembro ng Philippine Navy diving team nagkakasakit na din. May nagka-diarrhea, trangkaso at sinisipon dahil sa maghapong pagkakalubog, at minsa'y pagsisid pa nga, sa tubig sa loob ng tunnel.
OFWs tagapagligtas ng ekonomiya ayon sa gobyerno
Tiwala ang Malacañang, hindi tatagilid ang ekonomiya. Ang nakikitang tagapagsalba: ang mga Pinoy sa abroad na nagpapadala sa mga kaanak sa pilipinas.
Tantiya ng NEDA, mula $16 billion hanggang $18 billion ang remittances ng mga OFW ngayong taon. Pero hindi makita ng mga tinatawag na bagong bayani ang benepisyo dahil nakakaltasan din sila ng tax.
Sabi naman ng gubyerno, kailangan raw kasi ng pondo. Pero, wala din daw ipapataw na bagong buwis at imbes lagyan ng tax ang text, baka tanggalin na lang ang mga pribeleihyo ng mga cellphone comapnies.
Plano ng malakanyang na pulungin ang mga mambabatas sa Legislative Executive Development Advsiory Council para plantsahin ang magiging tugon ng Pilipinas sa krisis sa Amerika.
Gobyerno pinaghahandaan ang epekto ng US economic crisis sa bansa
Marami na ngang di makahanap ng trabaho, nakikitang lalo pa itong dadami! Ito ang nakikitang epekto ng krisis pampinansyal ng Amerika sa Pilipinas.
Paliwanag ni UP Economics Professor Benjamin Diokno hindi mga bangko kungdi mga trabaho ang mas higit na tatamaan sa krisis sa Amerika. Kapag ikinumpara daw bagyo, sapul ng bagyong pampinansyal ang Pilipinas ngayon. Bahagyang kakalma, pero ang kasunod: hagupit na todo.
Pangako ng gobyerno: aayusin ito. At wala daw dapat ipangamba dahil matatag ang ekonomiya. Pero sinaabi na ng ilang ekonomista, mas mahirap ang taong 2009 kaysa ngayon. At, magsisimula na itong maramdaman ngayong Pasko.
Pambansang budget nanganganib na rin dahil sa US economic crisis
Nanganganib ang pambansang budget ng Pilipinas dahil sa krisis sa Amerika! At tingin ng mga dating miyembro ng gabinete na sina Professor Ben Diokno at Leonor Briones, hindi nabibigyan ng sapat na pansin ang mga talagang mahihirapan-- ang mga karaniwang Pilipino!
Ayon kay Diokno ay umamin na rin ang gobyerno na apektado na ang Pilipinas, dahil mula sa target na 7 percent na growth rate ay bumaba na ito sa 4.1% projection.
Para kay Briones naman ay hindi naipapaliwanag ang malamang na hirap na kinakaharap ng gobyerno para pondohan ang tinatayang P1.4 trillion na pambansang budget - na ang ibig sabihin ay pagbabawas muli sa serbisyo publiko sa nakarararaming Mahihirap.
Sang-ayon ang mga eksperto na malamang na maipasa parin ang pansamantalang naunsiyameng planong pagsagip sa ekonomiya ng US sa pamamagitan ng pagbigay ng gobyerno nito ng $700 billion. Ngunit hindi parin makakasiguro kung ito nga ang solusyon sa matindng problemang ito na makakaapekto sa halos buong mundo.
Umbra Kato lumantad na
Lumantad na sa unang pagkakataon ang tinutugis na si MILF Commander Ameril Umbra Kato. Ang kanyang mensahe: hindi sila kundi ang militar ang dapat ituring na terorista!
Galit si Umbra Kato nang bansagan ang grupo niya bilang MILF lost command. Itinatanggi din niyang nilusob nila ang Aleosan, North Cotabato. Ang militar pa nga daw ang umatake at sila pa ang nagtanggol.
Aminado si Kato, kasama siya sa mga nakasagupa ng militar nitong Agosto 20. Pero itinanggi niyang nasugatan siya. Kinantiyawan pa niya ang militar.
Iisa lang ang nakikita niyang solusyon: giyera. Sagot naman ng AFP, maliit na ang mundo ni Kato bukod sa mahina na ang puwersa at malapit na rin daw mahulog ang MILF kumander sa kamay nila.
Pamilya ni Sen. Ramon Revilla, doble pasasalamat
Doble ang pasasalamat ngayon ng pamilya Revilla. Bukod sa patuloy na pagbuti ng kundisyon ni dating senador Ramon Revilla Sr., nadagdagan pa muli ang kanilang pamilya.
Kritikal pa rin pero bumubuti na ang kondisyon ni dating senador Revilla mula nang matanggalan ng mga bara sa ugat sa utak.
Bukod sa pagbuti ng lagay ng kanilang ama nadagdagan pa ang kanilang pamilya. Nagka-apo pa ulit sina Sen. Bong Revilla at Lani Mercado. Nanganak na ng baby girl ang anak nilang si Inah Revilla noong Martes.
Ilang Pinoy nagsisimula nang mag-isip ng raket para sa Pasko
Ilang Pinoy ang nakaisip ng paraan para kumita ngayong Pasko.
Ang ilang negosyante, mga Christmas foods ang raket. Ang iba, mga panregalong pamasko na simple lang, pero malaki ang kita.
Payo ng mga negosyante, dapat naiiba ang mga produktong ibebenta para siguradong tangkilikin ng mga mamimili ang inyong ibebenta.
02/11/2012 2:01 AM
02/11/2012 1:58 AM
02/11/2012 1:58 AM
02/11/2012 1:57 AM






