Bandila, Miyerkules, Oktubre 8, 2008
Bandila, Miyerkules, Oktubre 8, 2008
10/09/2008 12:31 AM

Teehankee nakalabas na ng Bilibid
Kung hindi agad naisapubliko ang pagpapalaya kay Claudio Teehankee Jr., palihim din ang ginawa niyang pag-alis sa tinuluyan niyang bahay sa loob ng New Bilibid compound Miyerkules ng gabi.

Habang abala ang media sa pagbabantay at pagbabalita sa harap ng kwartong tinirahan ni Teehankee, dahan-dahan pala itong pumuslit sa likuran. Lumusot siya sa likuran ng bintana alas syete ng gabi at lumabas sa isang pintuan.

Bumaba siya kasama ang isa pang lalaki sa isang hagdanang ng simbahan at saka sumakay ng motorsiklo. Mula dito, angkas si Teehankee sa motor hanggang sa kanto. Duon lumipat ng pulang pick up si Teehankee, isang government vehicle na may plate number SEW-750.

Kinumpirma sa media ni Father Roberto Olaguer, chaplin ng New Bilibid Prisons, na umalis na ng alas syete ng gabi si Teehankee Jr. Pero hindi na ito nagbigay ng ano pa mang statement sa harap ng camera.

Pardon pwedeng pawalambisa ng Korte Suprema
Pwede pang ipawalang-bisa ang presidential pardon kay Claudio Teehankee Jr., ayon sa dating ombudsman na si Simeon Marcelo.

Sabi niya, pwede pang magfile ang pamilya ng mga biktima ng petsiyon para sa Rule 165 para mapawalang-bisa ang pardon. Ito'y kung mapapatunayang nagmalabis sa pagibigay nito ang Pangulo.

May mali daw sa proseso ng pagpa-pardon at pagbibigay ng executive clemency. Ito tingin ng CBCP Parish Episcopal Council on Prison Pastoral Care.

Ayon kay Executive Secretary Eduardo Ermita, walang kinalaman dito si Ambassador Manuel Teehankee na minsang naging justice undersecretary, gayundin ang pagiging kaklase ni Pangulong Arroyo sa Assumption College sa isa pang kapatid ni Teehankee, si Priscilla Teehankee-Gamboa.

Pagsisisi ni Teehankee isinulat sa appeal letter
Pagsisisi at paghingi ng tawad sa pamilya ng kanyang mga napatay. Ito ang nakasaad sa sulat ni Claudio Teehankee Jr. sa Pangulong Arroyo na eksklusibong nakuha ng ABS-CBN News.

Setyembre noong nakaraang taon nang sumulat si Teehankee kay Gng. Arroyo upang ihayag ang pagsisisi sa nagawang krimen. Sabi niya,  itinuturing niya ang gabing iyon ng Hulyo 13, 1991 bilang pinakamadilim na bahagi ng kanyang buhay.  Araw-araw daw niyang pinagsisihan ang dalamhating idinulot niya sa pamilya Hultman at Chapman.

Sinabi niya sa Pangulo na 66 anyos na siya noong 2007 at gusto niyang makabawi sa kanyang pamilya na labis na nagdusa nang siya'y nakulong. Nais din niyang alagaan ang kanyang ina.

Sa liham, nangako siya kay Gng. Arroyo na kung mabigyan ng pardon ay tutulong siya sa pagpapalaganap ng salita ng Diyos sa mga bilanggo, gayundin sa pangangalaga sa ating kapaligiran.

Stock market, piso nakipagsabayan sa pagbagsak ng world markets
Tatlong araw nang sunud-sunod na bagsak ang stock market. Talo na naman ito nang mahigit 116 points nang magsara sa 2,307 level, ang pinakamababa sa mahigit dalawang taon.

Isinisisi ang pagbagsak ng merkado sa problemang pinasyal sa Amerika na kumalat na sa Europa at Asya.

Pati ang piso -- mas lumiit ulit ang halaga kontra dolyar. Kaya tuloy sumaklolo na kanina ang Bangko Sentral para huwag matuluyan sumadsad ang piso.

Mga importer ng China milk products tutulungan ng pamahalaan
Positibo sa melamine ang isa sa 22 milk products sa second batch na tinesting ng Bureau of Food and Drugs.

Tanging ang Jolly Cow Slender High Calcium Low Fat Milk ang positibo, na ibinalandra naman ni Health Secretary Francisco Duque. Sa ngayon, tatlo na silang melamine positive. Nauna na ang mga gatas na Yili at Mengniu.

Susuriin naman ng Department of Trade and Industry ang kontrata ng mga importer sa mga manufacturer ng China milk products. Baka raw kasi pwede namang makakuha ng refund ang mga importer sa mga produktong hindi naman nila naibenta.

Inaasahan namang ilalabas ng BFAD ang resulta sa pangatlong batch ng mga sinuri nilang produkto kung may positibo rin sa melamine.

Mga kompanya ng langis napiitang mag-rollback
May pisong rollback ngayon sa bawat litro ng mga produktong petrolyo. Ito'y matapos bumababa ang presyo ng krudo sa world market at magbanta si Energy Secretary Angelo Reyes na ipa-pa-audit ang mga oil company.

Pisong rolbak agad ang itatapyas sa presyo ng diesel, gasolina at gaas kahit kalagitnaan pa lang ng linggo. SeaOil ang mauuna kahit Eastern Petroleum at Pilipinas Shell ang naunang nag-anunsyo. Alas diyes pa lang kasi Miyerkules ng gabi, nagbawas na ito ng presyo habang mamayang hatinggabi pa ang Shell, Eastern, Petron, Caltex at Flying-V. Sa Huwebes naman ng umaga ang Total at PTT.

Kahit may good news ang mga oil company hindi pa rin kuntento ang mga motorista. Lumakas ang "pressure" sa mga oil company na mag-rolbak dahil pati Malacañang, nakisawsaw na sa panawagang bawas-presyo. Pumalo na kasi sa pinakamababang antas ang halaga ng Dubai crude sa $77.85.

Pero ayaw paawat ng mga transport group. Dapat daw may rolbak pa ulit sa weekend o susunod na linggo hanggang matapyasan ng mahigit P10 ang presyo.