Claudio Teehankee Jr., laya na
Lunes lang nabalita pero Biyernes pa pala nakalabas ng bilangguan si Claudio Teehankee Jr.
Kinumpirma ni Justice Secretary Raul Gonzalez na pinalaya si Teehankee dahil sa executive clemency o pardon na ibinigay ng Pangulo. Noong nakaraang linggo pa raw natanggap ni Gonzalez ang utos na sinuri daw nang husto ng Department of Justice, Bureau of Corrections and Bureau of Pardon and Parole.
Ayon kay Gonzalesz nakapila na ring mabigyan ng presidential pardon ang isa pang celebrated convicted murderer na si Rolito Go. Nakapatay ng estudyante ng La Salle si Go dahil sa away trapiko sa Greenhills, San Juan.
Umalma naman ang Volunteers Against Crime and Corruption sa pardon. Hindi umano ito magandang senyales dahil mas maeenganyo ang mga kriminal.
Biglang pagkawala ni Ikram Indama pinaiimbestigahan
Pinaiimbestigahan ni Justice Secretary Raul Gonzalez ang pagtakas kanina ni Ikram Indama mula sa Criminal Investigation and Detection Group detention cell. Pinasususpende ni Gonzales ang mga bantay na pulis habang ginagawa ang imbestigasyon.
Si Indama ay suspek na ginawang testigo sa pambobomba sa Batasan noong Nobyembre 2007. Namatay sa nasabing pagsabog si Basilan Congressman Wahab Akbar at tatlong iba pa.
Nawala si Indama bago ang nakatakdang paglipat niya sa DOJ Witness Protection Program.
Nagalit naman si Anak Mindanao Rep. Mujiv Hataman sa raid ng PNP-CIDG sa kanyang bahay sa Filinvest sa Quezon City para hanapin si Indama.
Unemployment maaaring tumaas dahil sa humihinang ekonomiya
Habang kinakalma ng Pangulo ang mga negosyante, may hatid namang masamang balita ang kaniyang economic manager na si Joey Salceda. Mahigit 200,000 ang nakikita niyang mawawalan ng trabaho.
Tiniyak ng Pangulo sa mga bumisitang negosyante na ginagawa ng gobyerno ang lahat para hindi tumaas ang presyo ng petrolyo at mga bilihin. Ginagawa raw ito para hindi na humingi ng umento ang mga mangagawa upang hindi na maapektuhan ang pagnenegosyo.
Umamin naman ang mga exporter na aapektado na sila ng krisis sa Amerika. Kalahati na nga raw ang ibinaba ng kanilang growth projection, mula 8 percent naging 4 percent. Pero hindi pa nila masabi kung aabot nga ng 250,000 ang mawawalan ng trabaho.
Solusyon ni Salceda, maglaan ng P75 bilyong economic stimulus package par matulungan ang mga negosyante at mga sektor na maapektuhan.
Endosulfan mula sa ‘Princess’ dadalhin sa Maynila
Dadalhin na sa Maynila sa Miyerkules ang mga naiahong endosulfan mula sa lumubog na M/V Princess of the Stars.
Noong Linggo, nakuha nang lahat ang mahigit 400 drum ng endosulfan sa lumubog na barko sa Romblon.
Susunod namang kukunin ng retrieval team ang iba pang mga nakalalasong kemikal para makuha na rin ang natitirang mga bangkay na hindi pa naiaahon mula sa barko ng Sulpicio Lines.
Smuggling ng mga gatas mula China pinaiimbestigahan
Pinaiimbestigahan sa Senado ni Sen. Miriam Santiago ang Bureau of Customs dahil sa hinihinalang pagpupuslit ng mga gatas mula China na may halong melamine.
Dating deputy commissioner ng Customs ang asawa ni Santiago at ayon sa senadora may “smuggling network” umano sa BOC.
Matapos tukuyin ang mga taga-Customs na umano'y kumunsinti ng milk smuggling pinakakasuhan ang mga ito sa Ombudsman.
Kasabay ng imbestigasyon sa melamine scare hiniling din ni Santiago sa Senado na agarang ipasa ang kanyang panukalang Consumer Food Safety Act. Layon ng panukalang palakasin pa ang BFAD para masigurong ligtas ang mga produktong kinakain o iniinom ng publiko.
AFP nababahala sa ‘war shock’ sa mga sundalo
Bukambibig ang war shock, pero iilan ang nakakaalam kung ano ito kaya tago ang pagdami ng kaso at ngayon pa lang tinatangkang tugunan ito.
Nababahala ang AFP dahil dumdami ang hinihinalang nag-su-suicide na sundalo. Lumitaw ang natatagong karamdamang ito nang mamatay si Colonel Roberto Caldeo na nalagasan ng maraming tauhan laban sa Abu Sayyaf noong 2000.
Dalawampu hanggang 25 sa bawat isang daang sundalo at opsiyal na ginamot sa V. Luna Hospital ay maaring may sintomas ng post traumatic stress disorder. Pero, wala pang ginagawang pag-aaral para matulungan sila. Ngayon pa lamang ikinakasa ang programa para tulungan ang mga may war shock.
Para matulungan ang mga may war shock kailangan munang matanggap nilang normal sa mga sumusuong sa panganib ang magkaroon ng ganitong sakit.
Trabaho sa Canada para sa mga Pinoy dumarami
Nadagdagan pa ang inaalok na trabaho sa Canada. Kaya naman sumugod sa POEA ang mga gustong mag-abroad.
May madadagdag na namang trabaho mula sa British Columbia, Canada. Dalawandaang pinoy na ang sasalain sa job interview sa Martes na mismong delegasyon ng British Columbia ang mangangasiwa. Marami ang umaasa na su-swertihi silang makapag-Canada.
Ayon sa POEA, hindi agad-agad magiging available ang 10,000 trabaho at hindi rin daw sigurado na sa mga Pinoy maibibigay ang lahat ito. Wala rin daw sa POEA kundi nasa mga pribadong recruitment agency ang mga job order.
02/14/2012 2:21 AM
02/14/2012 2:17 AM
02/14/2012 2:15 AM
02/14/2012 2:14 AM






