Mga barangay na binaha sa Candaba, nadagdagan pa
Parang hindi humihinto ang pagtaas ng baha sa Candaba, Pampanga na sanhi ng gumuhong Malisik Dike, at habang tumataas, nadadagdagan ang mga barangay na naapektuhan. Mula sa siyam na barangay, dalawa pang barangay ang pinapasok na rin ng tubig baha Huwebes ng gabi.
Hindi na makontrol ng nasirang dike ng malisik ang pagpasok ng tubig mula Bulacan, Aurora at Nueva Ecija. Pinangangambahang tuluyan na itong bumigay, gayundin ang iba pang tulad ng Cupang Dike na malapit sa Arayat.
Namatay Huwebes ng umaga ang 78-taong-gulang na si Antonio Pelayo. Lumabas lamang siya ng bahay para magpahangin. Hindi niya namalayan ang baha. Inanod siya at namatay.
Magdamag na tututukan ang pagtaas ng tubig sa Candaba. At tantya nila, tatlong araw pang walang ulan bago ito tuluyan humupa.
Mga biktima ng flash flood sa Nueva Ecija wala nang mabalikang mga bahay
Hindi pa rin makabalik ang daan-daang pamilyang binaha ang mga bahay kahit humupa na ang baha. Kaya kanya-kanyang diskarte sila ngayon ng pwestong matutulugan. Tuluyan na kasing nasira ang mga bahay nila.
Pero kahit na hirap sila sa kanilang mga tutulugan, nagpapasalamat na rin ang mga taga-Nueva Ecija at walang namatay sa kanila sa flash flood.
Ayon sa lokal na pamahalaan, sa illegal logging dapat isisi ang pagbaha sa kanilang lugar. Sa katunayan, nagkalat ang mga trosong nanggaling sa itaas ng bundok.
Hindi pa alam kung kailan sila makakabalik sa kani-kanilang bahay. Kaya humihingi sila ng tulong sa pamahalaan.
Rescue operations sa minahan sa Benguet posibleng tapusin na
Sinuyod na ng mga rescuer ang Goldfield Tunnel at hindi na talaga nila makita pa ang minerong si Joseph Anayasan. Si Anayasan ang huling minerong ililigtas mula sa binahang tunnel noong Miyerkules. Pero nang balikan siya ng mga rescuer, wala na ito.
Suspetsa ng mga otoridad, tumakas ito para iwasan ang warrant of arrest na ipinalabas sa kanya ng Rregional Trial Court Branch 6 dahil sa kasong robbery with violence.
Agosto 2002 nangholdap daw ng mag-ina si Annayasan sa Baguio City. Kung mahuhuli makukulong daw ito ng hanggang walong taon. Naka-alerto na ang Baguio at Itogon PNP sakaling totoo ang usap-usapang nakatakas ito.
DOH: Huwag agad maniwala sa mga resulta ng mga test ng ibang laboratoryo
Paalala ng Department of Health: huwag kaagad maniniwala sa mga private testing sa mga pagkaing galing ng China.
Nagpaalala si Health Secretary Francisco Duque na huwag basta-basta paniwalaan ang resulta ng mga independent test. Kailangan muna itong makumpirma sa pagsusuri ng BFAD. Ang Bureau of Food and Drugs ang nagdedeklara kung ligtas kainin o inumin ang isang produkto o hindi.
Isasailalim din ng BFAD ang mga produktong lumalabas sa pagsusuri ng Qualibet na may melamine kung ang mga ito ay hindi pa kasama sa limampu't dalawang nasa listahan ng BFAD.
Minamadali na ng BFAD ang pagsusuri kung ang mga nasa listahan ay may melamine para mailabas sa Biyernes ang resulta.
Sunog sa QC, aabot sa P2 milyon ang nasunog na ari-arian
Aabot sa P2 milyon ang nasunog sa paupahang bahay sa Quezon City Huwebes ng hapon.
Alas-singko ng hapon nang lamunin ng apoy ang isang paupahang bahay sa Alley 3, Project 6, Quezon City.
Dahil gawa sa light materials, mabilis na kumalat ang apoy at nadamay ang katabing apartment. Nahirapang pumasok sa lugar ang mga rumespondeng bumbero dahil makitid ang daanan.
Pasado alas-siete na ng gabi naapula ang apoy. Damit lang ang nabitbit ng mga nasunugan, pero, nagpapasalamat na rin sila na walang nasaktan o namatay.
146 na bariles ng endosulfan narekober na sa ‘Princess’
Isandaan at apatnapu’t anim na bariles na ng nakalalasong endosulfan ang na-i-a-ahon mula sa lumubog na M/V Princess of Stars.
Ikinatuwa ito ng mga mangingisda sa Sibuyan, Romblon. Malapit na kasi silang makapangisdang muli malapit sa kinalubugan ng barko.
Ipagbawal ito mula pa noong Hulyo nang lumubog ang barko ng Sulpicio Lines at malamang may lulan itong mga nakalalasong kemikal.
Dalawandaan at limampu’t apat (254) na bariles pa ng endosulfan ang i-aahon mula sa lumubog na barko.
World 10-ball dinagsa ng fans
Kahit binoykot ng mga pool superstars na sina Efren "Bata" Reyes, Ronnie Alcano at Alex Pagulayan, dinagsa pa rin ang World 10-Ball Championship na dito ginawa sa Pilipinas.
Pitong Pinoy ang pumasok sa knockout stage. Dapa si Arnel Bautista sa reigning world pool champion na si Daryl Peach. Tinalo naman ni Leonardo Didal si Zhang Schuchan ng China .
Pero ang pinakamainit na laban sa round of 64 ay ang kina Demosthenes Pulpul at sa crowd favorite na si Jasmin Ouschan na isa sa apat na babaeng nakapasok sa World Ten Ball Championship. Si Pulpul ang umabante sa susunod na round.
Sa mga pinaka-huling laban ng gabi, lumaban si Jeff de Luna, Victor Arpilleda at Jericho Bañares. Si de Luna ay nanalo 9-8 kontra kay Sander Tot ng Serbia at si Arpilleda naman ay nanalo naman ng 9-4 kontra kay Ming Wang, at si Bañares nanalo din 9-8 kontra kay Hung Hsiang Wang.
Pangulong Arroyo binisita si dating senador Revilla
Binisita ni Pangulong Arroyo si dating senador Ramon Revilla Sr, na naka confine pa rin sa St. Luke’s Medical Center matapos ma-stroke noong Martes.
Patuloy naman ang pagbuti ng kundisyon ng dating senador.
Bahagya lang tumaas ang blood pressure ni Revilla kagabi pero agad din itong bumuti.
Ayon pa sa anak niyang si Senador Bong Revilla, maaring tanggalin na Huwebes ng gabi o sa Biyernes ang tubong nakakabit sa katawan ng kaniyang ama.
02/14/2012 2:21 AM
02/14/2012 2:17 AM
02/14/2012 2:15 AM
02/14/2012 2:14 AM






